VIDEO:
FULL TRANSCRIPT:
Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa investiture ni Fr. Jose Ramon Villarin, SJ, bilang ika-30 na Pangulo ng Pamantasang Ateneo de Manila
[Inihayag sa Teatro Henry Lee Irwin, Ateneo de Manila noong ika-8 ng Setyembre 2011]
Fr. Jose Ramon Villarin; the very reverend Jose Cecilio Magadia; Mr. Edward Go; Fr. Ben [Nebres]; Chief Justice Renato Corona; Excellencies of the Diplomatic Corps; members of the Cabinet present, especially Br. Armin [Luistro], who we welcome into the Ateneo [applause]; Fr. Antonio Moreno; Dr. John Paul Vergara; Dr. and Tito Alran Bengzon; Mr. Jose Santos; Dr. Edna Franco; Tita Nini [Avanceña], good evening; officials, faculty, students, staff, alumni of the Ateneo de Manila University and other Jesuit schools; fellow workers in government; honored guests; ladies and gentlemen:
Mas mahaba ho iyong greetings kaysa sa speech, ‘wag ho kayong mag-alala. [Laughter]
Alam ninyo, kanina nga ho—talaga namang dapat nating purihin rin si Fr. Ben, hindi ho ba? Parang lahat ho kami ay dumaan—si Jett academically; ako yata administratively. [Laughter]
But the thing is, when we were looking at Fr. Ben when we were younger, parang, they were really a class above—really a level beyond us—and I wonder if those who are coming after us look at us in the same way. [Laughter] Sa Tagalog po, kasing-unreachable at kasing-ibang henerasyon kami nila Fr. Jett. Pero gusto ko hong—dito ho tinuruan akong magsabi ng totoo: totoo pong mas matanda sa akin si Jett. [Laughter]. Totoo pong ahead ako kay Fr. Jojo naman.
At talagang parang kailan lang po nang huling bumisita ako dito sa Ateneo para magsalita sa harap ng Class of 2011. Sa okasyong iyon, hinamon ko ang mga nagsipagtapos na gawin ang tama sa lahat ng pagkakataon:
Na kung may nagdurusa, ibukas ang kanilang puso sa kapwa; na kung may naghihirap, sila ay maging bukal ng ginhawa; at kung may nangyayaring mali, huwag magpatumpik-tumpik na magbigay ng One Big Fight para labanan ito.
Ngayong gabi, sama-sama tayong nagbibigay-pugay sa isang tunay na anak ng Ateneo: hindi pinagdamutan ng malasakit ang kaniyang kapwa, at hindi nagdalawang-isip na ialay ang sarili para pagsilbihan ang nakararami. Ang kaniyang serbisyo sa Diyos, sa kaniyang kababayan, maging sa kalikasan, ay sumasalamin sa tunay na kahulugan ng pagiging Man for Others.
Ngayong gabi, sinasalubong natin ang ika-tatlumpung pangulo ng Ateneo de Manila University, walang iba kundi si Father Jose Ramon Villarin.
Ang pagtatalaga ng pinakamataas na katungkulan sa Ateneo de Manila kay Father Jett ay isang malaking hakbang para sa muling pagbibigay-buhay sa tradisyon, at pagpapatingkad sa kultura ng ating alma mater. Kapag sinabi kong tradisyon, ito ang tatak ng husay at talino, tapang at kabayanihan na humubog kay Jose Rizal daangtaon na ang nakaraan. Kapag sinabi kong kultura, ito ang ‘di-nagmamaliw na dedikasyon sa pagkakawang-gawa, at ang patuloy na pangunguna ng mga Atenista sa pagkalinga sa mga biktima ng pang-aabuso o sa mga sinasalanta ng sakuna.
Sa pagpasok ni Fr. Jett Villarin bilang Pangulo ng ating pamantasan, tiyak na lalo pang magiging aktibo ang mga Atenista para makilahok sa paghuhubog ng atin pong bayan.
Hindi man po masyadong halata, talagang mas ahead po talaga si Father Jett sa akin nang nag-aaral pa kami (ganoon ho talaga ‘pag kayo ang may tangan ng mike, puwede kayong mag-author’s license), at ilang beses ko din siyang nakasabay tuwing may mga aktibidad ang atin pong sanggunian ng mga mag-aaral. Naalala ko nga po nang may nag-imbita sa amin na maging—at ito nga ho, lumalabas ang edad namin—maging founding member ng League of Filipino Students. Batch po namin sa sanggunian iyan.
Noong kami po ay nagtatalo kung sasama o hindi dito, ang aming faculty adviser, si Ginang Tina Montiel, lahat ho kami, may agam-agam. Tama ba na papasailalim tayo sa kanilang tinatawag na Executive Committee kung saan, may diktadura na nga sa labas ng ating pamantasan, sasama pa kami sa isang organisasyon na didiktahan rin kami? Naalala ko pa ang aming pangulo noon, si Budge Orara, na kung saan natapos ang botohan ay biglang humalakhak, pagkatapos ng pagkaseryo-seryosong boto—dahil unanimous po ang aming desisyon na hindi tama sumama sa League of Filipino Students noong mga panahong iyon.
Hindi namin ganoong kakilala ang isa’t isa pero talaga naman pong hinubog kami ng Ateneo na talagang, kung tutuusin, iisa ang pananaw at talagang tama ang depinisyon at nagkakasundo sa kung paano ipapaliwanag kung ano ang mabuti, ano ang tama para sa ating mga kapwa mag-aaral.
Dito ko nga po napatunayan na kung prinsipyo lang po ang pag-uusapan nasa iisang pahina po talaga kami ni Father Jett. Alam ho niyo itong campus natin noong aming kapanahunan dito ay ginawa pong training ground ng ating Security Services. Naka-ilang beses po ni-raid ang Ateneo—nagsawa na po sila kaka raid sa UP. [Laughter] Noong pinuri ko po si Ginang Escasa, doon ko lang nalaman Pilipino teacher ko siya pero nasa faculty ng English Department pala. [Laughter] Si Father Ampil napunta raw ho sa Pilipino Department dahil ang buong faculty na kabilang ng Pilipino Department ay pinaghahanap po ng batas militar, kaya kinailangan ng mga bagong guro.
At kami rin po ay dumaan sa napakaraming nagturo ng Theology of Liberation. Kadalasan po magtuturo ng isang sem, magtatago o nakakulong na susunod na sem ang aming mga propesor. Kakaiba ho talaga ang aming henerasyon. Pero siguro dahil talagang humble nga ho tayong mga nandito, nandoon na iyong buong puwersa ng batas militar, palag pa tayo nang palag. ‘Yung sinundan po naming Student Council nagbakasyon po sa Camp Bagong Diwa bago sa amin.
Naikuwento ko na po ang pagpapalitan namin ng text message noong nasa kampanya pa ako at siya naman ay nasa Xavier University: laman talaga ako ng mga dasal ni Father Jett, lalo na at mulat siya sa pagod na pinagdaanan namin noong kampanya.
Sa sobrang komportable namin sa isa’t isa, hindi na po ako nagtaka noong minsan ay binanggit niyang tiyak daw na sa langit na ako pupunta. Batid niya po raw kasi na dahil sa dami at bigat ng araw-araw na responsibilidad, lalo na noong tayo ay naging pangulo, para daw pong araw-araw na rin akong nasa purgatoryo. [Laughter] Dito na raw po iyong purgatoryo ko, at masakit nga ho noon, talagang nagkakatotoo ‘yung kanyang dasal na ito.
At ngayong siya mismo ay isa na ring pangulo at araw-araw ding papasan ng mga hinaing ng mga Atenista, hindi na po ako mag-iisa sa purgatoryo: Magkasama na po kami dito [laughter]. Ang pagkakaiba lang po siguro: ako po ay may nakikita nang four years and nine months, hanggang 2016 lang po ang aking termino, at makakaalis ako sa purgatorio; habang si Father Jett naman, na talagang aral kay Father Ben, ay susundan ang kanyang mga yapak [Applause] at siguro naman puwedeng higitan ‘yung 18 years ni Father Ben. [Laughter]
Lulubus-lubusin ko na rin po ang pagkakataong ito. Tutal naman pinag-usapan niya ang lovelife ko. Ngayon lang naman po ako hihingi ng pabor kay Father Jett. Ang hiling ko lang po: sana ay hintayin pa ni Father Jett ang mga magiging anak ko para matiyak na lumaki sila sa mga gabay at aral ng Ateneo—tutal naman, sinabi po niya, namili siya ng landas na ito, lulubusin ko na nga ho—at maitanim din sa kanila, sa aking mga magiging anak, puso’t isipan, ang pagiging tunay na Man for Others.
At iyan nga po ang pagkakakilala ko kay Father Jett: palabiro ngunit may malasakit, hindi nagkukulang sa pagbubuhos ng kaniyang enerhiya upang makatulong, at higit sa lahat, may tunay na malasakit sa mga Pilipino. Sa kaniyang mga adbokasiya para sa kalikasan, sa kaniyang talino na hindi niya kailanman man ipinagdamot sa lipunan, talagang alam ni Father Jett kung ano ang kahulugan ng pagiging Man for Others (Pasensya na po kayo kung paulit-ulit ito, ang tumulong po sa akin ay hindi po nag-aral dito. Pero Palanca awardee po iyon. [Laughter]) at kung ano ang papel na kailangang gampanan ng Atenista sa bansang ito. Kapag sinabi po nating down from the hill, bumababa po talaga siya sa burol—hindi siya nag-aatubiling makihalubilo o marumihan ang kuko at sapatos upang mapakiramdaman ang tunay na kalagayan ng atin pong bansa, at kung ano ang magagawa niya para maisaayos ito.
Ito nga ang inaasahan nating gagabay sa kaniya sa pagtitimon ng Ateneo de Manila sa mga darating na mga taon o dekada: na may obligasyon tayo bilang mga Atenista na pangalagaan, arugain, at pagyamanin, hindi lamang ang ating mga sarili o ang ating pamantasan, kundi higit sa lahat, ang ating kapwa Pilipino, at ang atin pong Inang bayan. Kay Father Jett: malaki man ang nakaatang na responsibilidad sa iyong balikat, marami kaming Atenista na handang tumulong sa iyo, at anumang oras ay nasa iyong tabi para suportahan ang iyong mga programa at mabuting intensiyon. Sasamahan ka namin, kung up o down from the hill; kapit-kamay tayong hahayo bilang taong nagpapakatao, at nakikilahok sa paghubog ng mundo.
Kaya naman, kay Father Jett, at sa buong komunidad ng Ateneo: Tayo nang Mag-meron.
‘Yung hindi ho nakaintindi noon, mas matanda po sa akin. [Laughter]
So Fr. Jett: sabi ko po noong inauguration ko, umpisa na ang aking kalbaryo. Sa iyo naman po siguro hindi naman ganoon kakalbaryo. Talagang klaro pong madadama n’yo ang pamilya ng Ateneo community na siyang tutulong sa iyo para naman talagang, hindi lang sa pagdadagdag ng dunong, kung hindi talagang mapapakita nating nilagay tayo ng Diyos dito sa mundong ito—mag-aaruga sa ating kapwa.
Magandang gabi po. Maraming salamat sa inyong lahat.