Speech of President Aquino at the League of Municipalities of the Philippines general assembly, December 5, 2012

VIDEO:

YouTube Preview Image

FULL TRANSCRIPT:

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pangkalahatang tipon at panunumpa ng League of Municipalities of the Philippines

[Inihayag sa Manila Hotel noong ika-5 ng Disyembre 2012]

Salamat po. Maupo ho tayong lahat.

Ang kaisa-isa ho yatang Marcos na kakampi ko, Mayor Donato “Doning” Marcos; [laughter] Mayor Alfredo Lim; Mayor Joel Payumo; National Executive Committee, officers, and members of the League of Municipalities of the Philippines; delegates from the Coral Triangle Initiative; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:

Magandang umaga po sa inyong lahat.

With due apologies to our foreign delegates, I’ll have to converse with my countrymen in our native tongue.

Si Mar Roxas po ay baka hinahanap n’yo. Kasalukuyan pong nasa Mindanao ngayon, tinitignan ang lahat ng nasalantang mga lugar, at marami tayong mga katanungan na gusto ko nang masagot, at iyon po ang sinusuri niya sa kasalukuyan. May mga namatay po tayong kababayan, at parati ‘pag may namamatay, parati ho nating iniisip, mayroon pa ba tayong nagawa para sana’y nabawasan ito nang tuluyan o wala na sanang nasalanta? At, malalaman po natin ang mga tugon maya-mayang kaunti.

Batid ko pong mas marami sanang mga pinuno ang kasama natin sa pagtitipon ngayong umaga, subalit nabawasan ito dahil ilan sa mga alkaldeng lumuwas pa mula sa Visayas at Mindanao, ay kinailangang bumalik sa kani-kanilang munisipalidad upang paghandaan ang pagdating ng bagyong Pablo. Ngayon pa lamang po, nagpapasalamat na ako sa kanila. Iyan naman po talaga ang mandato nating mga lingkod-bayan: nakasalalay ang oras natin sa sitwasyon ng ating mga nasasakupan, at kung may problemang nagbabanta, kailangang handa tayong rumesponde sa frontline, at ilayo sa kapahamakan ang ating kapwa. Di po biro ang banta ni Pablo sa buhay at kabuhayan ng mga taga-Visayas at Mindanao, kaya naman kailangan ding maging handa at alerto ang ating mga lokal na pamahalaan para mabawasan ang pinsalang maaaring idulot nito. Hindi po ito sakripisyo; ang tawag dito, tungkulin. Ang tawag dito, obligasyon—na dapat gampanan sa ngalan ng mga nagtiwala, at patuloy na nagbibigay sa atin ng mandato.

Ito nga mismo ang diwa ng ating pagtitipon. Higit sa panunumpa ng mga bagong halal na opisyales ng League of Municipalities of the Philippines, o sa gaganaping general assembly ng inyong mga miyembro, sinasagisag ng pagpupulong na ito ang kahandaan at pagkukusa ng bawat munisipalidad na makilahok sa pagpapanday ng mga estratehiya’t pamamaraan—na magpapabuti sa kalagayan, hindi lang ng kani-kaniyang nasasakupan, kundi lalo na ng kinabibilangang lalawigan, at siyempre ng buong bayan.

Taun-taon, tinatayang umaabot sa dalawampung bagyo ang dumadaan sa ating bansa. Nakakalungkot man pong banggitin, tila ba matagal tayong nasanay na magbilang ng mga nasawi tuwing may pagsusungit ang panahon. Bara-barang weather forecasting; kakulangan sa koordinasyon ng mga ahensya; at pabayang pamamahala. Ilan lang po ito sa mga dahilan kung bakit tila paulit-ulit na lang ang imahen ng mga nalulunod na tahanan, ng mga winasak na kabuhayan, ng mga paslit na naghahanap ng kanilang mga nasawing magulang. Mulat ang administrasyong ito kung saan tayo sumasadsad tuwing umiiral ang pagkakanya-kanya’t pagwawalang-bahala. Kaya naman binubura na natin ang mga sistemang “pwede na” at “bahala na,” at buong sigasig na nagtitindig ng mga mekanismo upang, kahit malayo pa lamang ang bagyo, nakahanda na tayong tugunan, at kung maaari, ay maiwasan ang anumang pinsalang maaaring idulot nito.

Tignan na lang po natin ang PAGASA. Dati, kung hindi mali-mali ang forecasts nila, inaabot ng siyam-siyam ang kanilang updates. Para na po talagang hopeless ang kanilang sitwasyon noon. Pero ngayon, kada-oras po silang naglalabas ng mga tama at tumpak na weather bulletins sa Facebook, sa Twitter, at sa kanilang website. Nariyan na rin po ang kanilang Project NOAH, na nagbibigay ng real-time na impormasyon sa pagtaas ng tubig mula sa mga automated rain gauges at water level monitoring sensors sa iba’t ibang rehiyon. Mahalaga po ito, hindi lang para mabigyan ng napapanahong ulat at babala ang taumbayan, kundi para rin matiyak na nagtutugma ang mga ikinikilos ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Sa pangunguna ng DILG, naatasan po ang lahat ng apektadong lokal na pamahalaan na maghanda bago pa man bumuhos ang bagyong Pablo. Bahagi nito ang pagbuo ng mga lokal na disaster response units, at kung kinakailangan, magsimula na ng preemptive evacuations sa mga baybayin at mga low-lying areas. Umabot na rin po sa mahigit 40 milyong piso ang halaga ng inilaang food packs at relief goods mula sa DSWD. Habang naka-standby sa mga lugar na may mataas na posibilidad ng pagbaha ang search and rescue vehicles ng AFP at PNP, nakahanda na rin po sa pagresponde ang ating kapulisan para sa mga road-clearing operations. Katuwang po nila rito ang DPWH, na nagpadala na ng mga heavy equipment sa mga lugar na kadalasan ay nasisiraan ng kalsada o tulay dahil sa pagragasa ng baha. Samantala, patuloy po ang paalala ng Coast Guard sa mga barko at iba pang seacrafts na huwag pumalaot para sa kanilang kaligtasan. Ilan lang po ito sa mga kasalukuyang tugon ng pamahalaan sa peligrong maaaring idulot ng bagyong Pablo. Lagi po nating idinidiin: hindi natin kontrolado ang sungit ng panahon, at hindi natin maididikta ang lakas o direksyon ng bagyo. Pero may magagawa tayo upang mabawasan, kung hindi man tuluyang maiwasan, ang pinsalang dulot nito.

Nakikiusap rin ako sa ating mga kababayan: Kung kinakailangang lumikas, lumikas na po tayo agad. Huwag nang maghintay pa ng pang-apat, o pang-limang bisita ng mga rescue units bago tayo lumikas. Buwis-buhay po ang trabaho ng ating mga rescue teams, kaya’t malaking tulong po kung manatili tayong disiplinado, may kooperasyon at mahinahon habang isinasalba nila tayo.

Paalala lang po: lahat nang ito ay mapupunta sa wala kung hindi tumutugma ang kilos ng mga lokal na pamahalaan sa pambansang gobyerno. Bilang mga frontliners, kayo ang una at direktang tinatakbuhan ng mamamayan. Ibig sabihin, nakasalalay sa inyo kung magtatagumpay at mapapakinabangan ang mga programang hinuhubog ng pamahalaan, o kung mapupunta lamang ito sa wala. Umaasa ako sa kooperasyon ng bawat munisipalidad sa bansa: huwag po sana nating pagsamantalahan ang mga pagkakataon tulad nito para mamulitika, o magpapogi para sa susunod na eleksyon. Buhay po ng ating mga kababayan ang nakataya dito, at gaya ng muli’t muli nating pinatunayan sa mga nakalipas na bagyo, bayanihan ang susi upang mailayo sa panganib ang ating kapwa Pilipino. Nananalig rin akong mapaigting pa ang kooperasyon, hindi lamang tuwing may sakuna, kundi maging sa pang-araw-araw na sistema sa bawat munisipyo ng bansa. Itugma natin sa lokal na antas ang mga repormang inilalatag ng ating administrasyon, mula sa pagkuha ng business permit, hanggang sa mabilis na pagproseso ng mga lisensya. Kayo rin naman po ang makikinabang dito. Bawat piso ng buwis na malilikom, bawat dagdag na kabuhayang maitataguyod ng komersyo, bawat pamilyang mabibigyan ng pagkakataong iangat ang antas ng kanilang buhay, ang magtutulak sa kani-kaniyang munisipyo tungo sa tiyak na pag-asenso.

Nahaharap na naman po sa pagsubok ang ating bansa, at lagi nating pinatutunayan sa ganitong mga pagkakataon kung anong uri ng lahi mayroon tayo. Tirik man ang araw, o may banta ng bagyo, nasa kabilang panig man ng mundo, o nakatira sa mga pinakaliblib na sitio, lalong tumitingkad sa mga panahon ng pagsubok tulad nito ang kakayahan ng mga Pilipino na magkapit-bisig para sa kapwa, at magtulungan sa ngalan ng nag-iisa nating bansa. Ipagpatuloy lang po natin ang pagbabayanihan, at tiyak pong maitutulak din natin palayo ang madidilim na ulap ng problema; tiyak na ang liwanag ng pag-asa ay magsisimulang tumanglaw sa ating mga kababayan mula sa Luzon, sa Visayas, at sa Mindanao.

Magandang araw po muli at maraming salamat po sa lahat.

Share on social media