VIDEO:
YouTube Preview Image

FULL TRANSCRIPT:

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagpaparangal ng 9th Ten Accomplished Youth Organizations

[Inihayag sa Palasyo ng Malakanyang noong ika-27 ng Oktubre 2011]

Magandang umaga po. Maupo ho tayong lahat.

Senator Kiko Pangilinan; Secretary Sonny Coloma; Secretary Ronald Llamas, who didn’t appreciate Gloc 9 [laughter]; Congresswoman Riza Hontiveros; Undersecretary Leon Flores; my kuya Bambam Aquino [laughter]; Mr. Koh Kong Meng; Mr. Guillermo Aponte; Mr. Virgilio Almario; awardees to the Ten Accomplished Youth Organizations [TAYO] and Idol ko si Rizal YouTube video contest; board of judges and supporters to the Ten Accomplished Youth Organizations—can I say thank you also for your very fine work—fellow workers in government; honored guests, can I greet Frankie also—Frankie, hi—my oldest supporter [laughter]; ladies and gentlemen, good morning.

Kadalasan po ‘pag nag-iisip tayo ng paksang kabataan, kung ano-anong imahen ang pumapasok sa atin pong kaisipan. Sabi ng iba wala na raw po silang ginawa kundi tumambay nang buong araw sa computer shop para maglaro ng DotA—tinitingnan ko lang po ‘yung naka-intindi ng DotA [laughter]… at mukhang hindi ho yata lahat [laughter]. Doon po sa hindi nakakaintindi, ano po raw ‘yun, video game; nandito po sa ano ‘yun eh: DotA guides and strategies [laughter and applause]. Ang ibig sabihin po n’on, Defense of the Ancients. Baka sasabihin na naman ho nila nagvi-video games lang ako parati, binabasa ko po dito ‘yun [laughter]—o ‘di kaya naman, mag-update ng Facebook status. Nariyan rin ang mga nagrereklamo sa mga bagay-bagay na para po bang ang makatotohanang solusyon ay instant mami lang na madaling makakamtan—alam po ng ating awardees hindi po ganoon ‘yun.

Para rin pong regular na tanawin sa akin ang mga kabataang, iilang kabataang, nakabilad sa araw at may hawak na karatula. Naiintidihan po natin ito. Kinabukasan nga naman po nila ang nakataya sa bawat kilos at desisyon nating lahat. Ang ikinalulungkot ko nga lang po, sa ingay ng mga tinig ng naging biktima ng negatibismo, nalulunod tuloy ang mga kabataang tahimik na kung kumilos, ngunit sa positibo, konstruktibo, at konkretong paraan ay nakakapag-aambag sa bayan.

Kaya naman nagsasalo-salo tayo ngayon upang kilalanin ang mga organisasyon ng mga kabataang tunay na nag-aalay ng kanilang oras, talino, at talento upang tugunan ang mga pambansang suliranin. Sila ang mga grupong mulat na hindi planking ang solusyon sa kakulangan sa pagkain [laughter]. Sila’y responsable, may pakialam sa kanilang kinabibilangang pamayanan, at mulat sa tungkuling dapat nilang gampanan sa kanilang pamilya at sa bayan. Sila ang Ten Accomplished Youth Organizations ngayong taon. Sa larangan man ng panitikan o sa pagbabandila ng kapayapaan; nakatuon man ang inyong pansin sa sektor ng edukasyon o kalusugan, kalikasan, o kabuhayan, patunay ang inyong mga organisasyon na hindi tinatalikuran ng kabataang Pilipino ang responsibilidad na nakaatang sa kanilang mga balikat—at dahil doon po, maraming salamat sa inyo. Sa halip po na magpadiskaril sa tukso ng modernong teknolohiya, nakatutok pa rin kayo sa paghahatid ng kaunlaran at pagbabago sa iba’t ibang makabuluhan at malayang pamamaraan.

Nagpapasalamat ako sa National Youth Commission, sa TAYO Awards Foundation, at sa iba pang mga ahensya mula sa loob at labas ng pamahalaan na puspusang naghanda para gawaran ng karampatang pagkilala ang mga kabataang Pilipino. Nawa’y magpatuloy pa ang taunang pagkilala nito, kasabay ng mas maigting pang pakikilahok ng mga kabataan tungo sa mas malawakang pakikibahagi para tugunan ang mga suliranin ng bansa.

Alam po n’yo, tayo po sa kabataan, halos trenta porsyento ng kabuuan ng ating populasyon—ewan ko kung kasama si Ronald Llamas po doon [laughter]—at batid ng inyong pamahalaan ang pambihirang potensyal ng inyong sektor. Mantakin na lamang ninyo ang positibong dulot nito kung ang lampas dalawampu’t pitong milyong kabataan ay katuwang natin sa pagsupil sa kahirapan. Ibig sabihin, mayroong lampas dalawampu’t pitong milyong Pilipinong kabigkis natin para itulak sa kaunlaran ang ating pong bansa.

Kaya naman walang sinasayang na panahon ang ating administrasyon para matiyak na naaabot ng kabataang Pilipino ang tunay nilang potensyal. Sa pakikipag-ugnayan ng Department of Labor and Employment sa pribadong sektor, ang mga high school graduates na dati ay napipilitang tumigil sa pag-aaral ay maaari na ngayong makapagkolehiyo sa pamamagitan ng Youth Education-Youth Employability Project. Sa kasalukuyan, may mahigit isandaang regular workers na mula sa Jollibee ang napagkalooban ng tuition fee advances para sa kanilang pag-aaral dahil sa programang ito. Sa mga kabataang pagnenegosyo naman ang hilig, may capital assistance ding maiaalok ang ating Youth Entrepreneurship Support Project. Kapag pumatok ang kanilang business proposal at pumasa ito sa ating evaluation criteria, maaari na silang mapabilang sa mahigit isanlibong kabataan na binigyang-lakas natin upang maging young entrepreneurs o kaya’y microbusiness owners. Ngayon pa lang, ginagabayan namin kayo sa paghawan ng sarili ninyong landas bilang pagtitindig ng mas matitibay na pundasyon para sa ating kinabukasan.

Mahalagang bahagi ng ating agenda ng pagbabago ang paglalaan ng 238.8 bilyong pisong education budget para sa 2012—mahigit tatlumpung bilyong pisong pag-angat mula sa pondo ngayong 2011. Mula sa pagpapatayo ng bagong silid-aralan, hanggang sa pagkukumpuni ng uuga-ugang mga gusali; mula sa modernisasyon ng mga kagamitan at kasanayan ng mga guro, hanggang sa pagbili ng mas maraming libro, upuan, at mesa ng mga mag-aaral—alam ho ninyo, ‘yung sa libro, problema parati ‘yang libro, kulang, mali, et cetera, ‘di ho ba? Ngayon po ay puspusan ang DOST at ang DepEd na kumukumpuni ng mga tablets para sa ating mga kabataan; ‘pag may mali, mas madali ng palitan at mas mabilis maipasa ang kaalaman. ‘Yung mga silya naman po, nakinabang tayo sa mga punong pinagpuputol na walang humpay ng mga taong hindi naman inatasang magputol noon kaya sikat po ‘yung mga estudyante natin ngayon; ang silya po nila at mesa [ay] narra, mahogany, molave na [laughter]. Tutugunan natin ang mga dagok sa ating sistemang pang-edukasyon sa lalong madaling panahon. Sa pamamagitan naman po ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education—ang haba po n’on kaya GASTPE—mababawasan ang pagsisiksikan sa mga pampublikong paaralan. Inatasan din natin ang CHED na maglabas ng moratorium upang masigurong pang-world class ang antas ng edukasyong nakukuha ng mga nagsisipagtapos ng nursing, business administration, teacher education, hotel and restaurant management, at information technology sa ating bansa. Maliban dito, may 700 milyong pisong pondo rin tayong itinutok para sa Training for Work Scholarship Program ng TESDA upang magtaguyod ng mga training programs na magsisilbing bukal ng mahahalagang kaalaman at kasanayan na agad magagamit ng mga kabataan sa mga trabahong tiyak at madali nilang mapapasukan.

Sa tuwid na daan, malinaw ang hangad natin: ang unahin ang kapakanan ng kabataang Pilipino. Samakatuwid, abakada ang unang matututuhan ng mga paslit, sa halip na pagbabanat ng buto sa mga pabrika. Aalagaan natin ang kanilang nutrisyon at kalusugan, upang hindi na tayo makakita pa ng mga batang sumisinghot ng rugby sa kung saan-saan. Pagkalinga at patas na karapatan, malasakit, at pagkilala sa kanilang kakayahan ang titimon sa mga kabataan, sa halip na ipagtulakan silang kumapit sa patalim ng kawalang pag-asa.

Oo, marami pang darating na pagsubok. Subalit hangga’t nakasandal tayo sa matibay na pundasyon ng pagkakaisa, mabuting pamamahala, at wagas na malasakit sa kapwa, wala tayong hindi puwedeng magagawa. Ang tagumpay ng bawat TAYO awardees ay tagumpay ng bawat Juan dela Cruz. Sa tuwid na daan, anumang mabuting hangarin na ipunupunla natin, tayo rin ang aani; tayo rin ang makikinabang; at tayo rin ang magpapamana ng maliwanag na bukas sa susunod pang mga kabataan.

Alam po n’yo, kadalasan sinasabi [na ang] kabataan ang ating kinabukasan. Ang problema ho ay natatapos na doon. Hangarin po nating mabigyan ang lahat ng Pilipino, lalo na po ang kabataan, ng lahat ng pagkakataon at opurtunidad para maabot ang kanilang ganap na potensyal. Uulitin ko lang po, lahat ng opurtunidad [ay] hindi natin ipagdadamot, padadagdagan pa natin ng padadagdagan sa abot ng kaya po ng inyong pamahalaan. ‘Yan po, palagay ko, ay talagang dahil nakatutok ang inyong kapwa “kasektor” [laughter and applause]. Pero siguro po mas makatotohanan, hindi ko po ipapangako sa inyo ang langit at lupa. Pero mabibigyan kayo ng bawat isa ng pagkakataon para nga maabot ang inyong mga inaasam-asam.

Magandang umaga po. Maraming salamat po.

Briefing Room

  • Bangko Sentral ng Pilipinas (9)
  • Commission on Filipinos Overseas (1)
  • Commission on Higher Education (2)
  • Department of Agrarian Reform (6)
  • Department of Agriculture (184)
  • Department of Budget and Management (227)
  • Department of Education (218)
  • Department of Energy (74)
  • Department of Environment and Natural Resources (224)
  • Department of Finance (233)
  • Department of Foreign Affairs (763)
  • Department of Health (70)
  • Department of Justice (14)
  • Department of Labor and Employment (414)
  • Department of National Defense (21)
  • Department of Public Works and Highways (94)
  • Department of Science and Technology (25)
  • Department of Social Welfare and Development (141)
  • Department of the Interior and Local Government (101)
  • Department of Tourism (96)
  • Department of Trade and Industry (11)
  • Department of Transportation and Communications (91)
  • Executive Office (2)
  • Laguna Lake Development Authority (1)
  • Metro Manila Development Authority (2)
  • Mindanao Development Authority (46)
  • National Anti-Poverty Commission (2)
  • National Disaster Risk Reduction and Management Council (14)
  • National Economic and Development Authority (108)
  • National Historical Commission of the Philippines (1)
  • Office of the Presidential Adviser on Political Affairs (2)
  • Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (247)
  • Office of the Presidential Spokesperson (384)
  • Office of the Vice President (3)
  • Philippine Amusement and Gaming Corporation (2)
  • Philippine National Police (3)
  • Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (117)
  • Presidential Communications Operations Office (9)
  • Public-Private Partnership Center (2)
  • Technical Education and Skills Development Authority (2)
  • Executive Issuances

    Departmental Issuances

    Historical Papers & Documents

    Legislative

    Judiciary

    Commissions

    Legal & Official Notices

    Archives