Talumpati
ng
Kagalang-galang Manuel L. Quezon
Pangulo ng Pilipinas
Sa paglikha ng Pambansang Wika

[Binigkas sa radyo sa Presidential Study, Palasyo ng Malacañan, noong ika-30 ng Disyembre 1937]

Si Rizal Hinggil sa Isang Wikang Pilipino

Mga Kababayan:

Nagdudulot sa akin ng di matingkalang kasiyahan na maipahayag ko sa inyo na ngayong ika-41 anibersaryo ng pagmamartir ng nagtatag at pinakadakilang tagapamansag ng nasyonalismong Pilipino, ay naging karangalan kong ilagda, bilang pag-alinsunod sa utos ng Konstitusyon at ng umiiral na batas, ang isang Kautusang Tagapagpaganap na nagtatalaga sa isa sa mga katutubong wika na maging batayan ng wikang pambansa ng bayang Pilipino. Ang Kautusang Tagapagpaganap ay gaya ng sumusunod:

(Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134, na nagpapahayag na ang Tagalog ay siyang magiging batayan ng wikang pambansang Pilipino.)

Sa kanyang makabayang pagsisikap na maitaguyod ang nasyonalismong Pilipino ay inilagay ni Rizal sa bibig ni Simon, sa pakikipag-usap kay Basilio, ang sumusunod na kataga, “Ang Kastila ay hindi kailan man magiging wikang pangkalahatan ng bansa; ang baya’y hindi kailan man magsasalita nito. Bawa’t bayan ay may sariling wika gaya ng pagkakaroon niya ng sariling pag-iisip. Pinagpipilitan ninyong mabuti na hubdan ang sarili ng angking katauhan bilang isang bayan; nalilimutan ninyo na habang pinangangalagaan ng isang bayan ang kanyang wika ay taglay niya ang isang tanda ng kanyang kalayaan, gaya rin ng pagtataglay ng kalayaan ng isang tao habang pinangangalagaan niya ang kanyang sariling laya ng pag-iisip. Ang wika ay siyang nagpapahayag ng mga kaisipan at mithiin ng isang bayan.”

Kaya, sa pagpapasiyang mapagtibay ng isang wikang pambansa na pinili sa iba’t ibang wikang sinasalita sa Pilipinas at lalo na sa Tagalog na hindi lamang siyang katutubong. wika ni Rizal kundi siya ring pinakamaunlad sa lahat ng wikang umiiral sa bansa, ay isinasakatuparan lamang natin ang isa sa mga mithiin ng ating bayani bilang paraan ng pagbuo at pagpapalakas sa ating pagkakaisa.

Sa loob ng mahigit na tatlong daang taon ng kapangyarihan ng Espanya sa Pilipinas, ang Kastila ay siyang wikang opisyal, gayon man, nang mapasakamay at pamahalaan ng Estados Unidos ang Kapuluang ito, ang Kastila ay hindi naging wikang panlahat sa ating bayan. Sa pagkakatatag ng pamamahalang Amerikano, ang Ingles ay siyang naging wikang opisyal dito sa atin; nguni’t sa kabila ng pangyayaring ang Ingles ay itinuturo na sa lahat ng paaralang bayan natin sa loob ng mahigpit na isang henerasyon, ito’y hindi naging wika ng ating bayan. Sa kasalukuya’y walang isang wika na sinasalita at nauunawaan ng lahat ng Pilipino, ni ng nakararami sa kanila, bagay na nagpapatunay lamang na samantalang ang pagtuturo ng isang wikang dayuha’y maaaring ipag-utos sa isang bayan, hindi naman maaari kailan man na mapalitan ng wikang iyan ang katutubong wika bilang kasangkapan ng bansa sa pagpapahayag. Ang dahilan, wika nga ni Rizal, ay sapagka’t ang pag-iisip ng bansa ay nag-uugat sa isang wikang panlahat na umuunlad at sumisibol na kaalinsabay ng pagkasulong ng bansa. Maaari nating hiramin sa loob ng isang panahon ang wika ng ibang bayan, nguni’t hindi tayo tunay na makapag-aangkin ng isang wikang pambansa maliban sa pamamagitan ng pagpapatibay, pagpapaunlad at paggamit ng isang wika na sariling atin.

Kalabisan na sa aking ilarawan pa kung gaano kahalaga sa ating bayan ang pagkakaroon ng isang wika na magagamit ng lahat sa kanilang pag-uusap araw-araw. Hindi maaaring Ingles o Kastila, maliban na lamang marahil, kung bagaman, kung makaraan na ang maraming henerasyon at sa napakalaking gugol. Hindi tayo makapaghihintay ng ganoon katagal. Dapat na sa lalong madaling panahon ay makapag-usap tayo nang tuwiran sa pamamagitan ng iisang wika. Kailangan natin ang kanyang lakas upang lubusang mabigkis tayo sa iisang pagka-bansa na malakas at matibay. Makapagbibigay ito ng inspirasyon at sigla sa ating kilusang bayan at magdudulot sa ating pagka-bansa ng isang bagong kahulugan na hindi natin kailan man naipahayag nang sapat at lubusan. Bilang Pangulo ng Pilipinas, di miminsa’t mamakalawang nadama ko ang malaking kahihiyan na magsalita sa mga tao sa pamamagitan ng isang interprete doon sa mga lalawigan ng Kapuluan na ang wikang ginagamit ay Ilokano, o kaya’y Bisaya, Kapampangan o Bikol.

Ang pagkakaroon natin ng sariling wikang pambansa ay hindi nangangahulugang tatalikdan natin sa ating mga paaralan ang paggamit o pag-aaral ng wikang Kastila, lalo na ng Ingles, na sa ilalim ng ating Saligang-batas, ay siyang batayan ng ng pagtuturo sa paaralang primarya. Pangangalagaan ng wikang Kastila para sa atin ang ating kalinangang Latin at siya nating magiging kasangkapan sa pakikipag-ugnayan sa ating dating inang lunsod gayon din sa Amerika Latina; ang Ingles, dakilang wika ng demokrasya, ay siyang mag-uugnay sa atin magpakailan man sa mga mamamayan ng Estados Unidos at magdudulot sa atin ng mga karunungang nakasulat at iniingatan sa wikang ito.

Nagkaroon ng panahon na tila hindi maaari sa mga Pilipino na pagkasunduan nilang ang isa sa mga katutubong wika ay piliin na maging wikang pambansa, nguni’t sa wakas ay napakilala nating lahat na kung ang isang wikang dayuhan ay matatanggap natin para maging wikang opisyal ng Pilipinas, lalong matuwid namang dapat nating tanggapin ang isa sa mga wikang katutubo natin upang maging wikang pambansa nitong ating bayan. Hindi sa pagbibigay ng lagpas na pagpapahalaga sa tungkuling ginagampanan ng isang wikang panlahat sa buhay ng isang bayan, maaaring banggitin natin ang katotohanan na sa Silangan ang kaisa-isang bansang nakagawa ng pinaka-malaking pagkasulong at nakasapit sa isang mataas ng kala-gayan sa angkan ng mga bansa, ay ang tanging bansang may isang wikang panlahat—ang Hapon. At ang alin pa mang ibang bansa na nakapagtamo ng pagka-bansa at sa kapang-yarihan, maging sa lupalop ng Amerika at sa Europa, at maging sa Aprika, ay bansang may isang wika na pambansa at panlahat.

Ngayong araw na ito, sa pagpapatibay sa Tagalog bilang saligan ng wikang pambansa ng Pilipinas, ay naisakatuparan natin ang isa sa pinakamimithing pangarap ni Rizal.

Wala nang lalong mabuting paraan ng pagpaparangal natin sa banal niyang alaala sa anibersaryong ito ng kanyang pag-papakasakit sa kapakanan ng ating malayang pagkabansa.

Hinahangad ko para sa inyong lahat ang isang Maligayang Bagong Taon.


Share on social media