Pahayag ng Ikalawang Tagapagsalita ng Pangulo, Abigail Valte:
Ukol sa pahayag ni Ginoong Corona
[Ika-17 ng Pebrero 2012]
Sa hinaba-haba po ng pahayag ni Ginoong Corona, patuloy ang kanyang pagbibingi-bingihan sa simpleng tanong na nasa isip ng taumbayan: Bakit iba ang lumabas sa kanyang sinumpaang SALN, at sa mga natutuklas na ari-arian at kayamanan sa kanyang paglilitis? Bawat araw pong lumilipas, dumadagdag pa ang halagang ito.
Imbes na insultuhin niya ang integridad ng bawat sangay at ahensya ng gobyerno; imbes na mang-udyok siya upang dumalo sa mga rally—sana ay sinagot na lang niya kung saan nanggaling ang perang natatagpuan sa mga bank account niya. Sinasabi niyang tutugunan niya ang bawat paratang, ngunit siya mismo ay naghain ng petisyon sa sarili niyang bakuran upang itigil ang paglilitis.
Patuloy pa rin pong inililihis ni Ginoong Corona ang usapan. Uulitin po namin: Wala pong personalan dito; sistemang pangkatarungan ang aming ipinaglalaban. Nakakalungkot pong marinig mula sa ating Punong Mahistrado ang mga linyang naririnig mula kay Ginang Arroyo. Kung ginamit na lamang sana niya ang pahayag na ito upang linisin ang kanyang pangalan, hindi na sana bumaba ang antas ng pampublikong diskurso ukol sa isyung ito. May naidulot po bang mabuti ang pahayag ni Ginoong Corona? Wala.
Buo po ang aming tiwala sa Senado, bilang kinatawan ng mamamayang Pilipino, na maghuhusga kung karapat-dapat pang manatili sa puwesto si Ginoong Corona. Ngunit nasa taumbayan po ang paghuhusga kung ang ganitong uri ng pahayag ay nagpapakita ng dangal na angkop sa pusisyon ng kapita-pitagang Punong Mahistrado.