Speech of President Aquino at the 17th national convention of the National ROTC Alumni Association, May 25, 2012

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa ika-17 pambansang kapulungan ng National ROTC Alumni Association

[Inihayag sa Camp Aguinaldo, Lungsod ng Quezon noong ika-25 ng Mayo 2012]

Magandang hapon po. Maupo ho tayong lahat.

Secretary Voltaire Gazmin; General Manager Jose Angel Honrado; General Reynaldo Mapagu; Commodore Amado Sanglay; Brigadier General Joel Joseph Cabides; Colonel Ernest Cimatu; officers and members of the National ROTC Alumni Association; fellow workers in government; mga minamahal ko pong kababayan:

Magandang hapon po sa inyong lahat.

Nandito po ako dahil importante kayo sa akin. Sobrang importante po n’yo at ayoko ko kayong maghintay. [Applause]

Nag-overtime po ang meeting ko bago nito; kinuha po ang oras naming mananghalian. Kaya ang nakain ko po kanina eh dalawang pagkaliit-liit na slice ng pizza, nakagat ko sa apat na kagatan lang. Kaya baka may magrereklamo po na maputla ako ngayon. [Laughter] Bumabalik lamang po kami sa paborito naming pagkain: memorize. [Laughter]

Sa araw pong ito, ikinararangal kong makaharap ang magigiting na Pilipinong kumakatawan sa ‘di matatawarang pagmamalasakit sa atin pong bayan. Saludo po ako sa inyo—sa bawat indibidwal ng ating mga hukbo at ng ating Reserve Officers’ Training Corps members na bumubuo sa National ROTC Alumni Association.

Nagpapasalamat ako sa patuloy ninyong pagsusumikap tungo sa kahusayan, dedikasyon, at propesyunalismo ng inyo pong hanay. Sa loob ng mahigit dalawang dekada, pinagbubuklod ng NARAA ang ating ROTC officers at cadets sa pangangalaga, pagsusuporta, at pagtataguyod ng demokrasya sa atin pong bansa. Kayo rin ang nagsisigurong napapangalagaan ang karapatan ng inyo pong mga kasapi. Naging lunsaran kayo ng pagkamakabayan, at sinasalamin ito ng inyong mga miyembro. Higit sa lahat, muli’t muli ninyong ibinabandila sa sambayanan ang diwa ng pagseserbisyo sa lupang sinilangan.

Bilang mga kawal ng bayan, nagdaan kayo sa mga pagsasanay at pagsubok. Pinatibay na kayo ng iba’t ibang institusyon—gumulong na kayo sa putikan, nagbabad sa araw, at nagsunog ng kilay para sa mga pagsusulit at pagsasanay. Nagpunla kayo ng pawis, dugo, at panahon; diniligan ninyo ito ng katatagan, disiplina, at dedikasyon. Ang bunga po nito: kaligtasan at kapayapaan para sa sambayanan.

Talagang ‘di matatawaran ang halaga ng ROTC program sa kalakhang lipunan. Naghahatid ito ng military training sa ating mga estudyante sa kolehiyo upang mabigyan sila ng kasanayan, bilang paghahanda sa pagtatanggol ng bayan. Ang ibig pong sabihin, kung kinakailangan, tayo mismong mamamayan ang titindig para sa ating mga karapatan; tayo mismo ang haharap at lalaban, lalo’t higit, kung ang nakataya ay ang demokrasya ng ating bayan.

Pagdiinan ko lang po, bukas ho siguro, may kritiko akong magsasabi utak pulbura na naman ako: masyado akong pabor sa militar. Ang sinasabi ko lang po sa inyong propesyon, walang mapapala kung hindi nagkakaisa, tama po ba? Sa unang-unang araw na may formation, nagmamartsa. ‘Pag mayroong nagsabing “Forward march,” may humakbang na kanan, may humakbang na kaliwa. Pagdating mo sa dulo, hindi na sila magkakasama siguro. So ang punto po niyan, dito po ay talagang, para may marating, kailangan ang pakikisama at pagkakaisa. Iyan po ang isang pinakamahalagang leksyon sa atin sa pag-aaralan ng siyensya ng militar.

Ipinapaalala po ng ROTC sa kabataan ang kanilang pananagutan sa bandila at sa kanilang kapwa-Pilipino. Itinatanim nito sa kanilang isip at puso ang obligasyon ng bawat isa upang manindigan para sa soberanya ng ating bansa, at panatilihin ang integridad ng atin pong mga teritoryo.

Ngayon po, hindi na mandatory ang ROTC. At ayon po sa datos, malaki ang ibinaba sa bilang ng mga mag-aaral nating naka-enrol sa ROTC. Mula po sa mahigit walong daang libo noong taong 1999 hanggang 2000 o school year 1999 to 2000 nasa kulang-kulang isandaan at limampung libo na lang po ang naka-enrol nitong 2011. Sa unang kapat naman ng 2011, nasa mahigit limandaang kolehiyo at unibersidad na lang ang may programang ROTC. Malaki po ang ibinawas nito mula sa dalawanlibong paaralang naghahandog ng programang ito bago maipatupad ang kasalukuyang National Service Training Program.

Sa kabila nito, naniniwala po tayo: hindi lamang bilangan ng ulo ang larangan ng pagtatanggol sa bayan. Nakasandig ito sa mas malawakang tugon; hindi ito maikakahon sa paramihan ng katawang ihaharang sa baril o kanyon. Mas matibay na koordinasyon at pagtutulungan, sapat at pinagbuting armas at kagamitan, ang pagpapalalim sa pagmamahal sa bayan—iilan lang po ito sa mga larangan at aspektong atin nang tinututukan.

Tandaan po natin: mahalagang magkaroon ng mas masusing ugnayan at pagbabayanihan ang ating pamahalaan, Hukbong Sandatahan, at lalung-lalo na ang taumbayan. Bukod-tangi’t mahalaga ang pagkakataong tangan ng mga sibilyan nating reserve officers. Bilang mga sibilyan, may bentahe kayo sa ibang ordinaryong mamamayan. Madali hong makipag-ugnayan ang ibig sabihin po noon. Kayo sa kasanayang pang-militar, dahil harapan ninyong nakakasalamuha ang ating mga kawal—mas malawak ang inyong pag-unawa sa diwa ng pakikipagkapwa at pagsisilbi sa bansa. Kayo ang nag-uugnay at nagsisilbing tulay sa pagitan ng Hukbong Sandatahan at ng mamamayan. Kasabay nito, buo naman ang tiwala kong patuloy ninyong tutugunan ang inyong mga pananagutan.

Ang pagkakaisa nga pong ito ang ating pinagsusumikapan, sapagkat alam nating ito ang magbibigay ng kakayahan upang higit nating maipagtanggol ang ating mga karapatan. Ito ang landas na magdadala sa atin tungo sa isang lipunang mas patas, at may higit na pagkakataon para sa lahat.

Kukunin ko na rin po ang pagkakataong ito upang magpasalamat sa mga napapagtagumpayan ng inyong hanay. Malaki po ang naiambag ng ating mga reservist sa Hukbong Sandatahan at sa iba pang mga kawanihan upang magampanan nila ang kanilang mga tungkulin sa bayan—partikular na po sa Disaster Risk Reduction and Management, relief and rescue, at sa pagpapalaganap ng kapayapaan sa pamamagitan ng ating Internal Peace and Security Plan o IPSP Bayanihan. Muli, patunay po ito sa panibagong pamamaraan natin sa pagharap sa mga pagsubok sa ating internal peace and security—hindi lamang sa pagtutugon sa mga armadong banta, kundi maging sa pagsusulong sa mga programang pangkaunlaran ng ating pamahalaan.

Sa pagbaba po ng bilang ng mga nag-e-enroll ng ating ROTC program, mahalagang mahimok ang ating kabataan na maging bahagi ng ROTC program. Malaking bentahe po ang pagkakaroon ninyo ng iba’t ibang grupo sa kalakhang bansa—maaari ninyong mahikayat ang pinakamahuhusay sa inyong mga alumni para makiisa sa pagsasakatuparan ng atin pong ROTC program, at tumindig bilang mabuting halimbawa para sa susunod na henerasyon ng ROTC cadets. Katambal nito, buo po ang aking tiwala sa National ROTC Alumni Association, na maipagpapatuloy ninyo ang pagtataguyod sa mga katangiang nagbibigay-karangalan sa inyong mga hanay.

Sa sambayanang Pilipino naman po, iisa ang ididiin kong punto: nasa mga kamay po natin ang kapalaran ng ating kasalukuyan at kinabukasan. Wala na pong ibang tao tayong aasahan—tayong mga Pilipino mismo ang titindig, lalaban, at sisiguro ng magandang kinabukasan para sa atin pong bayan. Nawa’y ipamana natin sa susunod na salinlahi ng mga Pilipino ang isang mas mapayapa, mas makatarungan at mas maunlad na Pilipinas.

Bago po ako magtapos, alam po n’yo, hindi naman po ako bulag, hindi naman po ako bingi. Nakikita ko pong may inaatasan tayo sa iba’t ibang sangay ng gobyerno na kung minsan ay parang maituturing na “mission impossible.” Hindi ho tama iyon at iyon po ay winawasto na natin. Sa inyong hanay po nakikita na po n’yo ‘yan sa modernization program at pati na rin sa social services tulad ng pabahay. Habang naghahanda tayo, kasama na rin po ang dasal at pagsusumikap, na hindi po natin gagamitin itong mga kasangkapan na ito dahil puwedeng tayong lahat sanang mabuhay na mapayapa at maasenso. Sa pagtutulungan po natin, ‘yung inaasam-asam na pagkatagal-tagal ay nalalapit na pong maaabot natin.

Magandang hapon po. Maraming salamat sa lahat.

Share on social media