VIDEO:
FULL TRANSCRIPT:
Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagpaparangal ng Child-Friendly Municipalities and Cities at paglulunsad ng aklat na pinamagatang “A Journey with Children”
[Inihayag sa Palasyo ng Malakanyang noong ika-27 ng Oktubre 2011]
Salamat po. Magandang hapon po. Maupo po tayong lahat.
Kalihim Jesse Robredo; Kalihim Dinky Soliman; honorable members of the House of Representatives; Ms. Jacqueline Badcock; Ms. Vanessa Tobin, we will miss you; Brenda Vigo; our 2011 awardees; local government executives; Ms. Lalaine Loreto; Mr. Giacomo Pirozzi; representatives of [national governmental agencies and non-governmental organizations]; officials and staff of the Council for the Welfare of Children; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong mga kababayan:
Magandang hapon po sa inyong lahat.
Iba po talaga ang enerhiya at ang aliwalas dito sa Malacañang sa tuwing makakapiling natin ang mga kabataan. Isama pa po natin ang mga kasamahan natin sa lokal na pamahalaan at iba pang mga katuwang na ahensiya, na bagaman nahihigitan na tayong mga kabataan sa edad ay hindi naman padadaig sa ipinamamalas na lakas, sigasig, at sigla sa pakikiisa sa ating pamahalaan. Talaga naman pong sa mga ganitong pagkakataon natin nararamdaman: buhay na buhay ang Pilipino, at tunay na natatanglawan tayo ng liwanag ng pag-asa.
Kasabay ng National Children’s Month, nagtitipon po tayo ngayon upang kilalanin ang mga munisipalidad at lungsod na nagtataguyod sa kapakanan at nangangalaga sa karapatan ng mga kabataan. Gayundin, ipinagdiriwang natin ang matagumpay na paglulunsand ng librong A Journey with Children, na nagtatala ng pagsasapalaran at patuloy na pag-asa ng ilang batang kalye sa Pilipinas. Tinataya natin na magiging malaki ang kontribusyon nito sa panawagang pagkilos upang mapagbuti ang kalagayan ng mga musmos sa kalsada.
Lubos po tayong nagpapasalamat sa bumubuo ng Department of Social Welfare and Development, sa Council for the Welfare of Children, sa UNICEF Philippines, at sa iba pang katuwang na ahensiya—hindi lamang sa matagumpay na pagdaraos ng pagtitipong ito—ngunit lalo’t higit, sa patuloy na pagtutok sa kapakanan ng mga kabataang Pilipino.
May kasabihan nga po: Ang kabataan ay ang pag-asa ng bayan. Marahil, ito rin po ang inaasahan ng ilan na siyang ibabahagi natin sa araw na ito. At totoo po, muli nating ididiin: Ang kabataan ang pag-asa ng bayan, dahil hangga’t may batang Pilipino na bulto ng diyaro ang tangan, sa halip na aklat; na tuyong bote ng softdrinks ang bitbit, sa halip na botelya ng gatas; na ihip at hele ng ina ang inaasahang panlunas sa sugat o karamdaman, sa halip na pagpapagamot sa ospital; hinding-hindi po magiging sirang-plaka para sa atin ang kasabihang ito. Hangga’t hindi po natin nararating ang ating kolektibong tunguhin, hindi po tayo hihinto sa pagsusulong sa mga karapatan ng kabataan at pagpapabuti sa kanilang kalagayan.
Sinasalamin po ng kaisipang ito ang mga ipinapatupad nating polisiya sa gobyerno. Malaking bahagi po sa ating Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang mga kabataan. Sa target nating 2.3 milyong benepisyaryong pamilya sa taong ito, naiparehistro na po natin ang 2.23 milyong pamilyang Pilipino nitong katapusan ng Setyembre. Ang ibig sabihin po nito: mahigit dalawang milyong magulang ang napapanatag ang loob na matutugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng kanilang mga anak—sa kalusugan, nutrisyon, at edukasyon.
Sa usapin naman po ng kalusugan, napa-enroll na natin ang mahigit 5.2 milyong pamilya sa Sponsored Program ng PhilHealth. Saklaw na po nito ang bawat isa sa mga pinakamahihirap na pamilyang natukoy ng National Household Targeting System for Poverty Reduction ng DSWD.
Prayoridad din po natin ang edukasyon, at nakikipagtulungan na po tayo sa mga local government units upang mapagbuti pa ang sektor na ito. Sa katunayan, nitong nakaraang buwan lang, sa ilalim po ng ating Counter-Parting for Classroom Construction Program, may naipanata na po tayong target na pondong isang bilyong piso para sa school year na ito. Ito po ay upang makapagpatayo ng mahigit isanlibo at tatlong daang mga bagong silid-aralan.
Kayong mga pinaparangalan natin sa araw na ito: kayo ang patunay na hindi nag-iisa ang ating pamahalaang pambansa sa pagtutok sa kapakanan ng mga kabataan. Ang Mariveles, Bataan, na naghahandog ng libreng-sakay—papunta at pabalik, mula bahay hanggang paaralan—sa mga mag-aaral sa barangay; ang Villaverde, Nueva Vizcaya, na may naitalang—at ito po’y napakaganda—“zero” infant deaths nitong nakaraang tatlong taon, at “zero” maternal deaths naman nitong nakaraang apat na taon; ang Lungsod ng Vigan, Ilocos Sur na may Barangay State of the Children Report kung saan sinusuri ang kalagayan ng kabataan sa bawat barangay; ang Lungsod ng Mandaluyong, na may Breast Feeding Patrol, sa pangunguna ng mga volunteer breastfeeding mothers na handang magbigay-nutrisyon sa panahon ng pangangailangan; at ang Lungsod ng Santiago, na nagtaguyod naman ng kanilang sariling Local Youth Development Council upang magbigay-daan sa pakikilahok ng kabataan. Iilan pa lamang po iyan sa mahabang listahan ng kanilang mga napapagtagumpayan, subalit hindi po ba’t napapabilib na tayo sa mga ito? Hindi po ba sila patunay na kapag ginusto, ay talaga namang may magagawa tayo?
Sinasalamin po ng pagpaparangal nating ito ang pamanang handog ng kasalukuyang henerasyon sa mga susunod na salinlahi ng Pilipino. Harinawa, masundan ng mas marami pang lokal na pamahalaan ang inyong mga yapak.
Tunay nga po: sa antas ng komunidad hinaharap ang mga suliranin, at sa gayong antas din napag-uusapan at naipapatupad ang solusyon. Nakalatag na nga po ang mekanismo natin sa anyo ng ating Local Councils for the Protection of Children lalung-lalo na po sa barangay level. Sila po ang may mahalagang tungkulin na maisulong ang mga karapatan ng kabataan sa kaligtasan, sa aktibong pakikilahok sa komunidad, at sa pagsisiguro sa pamamahalang may pagpapahalaga sa mga bata. Inuudyok ko po ang mga institusyong pribado at pang-lokal na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan sa DSWD, DILG, at iba pang mga sangay ng pambansang pamahalaan: pagtibayin nawa natin ang aktibong pagbabayanihan at kongkretong pagkilos upang mapakinabangan nang husto ang mga LCPC. Kumpiyansa po akong sa mga susunod na taon—sana nga po, bago mag-takipsilim ang ating administrasyon—ay magiging buo at husto na ang tulong na maipapaabot natin sa taumbayan sa tulong ng instrumentong ito.
At kay Lalaine naman, at sa ilan pang kabataang nailahad ang kuwento sa mga pahina ng inilunsad nating libro: Panghawakan nawa ninyo ang inyong mga pangarap sa buhay. Anuman ang inyong mithiin: maging doktor na sasagip sa buhay, o atletang magbibigay ng karangalan sa ating bansa, asahan ninyong nandito kaming mga kuya at ate ninyo, pati na rin silang mga tito at tita natin, na nakahandang gumabay, umalalay, at maging sandigan ninyo tungo sa tagumpay.
Patuloy po nating kumpunihin ang mga bitak ng lipunan sa kasalukuyan, dahil sa ganitong paraan rin natin mailalatag ang mas patag na kinabukasan. Hindi po magtatagal, ang mga kabataan pong inaaruga natin ngayon ang siya namang magtitimon ng ating bayan.
Maraming salamat po. Magandang hapon po sa lahat.
