VIDEO:
FULL TRANSCRIPT:
Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa ika-25 anibersaryo ng Philippine Information Agency
[Inihayag sa PIA Building, Visayas Avenue noong ika-1 ng Pebrero 2012]
Magandang umaga po. Maupo ho tayong lahat.
Secretary Sonny Coloma; Director General Jose Pavia; Usec. Manolo Quezon; our honoree Mister Billy Esposo; other members of the Cabinet present namely secretaries Ona, Paje; Director General Villanueva, Director General Jose Gutierrez; Chair Etta Rosales; General Manager GSIS Robert Vergara; Vice Mayor Joy Belmonte; Philippine Information Agency and Presidential Communications Operations Office officials and staff; other local government officials present; fellow workers in government; honored guests; ladies and gentlemen; mga minamahal ko pong kababayan:
Magandang araw po sa inyong lahat.
Sa pagdiriwang po natin ng ikadalawampu’t limang anibersaryo ng Philippine Information Agency, taas-noo tayong nagpupugay sa PIA bilang katuwang ng gobyerno sa pakikipag-ugnayan sa taumbayan. Lumipas man ang mahigit dalawang dekada, tuloy-tuloy pa rin ang pamamayagpag ng inyong ahensya sa paglilingkod-bayan; sa pagiging gabay ng mga Pilipino sa mabubuting bunga ng pagtahak natin sa tuwid na landas.
Sa bisa ng Executive Order No. 100 noong 1986, malinaw ang naging mandato ng PIA sa pagtataguyod ng isang maayos na komunikasyon sa pagitan ng pamahalaan at taumbayan. At sa paglipas ng panahon, tumibay pa ang pundasyon ng inyong serbisyo-publiko sa kasulukuyan. Sa kasalukuyan, mayroon na kayong labing-anim na regional offices at halos animnapung provincial centers. Sagisag po ito sa lawak ng inyong kakayahan na mag-ulat ng magagandang balita at impormasyon ukol sa mga pagkilos ng pamahalaan upang itaguyod ang kaunlaran sa bansa.
Kaya naman sa lahat po ng bumubuo ng PIA, nagpapasalamat po tayo sa pagsusumikap ninyong ipaabot sa ating mga kababayan ang mga good news na bunga ng ating mga reporma. Isinasakatuparan ninyo ang mga hakbangin upang maipalaganap ang mga nakakamit na tagumpay ng ating pamahalaan. Kung minsan po kasi, tila hindi ito nabibigyan ng sapat na pansin ng ating mainstream media, dahilan upang hindi mabalitaan ng marami nating kababayan ang epektibong pagtatrabaho ng ating gobyerno.
Bukod pa sa paghahatid ng makabuluhang mga impormasyon sa publiko, tungkulin din ng PIA na alamin ang saloobin ng ating mga mamamayan. Sa pagsasagawa ng mga survey, napupulsuhan ng PIA ang mga pangangailangan ng publiko at ipinaparating sa mga kaukulang ahensya upang agaran itong masolusyunan. Sa pamamagitan nga po nito, nabibigyan din ng kakayahan ang ating mga mamamayan na makilahok sa pagtugon sa mga problema ng bayan.
Sa mga pagsubok na humahamon sa ating katatagan, lalo pa tayong namumulat sa mahalagang papel ng PIA sa ating lipunan. Halimbawa na nga po sa panahon ng mga kalamidad, kung saan sinusukat ang tagumpay ninyo sa pagkalap at sa pagpapalaganap ng mga impormasyon. Gaano kalakas ang bagyo at ano ang mga peligrong hatid nito? Anong kailangang gawin sa oras ng sakuna at sino ang maaaring takbuhang ahensya? Sa lahat ng ito, kailangan ninyong tumbasan ng hinahon ang kung minsa’y pagkatuliro ng marami nating kababayan; kailangan ninyong sabayan ng epektibong pagtatrabaho ang bilis ng mga kaganapan at ang dami ng suliraning kailangang tugunan.
Sa paglulunsad ninyo ng mga panibagong proyektong tiyak na pakikinabangan ng mga mamamayan, patuloy ninyong ipinapakita ang tibay at dedikasyon ng PIA sa pagtupad sa tungkulin. Sa pagpapaunlad sa inyong website para sa mas epektibong pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga programa ng gobyerno, pinagbubuklod din ninyo ang mga ahensya ng pamahalaan sa pagtataguyod ng ating agenda ng pagbabago gamit ang teknolohiya sa modernong panahon.
Nagsisilbi naman pong tahanan ng likhang-sining ng mga mag-aaral mula sa mga kolehiyo sa Metro Manila ang inyong Art Gallery. Ibinabantayog po sa bulwagang ito ang yaman at ganda ng ating kultura, at magiging lunsaran din ito ng kahusayan ng mga papausbong na mga alagad ng sining sa paglikha ng kanilang mga obra.
Nailunsad naman ang Information Text Board ng PIA sa pakikipagtulungan ng National Telecommunications Commission at ng malalaking telecommunication companies sa bansa. Sa proyektong ito, magiging textmate po natin ang marami nating kababayan tungkol sa mahahalagang impormasyon na dapat nilang malaman.
Nasaksihan din po natin ang pagkakaloob ng PIA sa Presidential Museum and Library ng kanilang koleksyon ng mga datos at impormasyon tungkol sa mga Pangulo ng ating bansa. Patunay lamang po ito sa pagbubuklod ng mga ahensya ng ating gobyerno sa pagtataguyod ng mabubuting adhikain para sa bayan.
Talaga naman pong nasa frontline ang PIA sa paghahayag sa publiko na tinutupad ng ating administrasyon ang panata nito sa bayan: ang pananagutan sa katungkulan at ang pagtataguyod sa kapakanan ng nakakarami bago ang sa sarili. Sagisag po ang katangi-tanging mekanismo ng PIA sa pag-alam sa saloobin ng ating mamamayan, at sa pagbibigay sa kanila ng oportunidad na makilahok sa mabuting pamamahala, na sila ang tunay nating mga Boss. Pinapatunayan nating narito lamang ang ating gobyerno, handang tumulong at umalalay sa mga Pilipino sa oras ng pangangailangan.
Muli’t muli po nating ididiin ang halaga ng ating pagkakaisa sa pakikibahagi sa solusyon, sa halip na dumagdag pa sa problema. Kakambal ng isinusulong nating katarungan sa lahat ng antas ng pamamahala, ang pagtataguyod natin ng pangmatagalang kaunlaran sa ating bansa. Patuloy po nating palaganapin ang liwanag ng pagbabago, at patibayin pa ang ating pagkakapit-bisig tungo sa pagkakamit ng tunay na kasaganahan sa ating pong bayan.
Bago po ako magtapos, marami lang po akong alaalang bumabalot sa aking isip na gusto kong ibahagi po sa inyo pong lahat.
Nanggaling po ako sa isang paaralan. Talagang itinuturo sa bawat estudyante nito na maging mabuting mamamayan. Kami po yata’y grade 3 o grade 4 pa lang, inoobligang magbasa ng diyaryo at aaminin ko po sa inyo nabasa ko po ang mga diyaryo nang bago Martial Law. Noong dumating po ang Martial Law, nagtatag po ng Ministry of Information. Sa aming mga kasing edad ko, alam po nating ang Ministry of Information, wala tayong nakuhang information. Tama po ba? Doon po sinasala ang mga balita na puwedeng ibahagi sa taongbayan. Censor sa Inggles. Dumating po ang EDSA; nagkaroon po tayo ng PIA. Siguro naman po eto ang magiging kasangga natin sa paglalabas ng katotohanan, hindi paminsan-minsan pero palagian, at iyon po ang inaasahan natin sa kanila na talagang mabibigyan ang ating mga kababayan ng tunay at tamang impormasyon sa tamang oras para naman makadesisyon ang ating mga mamayanan nang tama parati. Iyan po ang palagay kong buod ng inyong mandato; hindi ho magpapogi kanino man ngunit tulungan na mabigyan ng kakayahan at kapangyarihan ang ating mamayanan makadesisyon nang tama sa lahat po ng panahon. Inaasahan ko po, iyan po ang mangyayari sa inyong mga bagong pamamaraan, talaga naman pong—ito po’y tandaan nating paraan lang. Iyong nilalagay diyan ang mas importante.
Magandang umaga sa inyong lahat at happy anniversary.
