VIDEO:

YouTube Preview Image

TRANSCRIPT:

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagpapasinaya ng Mercado de Bais

[Inihayag sa Lungsod ng Bais, Negros Oriental noong ika-7 ng Setyembre 2011]

[...] Secretary Greg Domingo ng DTI; Jesse Robredo ng DILG; Mar Roxas ng DOTC; saka si Ronald Llamas ng Presidential Adviser on Political Affairs, kaya natawag ko hong “PAPA” Ronald; atin pong presidente ng Clark Development Corporation Ipe Remollo; Governor Nieves ng Zamboanga del Norte, present ho pala; kita ko rin ho ang butihing kaibigan nating Linda Gonzales mula sa Bicol; other local officials; people of Bais City; honored guests; ladies and gentlemen:

Nagpraktis po ako ng kaunting Cebuano, kung okey lang sa inyo susubukan ko ho ha.

Siyempre, umpisa po tayo sa maayong buntag ka ninyong tanan. [Applause] Dito ako medyo nahirapan nang kaunti, hihingi po ako nang kaunting paumanhin kung mali ho ang pagbigkas: Kani adtung kampanya, kahinumdum mo nga ni ingon ko daghan kay guwapa  diri sa Bais. [Applause] Pero karon, makaingun giyud ko nga mas nidaghan ang mga guwapa diri sa inyo, labi na giyud si Mayor Karen. [Applause and laughter] Tama naman, Karen? Tama ho pala ang pag-practice ko kanina.

Noon pa man, ang mga palengke at pamilihang bayan na ang nagsisilbing sentro ng komersyo at kalakal sa iba’t ibang sulok ng bansa. Dito dumadaloy ang kaunlaran ng kabuhayan ng ating mga kababayan; dito umaagos ang pag-asenso ng masisipag na mga Pilipino: mula sa mga magsasaka at mangingisdang naghahatid ng kanilang mga ani at huli, hanggang sa mga prodyuser at tindera na namumuhunan sa kanilang mga produktong ipinagbibili, kasama na rin ang kanilang mga suking bibili ng kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan. Ang pamilihang bayan ang puso ng mayamang ugnayan ng ating mamamayan. Dito nagtatagpo ang landas ng marami nating kababayan.

Marahil, ang ilan sa inyo ay may malinaw pang alaala nang tinupok ng apoy ang dating pamilihang bayan ng Bais. Ngunit mula sa usok at abo ng malungkot na pangyayaring ito, muling bumangon ang palengkeng ito upang patunayan ang tatag, dedikasyon at husay ng mga taga-Bais. At hindi lang ninyo ito itinayo nang basta-basta: sa pangunguna ni Mayor Karen Villanueva, itinindig ninyo ang Mercado de Bais nang may pambihirang anyo—isang estrukturang nagpapahiwatig na hindi nagpapaiwan at hindi nagpapadaig ang mga taga-Bais sa pag-usad ng teknolohiya sa makabagong panahon.

Aaminin ko pong nang una kong nakita ang pamilihang bayan ninyo, napagkamalan ko po itong mall. Saan ka ba naman makakakita ng pamilihang may elevator pa pala? Sa Mindoro po kasi, escalator pa lang eh. Idagdag pa po diyan ang mga kahanga-hangang pasilidad tulad ng function room, transient room, at mga kainan. Bukod pa sa cold storage facility na titiyak na sariwa ang ipinagbibili ninyong mga produkto, naglaan din kayo ng espasyo para sa mga bata na sumasagisag sa pagpapahalaga ninyo sa kasiyahan ng mga pamilya. Agaw-pansin din ang inyong underground sewerage treatment plant. Mantakin ninyo: ang mga basurang dati’y binabalewala at itinatambak lamang, napapakinabangan pa natin bilang fertilizers at maaari pang pagmulan ng dagdag na kita. Dahil dito, nababawasan natin ang sanhi ng polusyon, nailalayo ang mga mamimili sa mga sakit, at napapangalagaan pa ang ating kalikasan. Tiwala ako sa matagumpay na pagsasakatuparan ng proyektong ito, at umaasa akong tutularan ito ng iba pang lokal na pamahalaan.

Sa mabuting pamamahala sa Mercado de Bais, talagang masusulit at walang pagsisisihan ang humigit-kumulang limang libong kustomer na kaya nitong pagsilbihan kada araw mula sa sariling bayan, sa Lungsod ng Tanjay, at sa Munisipalidad ng Mabinay, Pamplona, Manjuyod, Bindoy, at Amlam.

Kaya naman nagpapasalamat ako sa Landbank sa pagiging kaagapay ng lokal na pamahalaan ng Bais sa pagpapagawa ng pamilihang ito. Salamat sa pagtupad ninyo sa mandatong alalayan ang mga bayan, tulad ng Lungsod ng Bais, tungo sa ganap na kaunlaran. Patunay ito na kaisa ng lokal na pamahalaan ang pambansang pamahalaan sa epektibong serbisyo-publiko. 

Salamat din sa lokal na gobyerno ng Bais sa pagiging kabalikat ng ating administrasyon sa pagtataguyod ng mga makabuluhang imprastraktura at proyekto na kapaki-pakinabang sa nakakarami. Katulad ng ipinamalas ninyong pagpupursigi para maipatayong muli ang pamilihang ito, puspusan ding nagtatrabaho ang gobyerno para sa pagbangon ng bansa mula sa mahaba-habang pagkakasadlak sa kumunoy ng katiwalian at kahirapan. Hindi magbabago ang panata natin sa pagtahak sa tuwid na daan: walang dapat maiwan sa pag-unlad.

Kaugnay nito, sinimulan na po natin ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program [4Ps] sa Lungsod ng Bais ngayong taon. At ikinalulugod kong ibalita, na nitong Agosto lang, mahigit sa dalawang libo at walong daang pamilya na ang ating naparehistro sa 4P na programang ito. Sa epektibo nating pagtupad sa programang ito na namumuhunan sa kinabukasan ng maralita nating kababayan, tiyak na maaabot natin, kung hindi man malampasan, ang target nating halos tatlong libo at limandaang benepisyaryo sa inyong lungsod.

Isinama na rin ng Department of Health-Region VII ang Bais District Hospital sa mga pagamutan na mapapabilang sa Health Facilities Enhancement Program sa 2012 na pagkakalooban ng sampung milyong piso para sa imprastraktura. Bukod pa rito, tinutupad na rin natin ang mga hakbangin para sugpuin ang pangungulimbat ng mga kalakal, lalo na ng asukal, na nagpapabagsak sa inyong mga lokal na industriya.

Sa nakalipas pong halalan, bumoto ang mga taga-Bais para sa tunay na pagbabago. Ang pagkakaisang ipinamalas ninyo sa panahon ng kampanya ay isang kongkretong hakbang upang maihatid ang ating bansa diretso sa landas ng katwiran at kaunlaran. Sa loob ng mahigit isang taon, malayo na po ang narating natin. Subalit may iilan pa ring humahadlang sa ating pag-usad—silang mga kapit-tuko sa kaisipang wang-wang. Malakas po ang loob ko na unang magsasakripisyo, dahil tiwala po akong nasa likod ko ang sambayanang Pilipino. Hangga’t kasama ko ang nakakarami, wala tayong problemang hindi kayang lampasan. Sa mga taga-Bais: sa inyong pagtutulungan, maraming problema ang inyong matutugunan. Bukas po ang pinto ng aking tanggapan, sakaling kayo ay mangailangan. At, hindi ho dahil talagang guwapa si Mayor Karen. [Laughter and applause] Bukas siguro, dahil buo ang tiwala natin, na ang tulong natin ay talagang aabot sa mga taga-Bais. Ang lakas ng ating bayanihan ang maghahatid sa atin sa ganap na kaunlaran.

Maraming, maraming salamat po sa inyong lahat at tuloy-tuloy na tayo sa tuwid na daan tungo sa pag-asenso nating lahat. Magandang umaga po.

Briefing Room

  • Bangko Sentral ng Pilipinas (9)
  • Commission on Filipinos Overseas (1)
  • Commission on Higher Education (2)
  • Department of Agrarian Reform (6)
  • Department of Agriculture (184)
  • Department of Budget and Management (227)
  • Department of Education (218)
  • Department of Energy (74)
  • Department of Environment and Natural Resources (224)
  • Department of Finance (233)
  • Department of Foreign Affairs (763)
  • Department of Health (70)
  • Department of Justice (14)
  • Department of Labor and Employment (414)
  • Department of National Defense (21)
  • Department of Public Works and Highways (94)
  • Department of Science and Technology (25)
  • Department of Social Welfare and Development (141)
  • Department of the Interior and Local Government (101)
  • Department of Tourism (96)
  • Department of Trade and Industry (11)
  • Department of Transportation and Communications (91)
  • Executive Office (2)
  • Laguna Lake Development Authority (1)
  • Metro Manila Development Authority (2)
  • Mindanao Development Authority (46)
  • National Anti-Poverty Commission (2)
  • National Disaster Risk Reduction and Management Council (14)
  • National Economic and Development Authority (108)
  • National Historical Commission of the Philippines (1)
  • Office of the Presidential Adviser on Political Affairs (2)
  • Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (247)
  • Office of the Presidential Spokesperson (384)
  • Office of the Vice President (3)
  • Philippine Amusement and Gaming Corporation (2)
  • Philippine National Police (3)
  • Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (117)
  • Presidential Communications Operations Office (9)
  • Public-Private Partnership Center (2)
  • Technical Education and Skills Development Authority (2)
  • Executive Issuances

    Departmental Issuances

    Historical Papers & Documents

    Legislative

    Judiciary

    Commissions

    Legal & Official Notices

    Archives