VIDEO:

YouTube Preview Image

FULL TRANSCRIPT:

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa 2011 Galing Pook Awards

[Inihayag sa Bulwagang Rizal, Palasyo ng Malakanyang noong ika-30 ng Enero 2012]

Secretary Jesse Robredo; Miss Nieves Confesor; Governor Rafael Coscolluela; Doctor Eddie Dorotan; other members of the Cabinet present; and Miss Gilda Pico; Miss Cresenciana Bundoc; finalists and awardees of the galing pook 2011; members of the Galing Pook National Selection Committee; representatives from the local government units; national governmental organizations; international organizations present; fellow workers in government; honored guests; ladies and gentlemen; of course, I have to greet my boss, Ernie Garilao, he was my first boss, he gave me a lot of the skills that I am now employing in the service of the country [applause]; and I apologize to the international community present; the speech prepared today is in Filipino.

Magmula po nang tayo ay manungkulan, iisang gabay lamang po ang sinusunod natin sa pagbagtas sa tuwid na daan: Ang Kasunduang Panlipunan sa Sambayanang Pilipino. Ang buod po nito: ang sugpuin ang katiwalian at ang labanan ang kahirapan, sa liwanag ng matapat at mabuting pamamahala. At kapag sinabi pong “pamamahala,” hindi lamang po nito tinutukoy ang pambansang pamahalaan—kasama po rito kayong mga kasamahan natin sa lokal na pamahalaan.

Sadyang hindi matatawaran ang papel na ginagampanan ng ating Local Government Units sa ating krusada tungo sa kaunlaran. Kayo ang katuwang ng ating administrasyon sa pagpapatupad ng mga reporma sa lokal na antas; kayo ang nagsisilbing sangay ng pambansang pamahalaan sa pagsisigurong tugma ang ating mga inisyatiba at proyekto, at direkta nitong naaapektuhan ang buhay ng bawat Pilipino sa positibong paraan.

Ang muli po nating pagtitipon ngayon para sa Galing Pook Awards ay isang malinaw na indikasyon sa lalong tumitibay na ugnayan sa pagitan ng ating lokal at pambansang pamahalaan. Sinasalamin ng mga kinikilala nating programa ang nag-iisang paninindigan ng mga Pilipino na muling maitaguyod ang Pilipinas kung saan walang naiiwan sa kaunlaran; kung saan ang bawat Juan dela Cruz ay may pagkakataong mabuhay nang marangal at may kasaganahan.

Malugod ko pong binabati ang mga pinaparangalan natin sa araw na ito—ang sampung lokal na pamahalaan na ginawaran natin ng Galing Pook Award para sa kanilang Outstanding Local Governance Programs, at ang ating walong finalists. Taos-puso din po akong nagpapasalamat sa Galing Pook Foundation at sa mga katuwang na ahensiya, sa muling pangunguna sa pagkilala sa mga huwarang programang pangkomunidad ng ating mga lokal na pamahalaan.

Taon-taon po, kapansin-pansin na lalong humuhusay at lalong nagiging makabuluhan ang kinikilala nating mga programa mula sa LGUs. Higit pa po sa pagkilala at sa insentibong pera, ang mga malikhain at inobatibong inisyatiba na isinasagawa ninyo sa inyong mga lugar ay nakakatulong sa pagsusulong natin sa agenda ng mabuting pamamahala, kasama na ang pagtugon sa mga suliranin ng lipunan tulad ng kahirapan, kalusugan, kapayapaan, at kaayusan.

Simulan po natin ang mga katangi-tanging programa ng ating mga lokal na pamahalaan sa probinsya ng Albay ni Governor Joey Salceda—propesor po namin sa kolehiyo. Dahil po sa serye ng mga sakunang nagdaan sa kanilang lugar, lubos pong naapektuhan ang kalagayang-pangkalusugan ng kanilang mga nasasakupan. Ang naging tugon po nila dito: isang pangmatagalang sistemang pangkalusugang nakatuon sa pag-abot sa ating Millennium Development Goals, katuwang ang iba’t ibang sektor. Ang naging resulta po: nabibigyan ng sapat na benepisyong pangkalusugan ang kanilang mamamayan, lalo na ang mga maralitang Bicolano.

Marami naman po sa mga kabataan sa Munisipalidad ng Alimodian sa Iloilo ang hindi nakakapasok sa eskwela, dahil sa layo at mahal ng transportasyon doon. Samakatuwid, naging balakid po ang mga lubak-lubak na lupain sa karunungang dapat sana’y natatanggap ng mga kabataang Ilonggo. Subalit dahil po sa programa ng pambansa at lokal na pamahalaan, katuwang ang mga guro at magulang, may mga bagong paaralang naipatayo malapit sa kanilang mga pamayanan. Sa tulong po ni Mayor Juanito Alipao at ng mamamayan, agarang nakapaglaan ng lupa at construction materials para sa mga eskwelahan. Sa pangunguna naman po ng Department of Education, itinatayo na ang school buildings kasama ang mga dagdag na teacher items para sa mga eskwelahang ito. Ngayon po, abot-kamay na ang edukasyon at karunungan na kailangan ng ating mga kababayang Ilonggo.

Sa loob naman ng ilang taon, naging talamak po ang rabies sa Bohol. Subalit dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng kanilang Rabies Prevention and Elimination Project—sa tulong mismo ng mga Boholano, sa matagumpay na pakikiisa sa pribadong sektor, at sa liderato ni Governor Edgardo Chatto, na nauna yata sa amin sa Kongreso—ay natuldukan nila ang nakamamatay na sakit na ito. [Applause]

Malnutrisyon naman ang tinutugunan ni Mayor Melchor Petracorta at ng Munisipalidad ng Limasawa. Dahil sa masusing pagtutulungan ng kanilang lokal na pamahalaan at ng kanilang mga mamamayan, naging matagumpay ang kanilang mga feeding programs at livelihood skills training. Ang dati pong lugar na may mukha ng gutom at malnutrisyon, ay siya naman ngayong ehemplo ng isang malusog at nagbabayanihang komunidad.

Samantala, matagal nang problema ng mga taga-Maribojoc, Bohol, ang wastong pagtititulo ng lupa. Ngunit dahil sa aktibong partisipasyon ng buong pamayanan, kasama na si Mayor Leoncio Evasco, Jr., matagumpay nilang naipangalan at na-issue ang mga titulo ng lupa sa mga tunay at karapat-dapat na nagmamay-ari nito.

Kapayapaan at katahimikan naman sa lugar ng mga katutubong grupo na Higaonon ang misyon ni Governor Oscar Moreno at ng pamahalaang panlalawigan ng Misamis Oriental sa kanilang Lantad Peace-Building Experience. Ilang taon din po kasing naipit sa madugong sigalot ang kanilang lugar. Subalit dahil sa pagbibigay-lakas ng pamahalaan sa mga miyembro ng tribo, at sa pakikipagtulungan sa kanilang mga pinuno, ngayon po ay pugad na ng kasaganahan at kaunlaran ang kanilang pamayanan.

Pagkatapos naman ng pagragasa ng baha sa ilang bahagi ng Quezon, ilan po sa mga naging biktima sa sakunang ito ay nagkaroon ng mental stress. Upang matugunan po ang kalusugan ng mga biktima mula sa iba’t ibang munisipalidad ng probinsya, nagsagawa ang apat sa kanilang LGUs—ang mga bayan ng Real, General Nakar, Panukulan, at Infanta sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Filipina America, [applause] ng Community-based Mental Health Management Program—kumpleto ho kami dito talaga—[laughter] kung saan nililikom ang mga resources mula sa iba’t ibang sektor at pinabubuti ang kakayahan sa mental health ng mga doktor at health personnel upang mas maging mainam ang pagtugon sa mga karamdaman ng kanilang mga nasasakupan.

Sa JEEP Program naman ni Governor Miguel Dominguez at ng probinsya ng Sarangani, naipapatakbo nang mas mabilis ang litigasyon ng mga kaso ng ilan sa mahihirap nilang mamamayan, na limitado ang pondo upang maipatakbo sa korte ang kanilang mga kaso. Katarungan at kalayaan po ang kaakibat ng inisyatibang ito.

Karaniwan na pong maituturing ang internet para sa maraming Pilipino, subalit hindi po ito ang kaso noon sa Munisipalidad ng Upi sa Maguindanao. Ngunit dahil po sa kanilang Upi Community e-Center, sa tulong ng kanilang Mayor Ramon Piang, Sr., naging mas mabilis po ang daloy ng mga serbisyo sa loob at labas ng kanilang bayan sa pamamagitan ng komunikasyon.

Nabigyang-lakas din ni Governor Rolando Yebes at ng probinsya ng Zamboanga del Norte ang mga katutubong Subanon sa kanilang lugar. Ngayon, ang dating naisasantabing mga kapatid nating katutubo ay nagsisimula nang mabigyan ng patas na pagkakataon upang makiisa sa pagpapaunlad ng komunidad at makatulong sa mga inisyatiba ng kanilang pamahalaan.

Ang lahat po ng mga proyektong ito ay nagbunga mula sa masusing koordinasyon ng pambansa at lokal na pamahalaan, at ang masigasig na pakikiisa ng mamamayan. Sumasaludo po ako sa mga local chief executives na kasama natin ngayon. Hindi niyo lamang sinisiguro ang tagumpay ng bawat isinasagawa ninyong proyekto; binibigyang-lakas din ninyo ang mga mamamayan upang makilahok sa katuparan ng ating mga adhikain. Magkakaiba man ang napili ninyong estratehiya sa pagtugon sa iba’t ibang problema, iisa pa rin ang direksyon ng inyong mga napagtagumpayan: ang kaunlarang hindi lamang para sa iilan, kundi para sa lahat, lalo na para sa mga kababayan nating naiipit sa laylayan ng lipunan.

Kung ang Millennium Development Goals ng United Nations ang ating magiging sukatan ng mga natatamasa nating kaunlaran—mula sa pagsugpo sa kahirapan at kagutuman, sa pagpapabuti ng sistemang pang-edukasyon, sa pagkakapantay-pantay sa lipunan, hanggang sa pangangalaga sa kalusugan at kapaligiran—talaga naman pong masasabi nating mas mabilis nating maaabot sa ating pagbabayanihan sa tuwid na daan. Manalig lamang po tayo sa mga makabuluhang bunga ng mabuting pamamahala, sa pakikipagtulungan ng lokal at pambansang pamahalaan, at sa pakikibalikat ng bawat isa. Sama-sama po natin itong abutin sa tuwid na daan tungo sa isang mas matibay at mas masaganang kinabukasan.

Ulit, talagang binabati ko po lahat ng nagtagumpay nitong araw na ‘to, iyung hinihintay po natin, iyung nagsusumikap, na sa susunod na taon ay magtagumpay na rin.

Maraming salamat po. Magandang hapon sa lahat.

Briefing Room

  • Bangko Sentral ng Pilipinas (9)
  • Commission on Filipinos Overseas (1)
  • Commission on Higher Education (2)
  • Department of Agrarian Reform (6)
  • Department of Agriculture (184)
  • Department of Budget and Management (227)
  • Department of Education (218)
  • Department of Energy (74)
  • Department of Environment and Natural Resources (224)
  • Department of Finance (233)
  • Department of Foreign Affairs (763)
  • Department of Health (70)
  • Department of Justice (14)
  • Department of Labor and Employment (414)
  • Department of National Defense (21)
  • Department of Public Works and Highways (94)
  • Department of Science and Technology (25)
  • Department of Social Welfare and Development (141)
  • Department of the Interior and Local Government (101)
  • Department of Tourism (96)
  • Department of Trade and Industry (11)
  • Department of Transportation and Communications (91)
  • Executive Office (2)
  • Laguna Lake Development Authority (1)
  • Metro Manila Development Authority (2)
  • Mindanao Development Authority (46)
  • National Anti-Poverty Commission (2)
  • National Disaster Risk Reduction and Management Council (14)
  • National Economic and Development Authority (108)
  • National Historical Commission of the Philippines (1)
  • Office of the Presidential Adviser on Political Affairs (2)
  • Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (247)
  • Office of the Presidential Spokesperson (384)
  • Office of the Vice President (3)
  • Philippine Amusement and Gaming Corporation (2)
  • Philippine National Police (3)
  • Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (117)
  • Presidential Communications Operations Office (9)
  • Public-Private Partnership Center (2)
  • Technical Education and Skills Development Authority (2)
  • Executive Issuances

    Departmental Issuances

    Historical Papers & Documents

    Legislative

    Judiciary

    Commissions

    Legal & Official Notices

    Archives