VIDEO:

YouTube Preview Image

FULL TRANSCRIPT:

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa Alay sa Mamamayan

[Inihayag sa Lungsod ng Imus, Cavite, noong ika-7 ng Pebrero 2013]

Maupo po tayong lahat. Magandang umaga po.

Secretary Mar Roxas; Secretary Jun Abaya; siyempre ang pinakabata ho sa gabinete, Secretary Procy Alcala; ‘yong hinihintay po nating sumama sa amin sa Executive, Senator Panfilo Lacson; kagalang-galang na Manong Ayong Maliksi; isa pong masugid na kakampi natin sa Kongreso, Manong PD Barsaga; siyempre isa pa hong kakampi nating masigasig, Congressman Roy Loyola; kagalang-galang na kasamahan nating, Manny Maliksi; atin pong mga kandidato para Senador sa darating na halalan, Risa Hontiveros; nakakatanda po sa aking pinsan kong si Bam Aquino [laughter and applause]; atin pong kandidato bilang vice governor ng Cavite, Ronald Jay Lacson; mga kandidato natin para kinatawan sa Cavite, Boy Blue Abaya sa First District, Jesse Castillo sa Second District, Alex Advincula ng Third District; siyempre, ating matagal na ring kasama, si Manong Osboy Campaña; ating pong kandidato sa Seventh District, si Bambol Tolentino; kagalang-galang na Mayor Nonong Ricafrente; isa ho sa mga nag-aruga sa atin sa Kongreso, si Manong Del Abaya; Atty. Rafael Rodriguez; ating pong mga kasamahan dito po sa Cavite; fellow workers on government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:

Magandang maganda po talaga ang umaga at nakita ko na naman kayo. [Applause]

Alam ho n’yo, malaking bahagi po talaga ng ating tungkulin bilang pangulo ang bumisita sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang ipabatid kung gaano na kalayo ang narating ng tuwid na daan. At saan man po tayo mapadpad, kapansin-pansin ang init ng pagtanggap ng ating mga kababayan. Pagkalapag nga po natin kanina dito sa Cavite, sa kabila ng paghihintay sa ilalim ng araw, talagang nangingibabaw po ang kakaibang sigla at nakakatabang-pusong pagsalubong ng mga Kabitenyo. [Applause] Kaya ulit, maraming salamat po sa suporta’t pagkalinga n’yo.

Narito po tayo ngayon upang suklian ang tiwalang ibinuhos ninyo sa ating administrasyon, at upang matiyak na hindi mapupunta sa wala ang lahat ng ipinupunla nating reporma. Mulat naman po tayong nalalapit na ang halalan, at bilang aming mga Boss, kailangan ninyong humarap sa isang sangandaan. Simple lang naman po ang inyong pagpipilian: Sa isang ruta, ang landas kung saan pansariling kapakanan ng mga opisyal ang nangunguna, habang naiiwang nakalugmok sa kahirapan at kawalang-pag-asa ang buong Cavite. Sa kabilang ruta naman ay ang tuwid na daan, kung saan walang-pag-aalinlangang naglilingkod ang inyong mga pinuno para matiyak na ang buhay ng mga taga-Dasmariñas, ng mga taga-Bacoor, ng mga taga Imus, at ng mga taga-Carmona, at Alfonso, at Silang, Ternate, ay talagang mas magiging mapayapa, maunlad, at mas kapaki-pakinabang. Samakatuwid, ang kinabukasan po ng buong Cavite ay nakasalalay kung gaano kahusay kumilatis ng mga tapat na pinuno ang mga Kabitenyo.

Alam po n’yo dahil naman kinilatis n’yo ako noong 2007 at binigyan ng pagkakataon, at noong 2010 ho ulit na lalo pang mas matingkad ang inyong suporta—bilib talaga ako sa pagkilatis n’yo dito po sa Cavite. [Applause]

Bilang inyong Pangulo po, may mahigit tatlong taon ko pa pong ititimon ang bansa natin. Wala naman po sigurong may gustong magkaroon ng mga opisyal na laging taliwas ang pagsagwan sa atin, lalo na kung ang gusto nila ay basta lang makakontra nang wala namang ipinepresentang solusyon. Makakausad lamang ang Cavite at ang buong bayan kung sabay-sabay at magkakatuwang tayong nagmamartsa sa tuwid na daan —hindi nag-uunahan, hindi nagtutulakan, hindi naghahatakan. Mga tapat na kakampi ng taumbayan, at mga tunay na tuwid na lingkod-bayan po ang ating kailangan.

Ngayon, kung mayroon man pong isang probinsya sa Pilipinas na talagang bukal ng mga magagaling at matitinong pinuno, siguro isa na po sa nangunguna ang Cavite. [Applause] Nangunguna po siyempre diyan si Manong Ayong Maliksi. Tutal naman papakapal na ho ako ngayon. Humihingi ako ng suporta sa inyo. Hiniram ko na ho si Jun Abaya; susunod ho si Ping Lacson. Si Manong Ayong ho, hindi ko muna hihiramin sa inyo. [Applause]

Gaano man kahirap ang pinagdaanan ni Manong Ayong sa kanyang buhay, hindi ito naging hadlang upang makapagtapos siya sa pag-aaral at ialay ang mahigit isang dekada ng kaniyang buhay para tapat na paglingkuran ang Cavite. Nakilala ko po si Manong Ayong noong panahon ng Martial Law. Sa bagay, parehong bata pa kami noong panahong iyon. Snap Elections po noon, at kahit pa alam nilang tagilid na sila sa laban dahil sa pandaraya at makinarya ng mga nasa poder, nangibabaw pa rin po sa kanya ang dedikasyong ipaglaban ang tama. Ang sabi ni Manong Ayong sa aking ina, “Ginang Aquino, ibubuhos po lahat namin ang aming makakaya.” Ngayon po, tiyak po akong handa pa ring rumesponde para sa Cavite si Manong Ayong, at sigurado akong ibubuhos niya ang lahat ng kaniyang makakaya para sa tapat na pamamahala. Malinaw naman po iyan sa mga nagawa niya nang siya ay maglingkod bilang inyong Gobernador: matapos ang kaniyang termino, tinitingala ang Cavite bilang isa sa fastest growing provinces ng bansa, gayundin ang pagbaba ng inyong poverty incidence. Ganyan po dapat paglingkuran ang mga Kabitenyo; Iyan po ang tatak ng maliksing serbisyo. [Applause]

At mataas ang aking kumpiyansang ang ganitong uri ng paglilingkod ay siya ring umiiral at nananalaytay sa iba pang Kabitenyong kabalikat natin sa tuwid na daan, gaya nina Jay Lacson, Boy Blue Abaya, Jessie Castillo, Alex Advincula, si Roy Loyola, si Osboy Campaña, si Bambol Tolentino. Siyempre po, hindi magpapahuli si PD Barsaga [applause]. Sila po ang titiyak sa patuloy na pag-angat ng lalawigan ng Cavite.

Kitang-kita naman po sa kaliwa’t kanang programa’t proyekto kung gaano natin kamahal ang Cavite. Nariyan ang Bangkal-GMA Bridge sa Dasmariñas; mababagtas na rin po ang mas pinalawak na Governor’s Drive sa Lungsod ng Trece Martires; gayundin ang Daang Hari–SLEX Link Road na magkokonekta sa Bacoor at SLEX. At siyempre, nananabik na po tayo sa taong 2015—hindi ho dahil isang taon na lang ako manunungkulan—kung hindi kung kailan hindi lang din natin mapapabilis din ang biyahe mula Baclaran hanggang Bacoor, kundi madadagdagan din ng 250,000 pasahero ang maisasakay kada araw dahil sa LRT Line 1 Cavite Extension. [Applause] Hindi po tayo titigil dito. Bubuo pa tayo ng ibang mga programang talagang magpapagaan sa buhay ng mga minamahal nating taga-Cavite, at mas mapapabilis ito, kung tunay na mga kakampi natin ang ihahalal n’yo at hindi mga pabigat sa ating landas ng pagbabago.

Muli akong nananalig sa lakas ng sambayanan; muli akong umaasa sa mga Kabitenyo: huwag nating hayaang maging atrasado ang ating bayan. Umuusbong na po ang bunga ng mga ipinunla nating reporma sa unang dalawa’t kalahating taon sa tuwid na daan, at makatitiyak tayong mas lalago pa ang mga ito kung papanig tayo sa tama, at makikipagbayanihan tayo sa landas ng tapat at mabuting pamamahala. Paalala lamang po: Asahan na po ninyong may mga nagpapanggap, at may mga nakikisakay diumano sa ating krusada; may mga nakikisuot ng kulay dilaw, pero hindi tiyak kung anong kulay ang nasa loobin. Huwag po tayong umasa sa tsamba, o sa agimat o anting-anting [laughter]. Matuto po tayong kumilatis ng mga susunod na leader ng bansa upang matiyak na aarangkada tayo sa katuparan ng ating mga pangarap at hindi na kailan man lumihis pa. Magtiwala po tayo sa tapat na paglilingkod, at sa serbisyong nag-aalab, may prinsipyo at siyempre may liksi.

Bago po ako magtapos: Siyempre isang demokratiko po tayong bansa. Ang nagdedesisyon para sa lahat ay ang nakakarami. Kumpara po n’yo ang lumipas na siyam at kalahating taon na iba ang “naglilingkod” raw sa inyo. Ikumpara n’yo sa halos dalawang taon, walong buwan nating paglilingkod. Isipin po n’yo ang mga dumating na at parating pa na tulong sa buhay po n’yo. Bakit magagawa namin sa dalawa’t humigit-kumulang kalahating taon at hindi magawa ng pinalitan namin sa siyam at kalahating taon? [Applause] Kayo ho ang magsasabi, mas maliwanag na ba ang kinabukasan natin dahil nasa tuwid na daan na tayo, o hindi? Husgahan n’yo kami; makikita natin sa Mayo.

Magandang araw po sa lahat. Maraming salamat po sa inyo.


Share on social media