Speech of President Aquino at the launch of the K to 12 Basic Education Program, April 24, 2012

VIDEO:

YouTube Preview Image

FULL TRANSCRIPT:

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa paglunsad ng K to 12 Basic Education Program

[Inihayag sa Rizal Ceremonial Hall, Palasyo ng Malakanyang, noong ika-24 ng Abril 2012]

Good afternoon. Thank you. Please sit down.

Secretary Armin Luistro; Senator Ed Angara; Congressman Sonny Angara; Congresswoman Kimi Cojuangco; Congressman Mel Sarmiento; Congressman Going Mercado; Congressman Mariano Piamonte; Secretary Dinky Soliman; Secretary Sonny Coloma; Secretary Joel Villanueva; Usec. Yolanda Quijano; Commissioner Nenalyn Defensor; former Congresswoman Riza Hontiveros-Baraquel; kindergarten, elementary, and high school students, and their respective teachers; friends from the business sector; friends from the international community and partner agencies; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:

Magandang hapon po sa inyong lahat.

Can I apologize for being about thirty minutes late. We were discussing the Philippine Investment Plan to cover the years from 2011 to 2016, and these are the details of exactly where we’ll bring in or put in about five or over five trillion pesos. Since I will have to explain where each and every centavo will go to, I was asking them the pertinent questions and it dragged on and on. Actually, I will have to go back to that meeting right after this very momentous occasion.

And may I apologize to our international friends—as usual I’ll be delivering the speech in our national language. I apologize that you will have to read the hardcopy afterwards.

Siguro, maganda ho para mailagay natin ang ating sarili sa paksa nitong araw na ito, magkwento muna ako.

Mayroon po akong isang tiyo na typical na male. Mahilig hong manood ng sineng aksyon, giyera, et cetera. Nagkataon po na nagkaroon siya ng Home Theatre System—ito po’y panahon ng aking ina bilang pangulo—at ikinabit sa bahay. Iyong Home Theatre System po niya ay nakakabit rin doon sa kanilang garden dahil may nakita siya noong magbiyahe sa Amerika na tinatawag na garden speakers na mumurahin.

Ngayon, ang punto po nito konektado sa Home Theatre System niya. At kadalasan, dahil noong siya po ay bata, hindi pa ho uso iyong Home Theatre, tunay na theatre po ‘yung pinupuntahan niya, at saka cliff hanger—iyon bang papanoorin n’yo ‘yung isang episode nitong linggong ito, bumalik kayo after two weeks para sa next episode. [Laughter] So ‘yung Home Theatre po ay hindi niya ganap na alam para paandarin. Anak niya ang inaasahan para i-On at i-setup ‘yung kanyang papanoorin. Nagkataon po Sabado [siya] manonood at medyo gabi na po yata; nag-umpisa siya ng mga alas-11 ng gabi. Wala po ‘yung mga anak niya, gumigimik noong panahon na iyon. So buti na lang, alam naman po niya ‘yung “On” at saka ‘yung “Play.” E di naisaksak na po iyong sine ng giyera. Sa hindi inaasahang pagkakataon, hindi po niya alam na nakakonekta pala ‘yung mga speaker doon po sa garden. At siyempre, para maganda ‘yung sine, malakas. So nang nag-umpisa na hong nagsabugan, nagbarilan—panahon noon ng nanay ko, di may mga coup silang inaasahan—nagbukasan po lahat ng mga ilaw ng kanilang mga kapitbahay dahil akala may kudeta na namang nangyayari. [Laughter] Tsambang dumating ‘yung kanyang anak at sinabi, “Dad, ‘yung buong kapitbahay akala nagkakagulo na dito!” Tapos, doon lang niya nalaman. Pinatay na niya. Hindi ko malaman ngayon kung natapos niya ‘yung sine sa kahihiyan sa iskandalong ginawa niyang iyon. [Laughter]

Siguro maganda, dagdagan ko pa ho ng kuwento:

Ako naman po, ang inabutan ko ng bata—ngayon po, kung may kailangan tayong kausapin na nasa Cebu, bunutin mo ‘yung cellphone mo, alam mo iyong number niya—segundo, kausap mo na. Tama ho ba? Noong bata ho ako, ibo-book n’yo iyong long distance. So, ang kailangan mo lang alam noon, ida-dial mo ‘yung number ng long distance operator, bibigay mo ‘yung number ng sinong gusto mong kausap, tapos tatawagan ka—place mo sa umaga—sa hapon, bibigay sa iyo ang kausap mo.

I think, I read somewhere, it was said that at the start, I believe, of the 20th century; the amount of knowledge that a person was expected to have could be contained in a Sunday edition of the New York Times. However, today, even with just entertainment, when you buy a Home Theatre System; you have to be able to set it up: positioning the speakers, putting in the parameters of the delay, understanding what HDMI means, and so on and so forth—and even getting your remote controls to “talk” to each other. [Laughter] I’m narrating this because I have a cabinet secretary whose old Home Theatre conked out and he decided to buy himself a new one and up to now he has yet to watch a single film ‘cause he’s still setting it up. [Laughter] That brings me to the topic at hand.

Ito po siguro ang punto ng atin pong kuwento: sa panahon po ngayong tinatawag na “knowledge” o “information age,” mas malawak na ang kaalaman na inaasahan sa karaniwang tao upang makapamuhay. Totoo pong dati, pag-dial mo nga ng telepono sa umaga para tumawag ng long distance, buwenas na kung makakausap mo ang gusto mong kausapin sa hapon. At noong panahon na iyon, masaya na po sila dahil noong araw po eh susulat ka, at ‘pag dumating ang sulat mo sa loob ng isang dekada sa kabilang dulo ng mundo, ikaw ay nagpapasalamat sa Diyos na nangyari iyon. Ngayon, mayroon na pong Skype. Tama ba, Skype? Kakaunti ho iyong tinatawagan ko sa abroad eh. Pero para makapag-Skype ka, kailangan alam mo kung ano ang pipindutin sa computer at paano mo ikokonekta ang telepono at iyong computer at makapasok sa internet. Dati nga po, linggo ang aabutin sa library para makakalap ng kaalaman. ‘Pag nagre-research kayo—literal—talagang iisa-isahin mo. At may kaunting dasal na natsambahan mo iyong libro na dadaanan mo kung ilang daang pahina na nandoon ang impormasyon na kailangan mo. Tama po ba? Ngayon po, Google search. May Google na. Pero may silbi lang po ito kung marunong ka ring gumamit ng keyboard at mag-log-on sa mga tamang website. At sana may kaalaman ka rin tangan para hindi ka binobola ng mga kalokohan na website.

Simula po sa araw na ito, mabibigyan na natin ang kabataan ng mas magandang pagkakataon upang matuto at makasagap ng kaalaman. Nagtitipon po tayo upang ilunsad ang isang programang magbabago sa sistemang pang-edukasyon ng bansa: ang K to 12 Basic Education Program.

‘Di po ba’t maikukumpara ang ten-year basic education program sa force-feeding? Bibigyan ka ng sampung taon upang isubo, nguyain, at ipasok sa iyong sistema ang mga leksyon. Wala pong pagkakataon ang kabataang namnamin ang kaalaman. Subo lang nang subo; subo lang nang subo. Ang resulta: hindi napoproseso nang mabuti ang impormasyon, hindi nabibigyan ng sapat na konteksto, hindi naipapaliwanag ang implikasyon sa kalakhang buhay ng Pilipino. Kaya nga minsan po, pasok sa isang tenga, labas sa kabila; ilang araw lang, nalimot na ang mga natutuhan.

Ang ipinangako po ng ating gobyerno: sa tuwid na daan, walang maiiwan. At sa pamamagitan po ng ating transpormasyon sa isang de-kalidad na edukasyon, inaabot natin ang kaunlarang para sa lahat—mahirap ka man o mayaman. Upang mailabas ang natatanging husay ng mag-aaral, bibigyan natin ng sapat na panahong matutuhan ng kabataan ang mga konsepto’t kakayahan, ang mga tamang kilos at kaugalian.

Minsan nga pong sinabi sa akin ng aking ama: “Once you have imbibed the knowledge, it is yours for life regardless of what happens to you in the future.” At totoo po: anumang karunungan ang ating matututuhan, kipkip na natin ito habambuhay. Sabi nga sa akin noong araw, “Sikat ka noong araw o sikat ka ngayon; bukas, laos ka na. Baka ngayo’y mayaman ka, bukas mahirap ka na.” Pero ‘pag natuto ka na, sa’yo na ‘yan habang buhay. Wala nang maaaring magnakaw nito sa atin. Ito po ang ating magiging kasangkapan sa pagharap sa mundo at pagdedesisyon at pakikilahok sa kalakhang lipunan, sa pagbabahagi ng ating sarili sa Diyos at sa kapwa tao.

Mantakin po ninyo: tayo na lamang—unique sa buong Asya— ang isa sa tatatlong bansa na lamang sa buong mundo ang may ten-year basic education cycle. Sa Asya sikat po tayo; tayong mag-isa. Sa buong mundo tatlo tayo. Iyong dalawa nasa Africa. Paano nga naman ba makikipagsabayan ang Pilipino, kung lugi na agad tayo sa bilang ng taon ng pag-aaral at sa lalim ng pagsasanay? Sa simula pa lang ay dehado na tayo. Ang gusto po natin, magkaroon ng matibay na pundasyon sa edukasyon ang mga susunod na henerasyon ng Pilipino.

Medyo ‘yung tingin ho sa akin ng ating choir na napakagaling kaninang kumanta—tuloy hindi kami napakanta—parang, “Maganda ba ‘yan, dagdag kaming dalawang taon?” Simple lang naman ho iyan: Kung parepareho kayong test na kukunin sa ating mga kalaban, sila may plus two years na talagang pinag-aralan. Kumbaga, katulad nitong speech na ‘to, babasahin ko ho, sinabi sa ‘kin ng teacher ko, “ You have one minute to read it.” O ‘di siyempre ganyan. Iyong kalaban ko ho na ite-test doon binigyan ng two minutes. Siguro naman iyong retention at comprehension mas mahusay si two minutes kaysa si one minute. O di ‘pag ganoong hindi parehas ang laban, talo ako kaagad. Siya may trabaho. Ako’y maghahanap ng ibang papasukan, at hindi tayo makapayag doon.

Naninindigan pa rin po tayo sa ipinangako nating pagbabago sa edukasyon: ang gawin itong sentral na estratehiya sa pamumuhunan sa pinakamahalaga nating yaman—ang mamamayang Pilipino. Sa K to 12, tiwala tayong mabibigyang-lakas si Juan dela Cruz upang mapaunlad—hindi lamang ang kanyang sarili at pamilya—kundi maging ang buong bansa.

Sa araw pong ito, humahakbang tayo pasulong sa pagkakamit ng pagbabago sa ating sistemang pang-edukasyon. Sa kabila nito, malinaw na malayo pa ang ating lalakbayin. Mulat po tayo na dahil sa transition phase, maaaring magkaroon ng mga antala, o sakripisyong kailangang pagdaanan ang mga mag-aaral at paaralan. Wala man pong perpektong solusyon sa lahat ng bagay, ang garantiya pong ibinibigay natin ay isang mas matibay na sistemang pang-edukasyon na pangmatagalan, at nakatuon sa kinabukasan ng ating mamamayan.

Kasabay po nito, patuloy pa nating pinupunan ang ilang mga kakulangan sa sektor ng edukasyon—mula sa pagpapatayo o pagkukumpuni ng mga silid-aralan at mga kagamitan sa eskwela, hanggang sa mga pagsasanay sa mga guro at pagbili ng mga libro. ‘Yung libro nga ho pala dito, hinahabol po natin na ‘yung ating reading materials ay magiging tablet based. Doon po sa henerasyon ko, hindi po tabletas ‘to [laughter], PC tablet ang pinag-uusapan para klaro lang ho. Dahil alam ho n’yo, ‘pag ho saka-sakaling may nahanap na error diyan; uutusan lang po n’ong kanyang server papalitan ‘yung impormasyon diyan. Hindi na po natin ire-recall ‘yung mga librong sangkaterba. At ginagawan na rin ho ng paraan na naka-lock in sa system para wala hong magnanakaw dito. Dulo po, mas madali na ho sa estudyante na kailangan rin naman talagang IT knowledgeable kung gagamitin natin ito. Hinihintay na lang natin, Bro. Armin, ‘yung pagbaba nang kaunti ng presyo at malapit na po sa target natin. Isasakatuparan natin ito sa pamamagitan ng inilaan nating 238.8 bilyong pisong budget para sa Department of Education ngayong 2012. [Applause] Tumaas po nang tatlumpong  bilyong piso ang naturan badyet dahil mataas na rin po last year at next year ho siguro patataasin pa ni Brother Armin. [Applause]

Problema lang ho nandito si Joel at saka si Ms. Defensor ng CHED. Baka sila rin ho humirit ng pagtaas. [Laughter] Huwag naman po ninyong kunin lahat sa akin.

Siguro po matagal na nating napatunayan: hindi po lista sa hangin ang mga programa natin; ang binitawan nating salita, pagsusumikapan natin upang maghatid ng resulta. Kapag may ipinuhan ang pamahalaan, may balik itong magandang bunga para sa sambayanan.

Muli po akong nagpapasalamat sa bawat ahensiyang nakipagtulungan sa atin sa tuwid na daan upang marating ang araw na ito. Sa bumubuo ng DepEd, CHED, at TESDA, kasama na ang bawat indibidwal at grupong nakipagbayanihan upang mapagtagumpayan ito.

Sa atin naman pong mga kababayan: patuloy nawa kayong magtiwala at makiisa sa mga inisyatiba ng ating pong pamahalaan. Asahan naman po ninyo: patuloy ang gobyerno sa paglalatag ng pagbabago para sa isang mas maliwanag na kinabukasan sa sambayanang Pilipino.

Ako po’y hanggang dito na lang. Babalikan ko po ang iniwanan kong meeting. Magpapasalamat po ako sa inyong lahat at umpisa na ang pagbabago nating talagang pangmatagalan.

Magandang hapon po.

Read this in English

Share on social media