VIDEO (PART 1):
YouTube Preview Image

VIDEO (PART 2):

YouTube Preview Image

FULL TRANSCRIPT:

 

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa kanyang pakikipagtipon kasama ang mga miyembro ng Negros Oriental People Power Volunteers for Reform

[Inihayag sa Lungsod ng Dumaguete, Negros Oriental noong ika-7 ng Setyembre 2011]

Maayong hapon po. Maupo ho tayong lahat.

Kaunti pa ho ang Cebuano ko eh, kaya ipagpapasensiya na ninyo.

Secretary Jesse Robredo; Governor Roel Degamo; Mayor Karen Villanueva; Mayor Manuel Sagarbarria; Representatives Jocelyn Limkaichong, George Garcia, Toni Joy Mendoza, Mr. Eugene Quirante, Mr. Vic Somoza, Mr. Dwight C. Arbas, Ms. Marietta Jambora, Mr. Pepe Gasepo; atin pong mga kalihim, puwede bang tumayo ang ating mga kalihim minsanan?  [Applause]  Sana naman, after one year, kilala na kayo lahat.  Nakakatanda po sa akin lahat, si Atty. Ipe Remollo; [Laughter and applause] other local government officials present; honored guests; mga minamahal ko pong mga kababayan: Maayong hapon po.

Nag-practice po ako talaga ng kaunting Cebuano; pa-practice-in ko uli ngayon ah. Kung tama po ito, si Mar Roxas ang nagturo, kung mali po, kasalanan ko lahat ‘to. [Laughter]

Kani adtung kampanya, kahinumdum mo nga ni ingon ko daghan kay guwapa  diri sa Dumaguete. [Laughter and ApplausePero karon, makaingun giyud ko nga mas nidaghan ang mga guwapa diri sa inyo. [Applause] Wala ho yatang tumututol. [Laughter]  Mukhang tama.

Alam ho niyo, talagang nabubuhayan po ako ng loob tuwing dumadalo sa mga ganitong pagtitipon. Wala man akong kabiyak o katuwang sa buhay sa ngayon, [Laughter] dito ko nararamdaman na kahit papaano, hindi po ako nag-iisa. [Applause]

Sabi nga ho, na-interview po ako doon sa China, tinanong po yung lovelife ko.  Eh, may nagpadala ho sa akin noon. Baka nakuha rin niyo ‘yong text.  “My lovelife is like Coca-Cola,” kako. “It used to be ‘regular’; it became ‘light,’ and now, it’s ‘zero.’” [Laughter] Pag-alis ko po ng Dumaguete, sabi sa akin, may mga nagdadasal, sana it will be full of “Zesto.” [Laughter and applause]

Talaga hong ‘pag nasa likod ko ho kayo, parang dama kong nakatindig ang sambayanang Pilipino—handang makipagkapit-bisig, handang makiisa, handang sumuong sa anumang balakid na pagdadaanan natin sa paglalakbay natin tungo sa pagbabago.

Isang karangalan sa akin ang makasama kayo—The Negros Oriental People Power Volunteers for Reform—kayong mga nag-alay ng pagod at oras mula pa noong kampanya, kayong mga hindi nag-atubiling humakbang pasulong upang makiisa sa krusada natin sa matuwid na landas ng pamamahala; kayong mga kabataan, mga kababaihan, mga manggagawang Pilipinong nagtimon sa direksyong tinatahak natin ngayon; kayong mga hindi nagdalawang-isip na tumaya para sa pagbabago.

Noong nakaraang halalan, tayo po ang nag-number one dito sa Negros Oriental. Kaya naman, taos-puso akong nagpapasalamat sa bawat Negrense, sa tiwala at suportang inihandog ninyo para sa ating pong kampanya. Uulitin ko po, ating kampanya. Ngunit higit pa rito, nagpapasalamat ako sa pagsusumikap ninyong higit pang pagyamanin ang pag-asang tangan natin sa ngayon. Saksi kayo sa simple nating simulain. Mula sa mga latang nilalaman ng papiso-pisong barya, hanggang sa mga pira-pirasong pulyeto na inimprenta at ipinamahagi sa madla. Mula sa kaliwa’t kanang pagpupulong, hanggang sa pagbabantay sa mga balota. Aminado ako: kapos ang pondo ng ating kampanya kumpara sa iba. Ang pinagkaiba, hindi tayo kinapos sa puspusang pangangampanya. Kayo, ang taumbayan, ang nagsilbing pinakamalakas nating makinarya. At ulit, maraming-maraming salamat po sa inyo.

Sa kabila po nito, humihingi ako ng kaunting pasensya mula sa inyo kung hindi ako madalas makabisita rito. Ito nga ho, alam kong alam ninyo ang lawak at bigat ng ating tungkulin bilang Pangulo lalo na ‘pag sumunod ka kay Ginang Arroyo. Nababalitaan ninyo na rin siguro—naulit pa rito ng aking mga writer ang aking lovelife—na ni lovelife, hindi natin mapaglaanan kahit iilang minuto. Pero, umaasa pa rin ho ako maski walang nilalaang minuto. [Laughter] Pero kahit ganito, ang nais kong tandaan ninyo: kayong mga boss ko, ni minsan, hindi nawalay sa isip ko. Araw-araw, pinaaalala ko sa sarili ko: nandito tayo, hindi para magpapogi, hindi para magpayaman, kundi para pagsilbihan ang taumbayan. Kayo ang nagluklok sa akin dito, at hindi ko bibitawan ang mandatong iniatang sa atin ng bawat Pilipino.

Iisa naman po ang hangarin natin: ang maituwid ang nabaluktot na sistema, ang muling manaig ang katapatan laban sa katiwalian, ang maipanumbalik ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan. At ngayong tayo na po ang nagtitimon sa direksyong tinutungo ng bayan, hindi na po natin hahayaang malihis pa ang maganda nating nasimulan.

Puspusan pa rin ang pagpapatupad ng ating gobyerno sa mga inisyatiba kontra-katiwalian para mapangalagaan ang pera ng bayan. Upang maisalang ang bawat proyektong isinasagawa ng pamahalaan, ipinatupad natin ang tinatawag na Zero-Based Budgeting approach. Dito, sinisiguro natin na ang pondo, diretso ang pakinabang sa taumbayan, at hindi sa bulsa ng kung sinumang makapangyarihan.

Alam po ninyo, may mga bumabatikos sa atin—“under-spending” raw. Pero kung kayo ho ang nalagay sa ating posisyon—sa DPWH na nga po, tinatayang 70 percent ng mga proyektong inilalaanan nila ng pondo natuklasan natapos na pala. So minabuti po ng Kalihim Babes Singson, pag-aralan muna kung ano itong mga proyektong ‘to—baka, may bayaran tayong nang dalawang ulit. E ‘di, natapon naman po ang salapi. ‘Di po ba? Pero sabi ho nila, “under-spending.” Nakakapabigat raw sa ekonomiya ‘to. Pero sa totoo lang po, kung mayroong katiwaliang ibinulsa sa bulsa ng iilan iyong pera ng bayan, umikot man sa ekonomiya o lumaki lang ang bank account ng iilan, palagay ko po, mas mabuti nang i-delay, manigurado, matiyak na talagang kapakipakinabang sa atin pong taongbayan.

Binuksan din natin sa taumbayan ang palakad ng pera ng lokal at pambansang pamahalaan. Dahil sa full-disclosure policy na inilabas ng DILG, sa ilalim po ni Kalihim Jesse Robredo, naatasan na ang lahat ng Local Government Units, at nasusunod na, ang pagiging hayag sa kanilang impormasyon ukol sa paggugol ng pondo ng gobyerno at sa pagpapatupad ng mga proyekto. Maaari na itong silipin at suriin ng taumbayan sa mga dyaryo, sa lokal na bulletin boards, at sa kani-kanilang mga websites. Ganito rin sa pambansang pamahalaan, kung saan inilunsad ng Department of Budget and Management ang Electronic Transparency and Accountability in Lump Sum Fund System or binansagang eTAILS.

At hindi lamang pagsasalba ng pera ang tinututukan natin—tinutugis at binabantayan din natin ang mga smugglers at ang mga tumatakas sa pagbayad ng buwis. Dahil sa ating Run After Tax Evaders o RATE Program, ang mga kaso ng tax evasion na naisampa na ng Bureau of Internal Revenue ay umabot na ng animnapu’t isa, mula lamang po ito noong Hulyo ng 2010 hanggang Agosto ng taong kasalukuyan, kumpara po sa kabuuang isandaan at dalawampu’t siyam na naisampa ng nakaraang administrasyon sa loob ng siyam at kalahating taon. Halos dalawampu’t siyam na bilyong piso po ang aabutin ng taxable amount ng mga kasong ito.

Kasabay nito, patuloy din po tayo sa pagsaklolo sa mga naghihikahos na pamilyang Pilipino. Maganda na po ang nasimulan ng ating Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, at hindi po tayo pepreno sa pag-arangkada nito. Aabutin natin ang target nating 2.3 million Filipino families nakarehistro sa programang ito bago matapos ang 2011. Sa 2012 po, daragdagan pa ng 700,000 families iyon para maging  three million.  At sana po, sa 2014,  ay maitapos na po nating ma-enroll iyong 4.6 million families na living below the poverty line.

Hindi rin po natin pinababayaan ang mga kabataan na isa sa mga sektor na nagbigay-lakas sa atin mula pa noong kampanya. Naniniwala tayo sa kakayahang taglay at natatanging husay ng kabataang Pilipino, kung kaya’t pagyayamanin pa natin ang kanilang kakayahan. Nakalatag na ang mga programa ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA tulad ng Training-for-Work Scholarship, Training for Prospective Business Process Outsourcing (BPO) Workers, at pati na rin po Private Education Student Financial Assistance Program. Pitong daang milyong piso po ang inilaan natin sa ating scholarship program, samantalang dalawampung milyong piso naman para sa BPO training. Lalo pa nating pagtitibayin ang mga programang ito, nang sa gayon, mapagbuti pa natin ang pagpapanday sa kakayahan ng kabataang Pilipino sa iba’t ibang uri ng trabaho. Gusto ko lang pong pagdiinan, inutusan po ang CHED, DOLE, TESDA, pati narin po ang DepEd, tulungan natin ang ating mag-aaral; huwag po nating hayaan iyong paghahabol sa kurso na wala namang trabahong patutunguhan. Alam ho n’yo, magandang example po nito iyong mga… Noong mainit na mainit ang merkado ng  Occupational and Physical Therapy, lahat nag-enroll doon. Ang daming eskwelahang nagbukasan. Noong nag-graduate, wala nang opening—lipat ng nursing. Pagdating sa nursing, tinatayang 500,000 kada estudyante ginugugol. Noong nag-graduate, wala ring nahanap na trabaho. DOLE po gumagawa ng survey every two years. Alam po nila kung saan umiinit ang mga sector ng pangkabuhayan. So, tutugunan po ng ating educational sector na bibigyan ng kakayahan doon sa trabahong makikita nila pa-graduate at hindi doon sa trabahong napuno na bago pa sila mag-graduate. Iyan po ang iniutos natin doon sa apat na ahensyang binanggit ko.

Pagdating naman po sa mga silid-aralan ng ating mga mag-aaral, umabot po sa mahigit animnapu’t anim na libong kakulangan ang namana natin mula sa nakaraang administrasyon. Ang good news po, sa tulong ng ating Public Private Partnership program at ng Department of Education, pinagtutulungan na pong matugunan ang backlog na ito. Pabubutihin pa po natin ang sektor ng edukasyon, at kasama po rito ang pagtutuon ng pansin sa pagpapatayo ng karagdagang mga silid-aralan. Ipinangako po sa atin ng Kalihim ng Edukasyon, si Brother Armin Luistro, na ang pamasko po niya sa akin—December 25, 2011 para maliwanag—11 thousand classrooms po. Kung iyan po ay maganda na, hintayin n’yo iyung next year dahil ang pinangako po niya, ang laki ng diperensya po. Kaya naman po, itong paskong ‘to, talagang may inaabangan akong pasalubong at regalo mula kay Brother Armin.

Tumungo naman po tayo sa agrikultura, mulat naman tayo sa potensyal ng Pilipinas. Kaya naman, nagsusumikap tayo upang matugunan ang mga suliraning matagal nang kinahaharap ng ating mga  magsasaka. Sa mga inisyatiba nating tulad ng farm-to-market roads at pagsasaayos sa mga irigasyon, hindi lamang natin napagaan ang trabaho ng mga magsasaka, napataas din natin ang produksyon ng kanilang mga ani. Sa unang simestre ng taon, tumaas ang produksyon natin ng palay ng halos labinlimang porsiyento. Ito ang pinakamataas nating naitala sa halos isang dekada. Dagdag pa rito, naipataas din natin ang farm gate price ng palay ng halos tatlongpung porsiyento, bagay na nagpataas din sa kita ng ating mga magsasaka.

Sa loob ng maikling panahon, hindi po maikakailang malayo na ang narating natin. Napatunayan natin na sa pagtutulungan, marami tayong mapapagtagumpayan. Pero maliwanag po, hindi pa tapos ang ating trabaho. At bago tayo lumayo sa agrikultura, kasama ko po si Procy Alcala. Talagang 15 percent increase in the rice harvest record; mayroon pang 30 percent increase in farm-gate prices. Siya po ang nangako sa akin, na in 2013, mayroon na po tayo—‘wag lang tayong delubyuhin ng 23 typhoons every year ha, sana tumiming [timing] sila pagkatapos ng ani. Pero, kaunting suwerte po’t makukuha natin sa dasal iyan, baka ho 2013, sabi niya, “Malamang rice self-suffient na tayo.” Pinagdidiinan ko lang ho iyan dahil tulad n’yo, nalinlang ako noong araw, na ako’y talagang nagtataka—ang dami sa mga ministro ng ibang bansang dinadalaw natin, lalo na sa nakatukoy sa agrikultura, nag-aral sa ating mga pamantasan tulad ng UPLB. Natuto sila dito; umuwi sa kanila; pinakinggan iyong tinuro natin; umangkat tayo ng bigas sa kanila. Parang medyo malbo yata, ‘di ho ba? Ang kailangan lang pala eh mapakilala si Tatay Procy Alcala, sa sektor ng magsasaka ay talagang ang layo ng inabot natin. Pero sabi ko nagkukwenta ako sa kanyang report. Sabi ko, “Parang one million tons ang idadagdag eh 1.3 million tons lang hp ang kulang natin.” Sa 2011, mga one million tons ang maidadagdag natin dito sa ani. Sabi ko, “Eh ‘di, 300, 000? Parang, bakit kailangan mo ng two years para doon sa huling 300, 000?” Kaya ho, naninigurado pala si Procy, kaya 2013 ang pinangako  niya. Para siguradong hindi mapako, susundan ko nalang ang ipinangako  niyang 2013, at ‘pag dumating nang mas maaga, pagpa-party ko nalang po si Procy Alcala. At ‘pag hindi naman ho dumating, kaming dalawa ang magbubungkal ng lupa.

Kinakailangan ko ang patuloy ninyong sigasig sa pagboboluntaryo. Bilang ganti, magtiwala naman kayo na hindi ko hahayaang masayang ang ating mga pagsusumikap at patuloy kong tutugunan nang tapat ang tungkulin ko bilang inyong Pangulo.

Bago po ako magtapos, ulitin ko lang po, dito po lalo na po sa Dumaguete, itong unang rally namin masasabi—ni Mar—na masasabing turning point. Doon po sa plasa tayo nag-meeting—tandaan ninyo. Sabi ni Ipe Remollo, ni Jocelyn Limkaichong, “Hindi kami handa.” Pero, noong hindi sila handa, ‘di ho ba, para tayong nagmistulang sardinas na nagkumpulan doon sa parke’t napuno, at doon ho’y maraming maraming salamat. Doon po, sabi ko… Alam naman po ninyo, wala naman akong balak tumakbo, bigla naman, in two months or less, tapatan mo  iyong mga nangamanya nang three years or more; maghanap ka ng pondo; maghanap ka ng poster mo; maghanap ka ng organisasyon mo; gawin mo lahat, at ikaw pa iyong kinaiinisan nang todo-todo ng ating pinalitan. ‘Di ba narinig naman ho natin lahat iyong “anybody but.” Maski sino raw manalo basta ‘wag lang ako. Eh, nakalimutan nila, ang tunay lakas ay nasa taumbayan. Dito po’y masasabi natin nakita na natin iyong tagumpay at doon po’y talagang sumunod-sunod na ho ang ibang bayan na talagang naglabasan lahat  ng tao noong tayo’y nag-motorcade, noong tayo po ay nag-rally. Kumbaga, kayo ho para sa akin nag-umpisang talagang mangarap, nagtrabaho doon sa pinapangarap niyo, at obligasyon ko naman—sa tulong ninyo—maging makatotohanan o maging totoo na ang inyong mga pinangarap. At talaga, sa dulop po, bago ako bumaba in four years and nine months—dahil kinukwenta ko po, mayroon pa akong matitirang kaunting buhok ng panahon na iyon [Laughter]—pagbaba ko naman po, sa tulong n’yo, talagang sobra na ang pagbabago ng ating pong bansa, ng ating lipunan, na iyong susunod po sa atin eh talagang walang magagawa kung hindi ipagpatuloy ang ating pong nagawa at dire-diretsong arangkada na po ang pag-asenso ng Pilipinas. Nangyari po iyan, ulitin ko, dahil sa mga taong tulad n’yong naniwala, nangarap, pinaglaban ang pinangarap, at talaga naman po ngayon tinatamasa naman na natin ngayon ang inyong pinangarap.

Maraming salamat po. Magandang hapon po sa lahat.

Briefing Room

  • Bangko Sentral ng Pilipinas (9)
  • Commission on Filipinos Overseas (1)
  • Commission on Higher Education (2)
  • Department of Agrarian Reform (6)
  • Department of Agriculture (184)
  • Department of Budget and Management (227)
  • Department of Education (218)
  • Department of Energy (74)
  • Department of Environment and Natural Resources (224)
  • Department of Finance (233)
  • Department of Foreign Affairs (763)
  • Department of Health (70)
  • Department of Justice (14)
  • Department of Labor and Employment (414)
  • Department of National Defense (21)
  • Department of Public Works and Highways (94)
  • Department of Science and Technology (25)
  • Department of Social Welfare and Development (141)
  • Department of the Interior and Local Government (101)
  • Department of Tourism (96)
  • Department of Trade and Industry (11)
  • Department of Transportation and Communications (91)
  • Executive Office (2)
  • Laguna Lake Development Authority (1)
  • Metro Manila Development Authority (2)
  • Mindanao Development Authority (46)
  • National Anti-Poverty Commission (2)
  • National Disaster Risk Reduction and Management Council (14)
  • National Economic and Development Authority (108)
  • National Historical Commission of the Philippines (1)
  • Office of the Presidential Adviser on Political Affairs (2)
  • Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (247)
  • Office of the Presidential Spokesperson (384)
  • Office of the Vice President (3)
  • Philippine Amusement and Gaming Corporation (2)
  • Philippine National Police (3)
  • Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (117)
  • Presidential Communications Operations Office (9)
  • Public-Private Partnership Center (2)
  • Technical Education and Skills Development Authority (2)
  • Executive Issuances

    Departmental Issuances

    Historical Papers & Documents

    Legislative

    Judiciary

    Commissions

    Legal & Official Notices

    Archives