Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa panunumpa ng mga bagong halal na pangulo at opisyal ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas

[Inihayag sa Mall of Asia Complex, Lunsod ng Pasay, noong ika-13 ng Enero, 2011]

Ako po’y nagmamadaling tumungo dito sa atin pong pagpupulong sa araw na ito, dahil talaga naman hong sa aking pagiging Kongresista, talagang kabahagi ho ng ating pamamahala ang atin pong pinagpipitagang mga kabarangay. At lalo na po dahil sa pagbalik ko sa Malacañang, ang tatalakayin po nami nay ang utang naman ng NFA. Ang pinamana po sa atin kasi ay maliit lang—P177 billion na babayarang utang. Kaya ‘di hamak mas masaya akong makapunta dito kaysa harapin muna iyon.

Dito po’y palagay ko kabahagi ko po kayo sa solusyon at hindi sa problema. Kanina po, pagpasok ko, napansin ko: “Aba, kako wala yatang bumabati masyado; wala yatang pumalakpak. Mukang galit sila sa akin.” Ako’y napapagisip, “Bakit naman sila magagalit?” Tapos, napansin ko nakalabas ho pala ang mga camera. Mahirap ngang pumalakpak habang kumukuha ng shot. Kaya kung kukunan niyo ako ng litrato, titignan naman niyo siguro—kaya palagay ko’y magkakampi pa rin tayo, kaya maraming salamat sa inyong lahat.

Alam niyo po, maraming beses na tayong naimbitahan sa ganitong mga pagtitipon. Siguro naman po, ang ilan sa inyo, dumalo at nakasama ko na sa mga okasyong tulad nito. Noong Disyembre po, nandyan ang kauna-unahang Barangay Assembly Day sa panunungkulan ko bilang Pangulo. At noong nakaraang Sabado naman po, liga naman ng mga lungsod sa Pilipinas ang ating dinaluhan. Gayumpaman, kahit gaano kadalas ito, paulit-ulit man ang ganitong imbitasyon, di tayo nagdadalawang-isip na paunlakan kayo. Basta para sa kabutihan ng ating mga kababayan; basta para sa pagpapalakas ng ugnayan ng lokal na pamahalaan sa ating administrasyon, hindi namin kayo tatanggihan.

Paano nga naman tayo makakahindi kung ang pinanggalingan ng imbitasyon ay mismong si Liga ng mga Barangay National President RJ Echiverri, ang panganay na anak ng kapartido nating si Mayor Recom Echiverri. Kay RJ po, nagtitiwala akong tulad ng iyong ama, may mga araw man na makaligtaan ni Mayor Echiverring mag-ahit ng bigote dahil sa tambak na trabaho, ang mahalaga ay hindi mo kailanman makalimutang tugunan ang mga problema ng inyong mga kababayan. At sa lahat ng mga bagong halal na pinuno: umaasa akong patuloy ninyong mapapa-igting ang pagkakaisa at kaunlaran sa inyong mga sinasakupan, at mai-angkop ang inyong mga programa sa pangkalahatang direksyon na tinatahak ng atin pong bayan.

Sa kasaysayan nga po natin, naituro sa atin na ang barangay ay hinango sa balangay, na isang bangka ng mga Malay. Mula sa maliit na grupo ng pamilya, lumalago ito hanggang sa magsimula silang manahan sa mga pampang upang bumuo ng mas malaki at maunlad na lipunan. Naging posible ito dahil sabay-sabay nilang sinasagwan ang kanilang balangay tungo sa iisang direksyon—walang tatamad-tamad dahil babagal ang takbo; walang sumasagwan sa kabilang direksyon dahil iikot lang nang iikot lang sila at walang mararating.

Ang barangay ang unang takbuhan ng mga mamamayan tuwing may agarang pangangailangan. Hindi sa munisipyo; hindi sa presinto. Hawak ninyo ang responsibilidad, pananalapi at yaman upang maihatid ang mga serbisyong panlipunan sa inyong mga kabarangay sa pinakamabilis at pinakamasinop na paraan.

Alam po niyo, ‘pag may laban tayo sa dengue, kayo ang nasa frontline. ‘Pag dumating ang baha, kayo ang nasa frontline. ‘Pag ipapatupad na natin po ‘yung conditional cash transfer, nakasalalay rin sa inyo kung magtatagumpay o hindi. Kaya naman po ‘pag ginawa niyo ang tama, ay sigurado naman pong kayo ang bida.

May humigit-kumulang apatnapu’t dalawang libong barangay sa bansa. Ibig pong sabihin, may apatnapu’t dalawang libong paraan upang mapabuti ang kalagayan ng maralita nating mga kababayan; may apatnapu’t dalawang libo po tayong kabalikat na sasagwan tungo sa mas maunlad na bayan.

At bago ho ako magpatuloy, kanina po’y nagbanggit ang aming kasamang si RJ, sabi niya, “Paano naman ‘yung tuition?” Nag-compute po ako; buti kasya sa calculator ko. Sa 42,000 barangay, isang estudyante P10,000 kada taon—noong araw po kasi P5,000 matrikula sa amin sa Tarlac State University—ay konti lang pala ang kailangan: P420 million. Kaya hindi ho mali na ipatupad natin iyan. Bigyan lang po niyo tayo ng pamaraan, at iyong pagtutulong, pakikibahagi sa atin, bakit hindi natin mararating mabigay iyong kakayahan ng gobyernong maigawad naman sa inyo ang dapat sa inyo.

Kaya na nga ho, batid naman po ninyo iniwan pos a atin—konti lang naman—P325 billion na utang. Deficit po iyon. Hindi ho tatangapin ng mga state university ‘yun e.

Malinaw po ang gusto nating patunguhan—sugpuin ang katiwalian, para malunasan ang kahirapan. At mahalagang mula pa man sa pinakamababang antas ay nasisimulan nang maipatupad ito dahil kayo ang unang tinatakbuhan ng ating mga kababayan. Kaya naman, sinusuportahan po natin ang inilabas na Memorandum Circular No. 2010-2012 ng DILG, ang “Guideposts in Promoting and Sustaining Barangay Good Governance.” Sa ganitong paraan, magiging bukas sa publiko ang mga transaksyong pinaglalaanan ng salapi ng mga barangay. Patunay itong seryoso tayo sa isinusulong nating mabuting pamamahala, na wala tayong itinatago sa taumbayan.

Simula’t sapul pa lang, nanawagan tayo sa lahat ng kawani ng pamahalaan na bago gumawa ng solusyon, kailangan muna nating alamin kung ano talaga ang problema. Sa ganitong paraan, hindi tayo padalos-dalos sa ating mga hakbangin, at matutugunan agad natin ang mga problema ng mga Pilipino. Kaya naman tiwala akong, sa tulong ng mga barangay, ang mahigit dalawang milyong benepisaryo ng ating Conditional Cash Transfer program ay magagabayan at nabibigyang-lakas na bumangon mula sa pagkakasadlak sa kahirapan.

Minamaneobra na rin po natin ang sistema ng lipunan na umapi sa maraming Pilipino. Sa ating mga isinusulong na hangarin, hindi natin hahayaang ang dalisay nating layunin ay mabahiran ng dating bulok na kalakaran. Inaasahan po tayo ng ating mga kababayan. May munting pakiusap lamang po ako sa inyo. Marami sa atin ang medyo matagal na rin sa larangan ng pulitika [si Mayor Echiverri po lubhang mas matagal na sa akin], at batid kong ngayon pa lamang, may mga binubuo na kayong plano at estratehiya para sa inyong karera sa susunod na halalan. Pero, malayo pa po ang eleksyon pang-barangay, kaya ang interes ng taumbayan muna sana ang unahin natin. Tutal naman po, kapag naramdaman nilang tapat kayo sa inyong trabaho at may makabuluhang pagbabago sa inyong sinasakupan, sila na mismo ang magsasabing, “Ikaw pa rin ang nais naming mamuno dahil kapakanan namin ang inuuna mo.” Kapag hindi ninyo binigo ang pinangakuan ninyong paglingkuran, hindi rin nila kayo bibiguin sa panahong kailangan niyo rin ang kanilang suporta.

Umaasa akong patuloy kayong magiging kabalikat ng ating administrasyon sa pagdudulot ng reporma sa ating bayan. Tungkulin ninyong ilapit sa lokal na antas ang adhika ng ating pamahalaan. Kung sinabi po nating tuwid na landas, wala na po sanang magsho-shortcut. Kung sinabi nating walang tongpats, wala na po sanang tatanggap pa ng mga pailalim na sobre. Kung may nagpaparehistro ng negosyo at kailangan ng barangay clearance, huwag na natin silang pahirapan pa na dumaan sa sampung butas ng karayom. Magtrabaho tayo ng tapat, may pananagutan, at lagi nating unahin ang interes ng taumbayan. Wala naman pong ibang makikinabang diyan kundi ang inyong mga kabarangay.

Balang araw po, tatanungin kayo ng inyong mga apo kung ano ang nagawa ninyo bilang lingkod-bayan. Mas maganda naman po sigurong lumingon at ipagmayabang sa kanilang, “ganito kadami ang nagawa ko” kaysa naman sa “ganito ako katagal umupo, at walang nagbago.” Sinusukat tayo ng ating mga kababayan sa dami ng mabubuting bagay na naidulot natin sa kanilang pamumuhay, hindi sa tagal natin sa puwesto.

Wala naman pong duda na sa munting panahon ng ating pagsasama, marami na tayong nagawa. Nakamit na natin ito dahil sa tulong ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas, na patuloy na nakikibahagi sa paghahanap ng solusyon upang bigyang-liwanag ang bawat pamayanan ng bansa. At hindi tayo titigil dito. Ipagpatuloy pa ninyo ang inyong pagtitiwala sa gobyerno; ipagpatuloy pa natin ang tiwala natin sa isa’t isa. Kapag natapos na ang anim na taon ng aking panunungkulan, na marahil ay mas di hamak manipis pang buhok ang matitira sa akin, o mas marami pang kulubot sa noo, umaasa akong pagbaba ko sa entablado sa tanghali ng June 30, 2016 (maganda hong isipin, 65 na lang to go—problema lang ho, “months”), taas-noo kong masasabi na mas maunlad, mas mapayapa at mas matiwasay ang buhay ng ating mga kababayan kung ihahambing sa July 1, 2010 na nadatnan natin. Abot-kamay na po ang katuparan ng ating mga pangarap; sama-sama po natin itong abutin.

At bago ako magtapos, ako po’y may isang ikukwento sa inyo, na sana po’y ’wag na natin tularan. Mayroon pong isang bayan. Nagho-host sila ng isang pagkalakilaking US company. Banggitin ko na po: ang ngalan ng kumpanya ay Intel Philippines. ’Pag tayo po naman ho siguro ay nakakita na ng computer ’pag binibenta nakalagay, “Intel Inside,“ ’di ho ba? Ginagawa dati iyong produkto ng Intel sa Pilipinas—10,000 ang empleyado nila. Bakit ho dati? Alam ho niyo, isa sa mga dahilan ay talaga naman po iyong kinikwento ko nga ho sa inyong pinapahirapan noong kanilang host. ’Di ho ba host? May bisita ka: alagaan mo ang bisita mo. E talaga ho yatang hindi lang—kasabihan ng Tagalog, samsam ng butas ng karayom—dito po ay bulto-bulto ng butas ng karayom ang dinaanan: awa ng Diyos, ang nakikinabang po ay iyong mga taga-Vietnam. Marami po tayong investor na parating. Kanina po’y nalaman ko ho, iyong pinangako ho ng Coca-Cola na one billion-dollar investment ay lampas sa 200 million na po ang nakalaan na gugugulin nila sa Pilipinas itong taong lang ito. Pero babalik ho ako dito. Wala ho silang obligasyon na magtayo ng kanilang mga pamumuhunan sa ating bansa, pero pagdating sa atin, sinabi natin sa kanila: ok ’yan, lahat ng empleyado mo kunin mo sa ’kin.’Ke Qualified, ke hinde, dapat ako ang employment agency mo. Ilan ho kaya ang mananatili sa atin? Alam ho niyo, noong ako po ay bagong Kongresista—’wag naman po ninyong mamasamain—katrabaho ko po kabarangay. Mayroon po tayong nahanap na scholarships. Ibinahagi ko ho sa lahat ng baranggay namin: kayo ang nakakakilala ng inyong mga kababayan. Sino ang may kwalipikasiyon? Sino ang may pangangailangan? So, nataas ako ng mga pangalan—awa ng Diyos karamihan ho doon hindi nagpasukan: sayang’yung pagkakataon. Bakit ho ganoon ang nangyari? E puro pulitika po iyong ginamit na batayan. Sayang.

Ulitin ko lang po: nagpunta tayo ng Amerika, lampas P2 bilyon ang ikinomit [commit] sa ating investment. Nagpunta po tayo sa Japan, P2.8 iyong tiyak na investment—billion dollars—may papasok pang mas dagdag doon. Pero sabi nga ng tatay ko noong araw: “Kaya kitang pagbuksan ng pintuan, kung mananatiling bukas ito, nasa sa’yo yan.“ Kung tayo po ay bibiyayaan na sa atin po’y magdudulot ng pakinabang itong mga niyaya natin, at tapos ho’y hindi natin inasikaso ng maayos, baka naman hong maski anong pakiusap ko’y walang mangyari sa ating lahat. Kaya po nakikiusap akong masinsinan sa inyo. Iyong sa Amerika lang ho, 43,000 jobs ang idinagdag na sa atin. Sa totoo lang po, tuloy-tuloy na po silang kumukuha ng kanilang mga empleyado. Sa BPO ho, kada isang empleyadong makuha, lima ang dagdag na trabaho. Bakit? May nagtitinda ng kape doon sa mga Starbucks, mayroong nagmamaneho ng taxi, mayroon iyong nagtitinda doon sa mga 7-11 na convinience store, at iba pa. Bawat maipasok na trabaho nitong mga dayuhan na investor, nanganganak ng at least lima na trabaho. So iyong 40-plus [thousand], parang 25,000 na po ang pinag-uusapan nating mga trabaho diyan. Sayang e, hindi ho ba? ’Yon ang susi para masabi nating nagbago ang ating lipunan. ’Yon ang susi para masabi nating ’yung barangay natin iba na ang dating ngayon. Paano mangyayari iyan? Hindi ho darating si Superman; tutulungan tayo; lalo na ho si Batman. Tayo ho ang susi diyan, at kayo po ang pinili ng inyong mga kabarangay—nandoon ang tiwala, at ako po’y isasama ko na ’yung tiwala ko na kayo ang susi ng ating pagasenso.

Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.


Share on social media