Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa kanyang pakikipagpulong sa mga punong lokal ng Cagayan de Oro City

[Inihayag sa Lungsod ng Cagayan de Oro, Misamis Oriental, noong February 26, 2013]

Magandang hapon. Maupo ho tayong lahat.

Secretary Jun Abaya; Senator Frank Drilon; siyempre ang pinagpipitaganang Governor Oca Moreno; Vice Governor Norris Babiera; former Vice Mayor Wayne Militante; Representative Peter Unabia; Board Member Dr. Jesus Jardin; former Representative Klarex Uy; Representative Mel Sarmiento; atin pong Team PNoy senatorial candidates, local leaders of Cagayan de Oro City and Misamis Oriental; local leaders from Camiguin; fellow workers in government; mga pinalangga kong kaigsuonan:

Maayong hapon sa kaninyong tanan. [Applause]

Nagpaturo ho ako kay kasamang Oca ng kaunting Cebuano. Sabi ko, pakituro pati ‘yung punto. Alam naman po n’yo ‘yong Kapampangan nadadagdagan at nababawasan ‘yung alpabeto.

So may sinabi po ako sa kanya, trinanslate [translate] niya; pinilit ko pong matutunan. Kung tama po ang sasabihin ko, galing po kay Oca ito; kung mali po, ako nagkamali. At batiin ko rin po ‘yung nandiyan sa kaliwa ko, kumusta kayo diyan?

Maraming salamat sa pakikisama n’yo. Dadaanan ko ho kayo mamaya. So ito po ‘yung pinagpraktisan namin:

Kadtong ni aging kampanya, nakahinumdumong… mukhang tama, ulitin ko lang ‘yong huling parte ha… nakahinumdumong na ingon ko, daghan diay guwapa diri sa Misamis Oriental. [Cheers and applause] Pero karon, mas nisamot kadaghan ang mga guwapa diri sa inyo. [Cheers and applause]

Tapos siyempre nasa Cagayan ho tayo, may naalala rin ako rito:

Sa dagyud mubisita diri sa Cagayan de Oro, labian ang inyong Slurs Chicharon. [Laughter and applause]

Hindi ho ako nagpaparinig, kung may ipapabaon ho kayo sa akin, okay lang ho. Kung wala naman, okay na rin ho.

Alam ho n’yo, sa init ng pagtanaggap ninyo talaga naman hong nawawala ang lahat ng pagod. Kagabi ho, ginawa namin ‘yung statement tungkol sa nangyayari sa Sabah. Inabot kami ng 1:30 ng umaga. Pagkatapos po n’on, nag-report sa atin si Governor Hataman sa kanyang pakikipagpulong sa mga Kiram at nag-report po siya nang lampas alas-dos ng madaling araw.

Nang natapos ko po lahat ‘yan ay halos alas-tres na po. Bumangon tayo ng alas-siete para ma-deliver ‘yung statement at tumungo sa inyo dito sa Cagayan de Oro; mabisita ang lahat ng mga proyektong ginagawa natin lalong-lalo na po, ano, ‘yung Laguindingan Airport at saka po ‘yung kanina, ‘yung Xavier Ecoville na pinaglipatan ng mga nasalanta ng bagyong Sendong. [applause]

So, sabi ko nga ho kanina, walang almusal, okay na ‘yon. Walang tulog? Okay rin ‘yon. Nakaharap ko naman kayo; talagang ang init ng pagsalubong ninyo—tabla-tabla na po ‘to talaga. [Cheers and applause] Kung may sama ho ako ng loob, sayang hindi ako kandidato ngayon. Pero mayroon ho akong mga kakampi, baka puwede naman n’yo silang iboto na lang.

Naalala ko tuloy noongg araw, noong Martial Law pa, may isang probinsya po sa Cebu. May dumating na dating senador, tumutulong gumising ng taumbayan para labanan ‘yung diktdadurya. Pagdating po niya doon sa plaza, ang dinatnan niyang tao tatatlo na lang. Sabi niya, “Magsasalita pa ba ako, tatatlo na lang ‘yung natira?” Sabi ho sa kanya ng emcee, “Alam ho n’yo ‘yong tatlong ‘yan kanina pa nandito. Mukhang hindi pa ho kumbinsido. Mag-talumpati po kayo.” So imbes na kinausap niya, pumunta sa entablado, kinuha ‘yung mic. Nagtalumpati gamit ang mic sa tatlong tao. Kalagitnaan ‘nung talumpati may tumayo, umalis ng plaza. Lumingon siya sa emcee, ang tinanong niya, “Itutuloy ko pa ba?”

“Palagay ko ho dapat ituloy n’yo. Mukhang may nakumbinsi na tayong isa. Dalawa na lang ang kulang.”

Matatapos na raw ho ‘yong talumpati, tumayo na naman ‘yung isa. Iisa na lang ang naiwan sa plaza. Lingon na naman siya. Sabi ng emcee, “Ang galing ho n’yong talaga! Lahat ng naunang nagsalita sa inyo, hindi nakuhang makumbinsi ang dalawang ‘yan, kayo lang pala ang hinihintay. Ituloy na n’yo, baka makuha pa natin ‘yung pangatlo, siento porsyento na tayo dito.”

Natapos po ang talumpati, nilapitan niya at sinabi niya, “Salamat, pinakinggan mo ako. Siguro naman ngayon kumbinsido ka na.” Ang sagot sa kanya, “Alam po n’yo, bago pa kayo dumating kumbinsido na po ako. Sa katunayan, ‘yang sound system na ginagamit n’yo, akin po ‘yan; ipinahiram ko. Ngayon natapos kayo, iuuwi ko na po ‘yung sound system ko.” [Laughter]

Pero kayong ngayo’y nandito, para hong kumbinsido na kayo; baka ‘pag nagsalita ako, baka mabawasan pa. Pero nandito na rin ho tayo, bigyan ho ninyo ako ng ilang mga sandali ng inyo pong buhay.

Hindi na po maaalis ang pagkabilib ko sa inyo dito ho sa Cagayan de Oro at sa buong Misamis Oriental. Sa Cagayan de Oro, gaano man po kasi katindi ang mga pinagdaanang pagsubok ng mga Kagay-anon, kailanman ay hindi kayo nagpadaig sa mga ito. Nangibabaw pa rin ang tibay at determinasyon ninyong bumangon bilang isang komunidad, at sama-samang humakbang tungo sa malawakang pag-unlad.

Kaya nga po kapag ako ang binabagyo ng mga araw-araw na problema sa akin pong trabaho, lagi ko pong iniisip ang mga Kagay-anon na nagagawang bumangon sa kabila ng mga unos. Mabuhay po kayong lahat! [Applause]

Kung nagagawa ninyong bumangon at umahon mula sa bawat pagsubok, kailangan ko ring tapatan ang inyong tibay. Sa inyo gihapon, akong mga boss, nagagikan ang akong kusog.

(Mukha hong mali nang kaunti ‘yon. Oca, practice tayo ulit mamaya.)

[Laughter]

Ang sabi ko nga po, iba talaga ang nagagawa ng pagbabayanihan. Iba talaga kapag ang bawat isa, handang tumindig at ialay ang sariling balikat para iangat ang kapwa at lipunan.

Nang pumunta po tayo dito sa Cagayan de Oro noong Disyembre ng 2011, nagbitiw po tayo ng salita: Tutukoy tayo ng mga ligtas na lugar, at magpapatayo ng mga tahanang mapaglilipatan ng mga kababayan nating nasalanta ng bagyong Sendong. At ang pangako pong ito, mula noon, ay puspusan nating isinasakongkreto.

Enero po ng 2012, o halos isang buwan ang lumipas matapos si Sendong, agad tayong bumalik ng Misamis Oriental at Lanao del Norte kung saan natukoy, at personal nating pinuntahan ang tatlong relocation sites. Pagdating po ng Abril, matapos lang ang tatlong buwan, nakapamahagi na tayo ng limandaang housing units sa Calaanan Phase III.

Suma-total po, mayroon na tayong labinlimang resettlement sites dito sa Cagayan de Oro City. At sa mahigit 8,000 housing units na target natin, nasa 3,700 na ang naipatayo, at 3,600 naman dito ay tinitirhan na. Habang nagsasalita po tayo ngayon, mahigit isanlibo pang tahanan ang ipinapatayo, at mahigit tatlong libo pa, ang nakaplano nang makumpleto.

Kung tutuusin, puwede pang mapaspas ang paghahanap ng mga malilipatang lupa. Pero natuto na po tayo sa nakaraan. Sinisiguro po natin, sa pangunguna ng Mines and Geosciences Bureau, na ligtas at malayo sa peligro ang mga lugar na titirhan. Pagkatapos po nating magpatayo ng bahay, ‘di naman puwedeng babay (bye) na—‘di puwedeng goodbye na sa inyo—tinitiyak din nating maitataguyod ang kaunlaran sa mga bagong komunidad.

Kaya sa pangunguna po ng DSWD, sinusuportahan natin ang edukasyon, kalusugan, at kabuhayan ng mga pamilya sa pamamagitan ng Core Shelter Assistance Program, SEA-K Program, at Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Hindi ko naman po maiwasang maisip: ang dami sanang nailayo sa kapahamakan, kung noon pa lang, nailipat na sa ligtas na lugar ang mga kababayan nating nakatira sa danger areas. [Applause] Kailangan po nating magbalik-tanaw para matuto ng mga tamang leksyon. Tingnan na lang po natin ang kaso sa Isla de Oro.

Alam na nga ng kinauukulang napapalibutan ng ilog ang lupa, bakit hinayaan pa rin nilang may magtayo ng bahay doon? Matanong lang po: Kapag tumaas ba ang tubig, kusa ring umaangat ang lupa, at wala nang masasalanta? Kahit pa po may magmamatigas ng ulong residente na magtirik ng tirahan doon, ‘di ba’t tungkulin ng mga opisyal na bantayan sila at siguruhing nasa mabuti silang kalagayan? [Applause]

Ang lumalabas pa po ay parang hindi man lang ito ipinaglaban ng kinauukulan. Balita ko nga po’y nag-engganyo pang manirahan doon sa Isla de Oro kung saan peligroso ang buhay. Kaya noong unang pagdalaw po natin, tayo na po mismo ang umaksyon.

Ngayon, sa pangunguna ng PNP ng Cagayan de Oro at ng DILG, mariin na nating ipinagbabawal at binabantayan ang pagbabalik at pagtatayo ng bahay sa Isla de Oro. Bukod po sa paglilikas sa mga kababayan natin sa mas ligtas na lugar, patuloy pa nating pinapatibay ang mga kakayahan ng bansang tumugon sa kalamidad.

Kanina lang po, personal kong binusisi ang Cagayan de Oro River Basin Flood Control Project.

Naalala ko po tuloy noong bata ako, binigyan ako ng kotse ng tatay ko, Martial Law pa po noon, noong 1978 dahil ako po’y 18-anyos na. Pero 1972 pa pong ginagamit ng pamilya namin ang binigay na kotseng ito. Nang minaneho ko po, at maramdaman ang nipis ng gulong, nag-ipon po tayo ng ating allowance at pinapalitan po natin ang gulong. Nang magkapera po tayo ulit, balik na naman tayo sa casa, ‘yung muffler naman po ang tinagpi at inayos nila. Nagtuloy-tuloy ang paisa-isang pagpapalit ng mga parte ng kotseng iyon, at ‘di ko na po namalayan, ang laki na pala ng kabuuang gastos ko. Ang sabi ko po, kung naiplano ko lang, at isang bagsak ang naipagawang kotse, nakamura na ako dito at nakatipid pa ng oras.

Hindi po natin hahayaang maging ganito ang kuwento sa pagpapagawa ng ating flood control and management project: imbes na tagpi-tagpi at panakanaka, at pa-cute lang ang gagawin natin, sabay-sabay at nakaangkla sa iisang plano ang pagpapatayo ng ating mga imprastraktura para sa baha. Mula Revetment at River Dike hanggang Channel Excavation, tuloy-tuloy ang konstruksyon ng mga pasilidad na magsisigurong bago pa rumagasa ay kontrolado na natin ang daloy ng tubig-baha sa komunidad.

Alam po ninyo, ito pong librong ito, sabi ko, “Pahiram nga ng accomplishments ng DPWH dito po sa inyong lugar.” So ibinigay po sa akin ang sunud-sunod na pahina. Sabi ko, “Hindi. Ang kailangan ko lang ‘yong major.” Ito na raw po ‘yong summary ng major. Kaya ‘yong ating regional director yata dito mukhang masipag at mukhang maganda ang ginagawa. Maaalala ko ‘yan.

Malawak po talaga ang potensyal sa kaunlaran ng Misamis Oriental, lalo na po sa turismo. Kaya naman, excited na po tayo sa pagbubukas ng bago ninyong Laguindingan Airport sa 2014. Pinuna po ako ng ating Secretary of Transportation and Communications, lumampas raw ako ng isang taon—sa pagbubukas sa 2013, April 30. April 30, 2013.

Ito po ang maghahatid sa mga turistang nais bumisita sa isla ng Camiguin o dito po sa inyo mismo sa Cagayan de Oro, at sa Iligan rin. Sa bagong paliparang ito, tinataya po nating malampasan pa ninyo ang mahigit 460,000 na tourist arrivals ng lungsod noong 2011, at maaabot ninyo ang 2.58 million na foreign and domestic tourist arrivals bago matapos ang 2016.

Kanina po’y ipinaalala sa atin ng butihing kasamang Oca na itong proyekto raw po na ito nag-umpisa noong 1988 sa pangunguna pa ho ng ating ina. Buti na lang po nabigyan niyo ako ng mandato, ‘yong anak na po niya ang magtatapos nito at within two months po ay magagamit na n’yong lahat ‘to.

Sa huli po, ang gusto natin po kapag may turistang bumisita dito sa inyo, ang mga ‘di-malilimutang karanasan lang nila sa white-water rafting, river trekking, at sa inyong Kagay-an Festival ang kanilang maikukuwento, at hindi ang pahirapang pagbiyahe papunta sa mga tourist destination n’yo.

Kaya naman, pagiginhawain pa natin ang mga biyahe sa pamamagitan ng mga proyektong tulay at kalsada. Sa Butuan City-Cagayan de Oro City-Iligan Road Project, ang dati pong two lanes, dodoblehin natin sa four lanes, at sasamahan pa natin ng pagpapagawa ng limang tulay. Mapapadali po nito ang pagpunta sa Laguindingan Airport.

Kapag naman natapos na ang konstruksyon ng Misamis Oriental-Bukidnon Bypass Road, ang dati pong dalawang oras na biyahe mula at papuntang Misamis Oriental at Bukidnon ay makakaltasan na ng isang oras. Sa mga proyekto pong ito na magpapasuwabe sa daloy ng transportasyon, tiyak ko pong aapaw din ang dami ng turistang dadagsa rito, at higit pang magpapaunlad sa kalakhang Mindanao. [Applause]

Wala pa nga po tayo sa kalahating yugto ng ating termino, pero napipitas na natin ang mga bunga ng ating inisyatiba. Magbibigay po ako ng ilang halimbawa dahil sa tuwid na pamamahala. Unang-una po, naabot ng BIR—sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng kawanihan—ang isang trilyong pisong koleksyon ng buwis. Dahil naman sa pakikiisa ng sambayanan, napunan na natin ang kakulangan sa aklat at upuan ng ating mga paaralan; napipinto na ring mapunan o mapunuan ang backlog natin sa classrooms bago matapos ang taong ito. At dahil sa tiwala sa isa’t isa, napagkasunduan na ng MILF at ng pamahalaan ang Framework Agreement on the Bangsamoro, na inaasahan nating magiging susi sa ganap na kapayapaan sa Mindanao.

Ang gusto ko pong sabihin: Lahat po ng mga tagumpay na ito, dahil po ito sa inyong lahat. Kayong mga mamamayang nakikiisa sa tuwid na daan, kayong humihindi sa mali, at ipinaglalaban ang tama—Kamo mismo ang nagbuhat ni-ini. Daghang salamat kaninyong tanan.

Dito po tayo dinadala ng mabuting pamamahala. Dalawang taon at walong buwan pa lamang nakalipas, pero nakikita na natin ang laki ng ipinagbago ng Pilipinas. Isipin na lang po natin: Paano kaya, kung mula 2001 hanggang 2010, sa kapakanan na ng taumbayan nakatutok ang pamahalaan at hindi sa pagkapit sa kapangyarihan?

Paano kaya kung hindi hinayaang mabulok ng dating namamahala ang tone-toneladang bigas sa bodega na walang-katuturang inaangkat noon? Paano kaya kung napigilan ang pagpapamudmod ng scholarship vouchers ng dating namumuno ng TESDA, na nag-iwan sa atin ng 2.4 billion pesos na utang, para lang magpapogi? Paano kaya kung natuloy ang paglalaro ng putik ng dating administrasyon sa Laguna Lake Dredging Project, kung saan ibabaon tayo sa utang na 18.7 billion pesos?

Kung tutuusin nga po, triple ang panahon ng sinundan nating administrasyon para paunlarin ang ating bansa, pero parang nauwi lamang ang lahat sa wala. Ninakawan na ang sambayanan ng siyam na taon, pinamanahan pa tayo ng kaliwa’t kanang problema, kasama na ang lahat ng utang at sakit ng ulo.

Hindi na po natin maibabalik ang nakalipas, pero ‘di ba’t may silbi rin ang pagtanaw sa mga pagkakamali ng nakaraan, para mapagbuti ang sama-sama nating pagkilos sa ngayon at sa darating pang panahon?

Full force po ang mga kakampi natin sa tuwid na daan dito sa Misamis Oriental para siguruhing tuloy-tuloy ang progreso at nasa tamang direksyon ang inyong probinsya. Sana nga po hindi kayo malito pagdating ng Mayo. Hindi po kasi magtatagal, mayor na ang itatawag ninyo kay Governor Oca Moreno. [Applause]

Hindi ko naman ho nakasama si Oca kahapon lamang. Nakasama ko po siya sa Kongreso. Noong ako po’y tumakbo bilang senador na nasa oposisyon, siya po ay wala sa oposisyon pero hindi ho nag-atubiling tumulong sa atin. At, hanggang sa kasalukuyan, tuloy-tuloy po ang pagtulong niya.

Subok na po talaga sa serbisyo si Gov. Oca. Noong panahon niya sa kongreso, baka napanood niyo po siya sa paglilitis kay dating Pangulong Joseph Estrada. ‘Wag po sanang mamasamain ng ibang miyembro ng prosecution panel noon—pero sa akin po, isa si Governor Oca sa pinakamagaling, pinakakumpleto, at pinakamaliwanag na naglatag sa taumbayan ng testigo’t ebidensya sa kaso. Malaki po talaga ang kontribusyon niya sa buong bansa.

Dito naman sa inyong probinsya, dalawang beses niya nang naipanalo ng Galing Pook award ang Misamis Oriental—noong 2010, sa inobasyon ng inyong mga pampublikong ospital; at nitong 2011, nang mapatayuan ng mga kalsada’t daan ang Sitio Lantad, sa Barangay Kibanban, Balingasag—at matanglawan ng kapayapaan at kaunlaran ang lalawigan. Napakasuwerte nga naman po ng Cagayan de Oro City, ngayong sa lungsod niyo na tututok si Gov. Oca.

Handang-handa na rin pong maglingkod ang iba pa nating kasamahan: sina Vice Governor Norris Babiera para Gobernador; si Stella Marie Guingona para Mayor ng Ginoog City; si Mayor Alfredo Tan para Mayor sa El Salvador City; si Peter Unabia para sa 1st District; si Rolando Uy para sa District 1 ng Cagayan de Oro City; si Jesus Jardin ng District 2. Sila po ang titiyak na higit pang yayabong ang mga industriya ninyo sa agrikultura, kalakal, at turismo; sila ang magsisiguro sa pag-asenso ng mga taga-Misamis Oriental.

Alam po ninyo, noong nasa Laguindingan Airport kami, marami pong ikinukwento ang ating kasamang Oca. At sabi nga ho niya, “Inumpisahan ito ng inyong ina noong 1988, inabot tayo ng 25 years—25 years, isang henerasyon—para maging totoo.” Pero ang galing ho talaga ng inyong kasama at ating kaibigang si Oca. Hindi pa natin nai-inaugurate dahil April 30 pa ho ‘yon, sabi niya kulang na raw po ‘yung inyong terminal dahil nahigitan na ‘yung inyong 1.6 million holding capacity nitong terminal na ito. Kulang na rin po ‘yung kanyang tarmac ng ilang daang metro para pati 747 ay maka-landing na diyan. Sabi ko, “Bilib ako sa iyo talaga. Iinagurahan pa lang natin, kulang na.” Dahil nga ho ‘yong pigura ng 1988 at ngayon pong 2013 ay magkaiba na. Idagdag ko lang ho sa balita: Bakit ho importante ang turismo sa atin?

Tinataya bawat turistang banyagang dumating sa Pilipinas, nagbibigay ng isang trabaho sa ‘ting kababayan. ‘Yung dinatnan po nating numero, three million foreign tourist arrivals. Last year po, umabot na tayo ng 4.3 million foreign tourist arrivals. Sa 2016 po ‘pag paalam ko sa inyo, inaaasahan natin ten million tourist arrivals per year na po. [Applause]

Mas mabigat po ‘yung domestic tourist arrivals. Ang target po natin ng 2016 ay 35.5 million domestic tourists. Ang problema po, noong 2011 pa lang—hindi pa ho 2016—ay 37.5 million domestic tourist na po tayo. Sa madaling salita, mababa po ‘yung target. Ang bagong target po natin 56.1 million domestic tourists. At handang-handa na kayong tumanggap ng mga turistang ‘yan.

Sa darating pong halalan, masusubok muli ang paninindigan ng mga Kagay-anon na makiisa sa pagtitimon natin ng bansa sa tuwid at tamang direksyon. Marami na po tayong napagtagumpayan sa nagdaang mga taon, at nasa mga kamay po nating muli ang pagkakataon upang ipagpatuloy ang mga ito—sa pagsuporta sa Team PNoy sa Senado, at sa mga katuwang natin sa tuwid na daan sa inyo pong lokal na pamahalaan.

Tiwala naman po ako, hindi tayo iiwan ng mga kababayan natin sa Misamis Oriental, at kasama ko kayo hanggang sa huling hakbang ng labang ito. Tara na sa katumanan sa atong mga gipangandoy. Pagbalik ko ho mas dire-diretso na ‘yung salita ko. [Laughter]

Mga kasamahan, siguro ho dapat nating tandaan, parang ang ginagawa natin ‘yung konsepto o ‘yung litrato ng bayanihan noong araw. Ano ho ba ‘yung picture natin ‘pag sinabing bayanihan? May bahay kubo, kailangan ilipat ng ibang lugar, tama ho? Kung ang komunidad nagtutulung-tulungan, ibinabalikat ‘yung bahay kubo, ililipat sa mas tamang lugar; natural ho kung sabay-sabay tayong bumuhat, sabay-sabay tayong humakbang, mabilis nating magagawa ‘yung ating pakay.

Ang problema lang ho, eto nga ho’y kakaibang eleksyon. Wala raw ho yatang oposisyon, lahat ay kakampi maski papaano ng administrasyon—pati na ‘yung tumuligsa sa akin mula noong hindi pa ako naupo hanggang sa kasalukuyan, kakampi ko raw pala siya. Ang tanong ko lang po sa inyo, dito po sa Team PNoy ang liwanag: 40 ang pinagpilian, ito ang 12 napili na talagang magpapatuloy—dahil six years po ang term nila, ako po three years na lang ang natitira, lampas pa ng termino ko.

Natural ho ambisyon natin. ‘Yung napagtulungan natin, huwag naman pansamantala. Kailangan ho ‘pag wala na tayo sa eksena tuloy-tuloy pa rin ang nangyayari. Ito pong 12 nating kasama, sigurado ako papasanin ‘yang bahay kubo kung ‘yan ang ating bansa at dadalhin sa mas tamang lugar. ‘Yung mga iba po, kinakabahan ako nang kaunti. Baka naman imbes na pumasan ay pumasok pa sa loob ng bahay kubo habang nililipat natin. Baka naman imbes na humakbang kasama natin, baka naman itali tayo sa kung saang poste, hindi na tayo humakbang.

Tatlong taon at apat na buwan na lang po ang natitira sa termino natin. Puwedeng mapapaspas pa ang nagawa na natin; puwede rin naman pong bumagal. Siyempre, kayo ang sinasandalan ko. Kayo ang magsasabi gaano katulin ‘yong ating pagbabago.

Kanina po, nagulat lang ako, sabi sa akin, ang PhilHealth raw dito sa Cagayan de Oro—Nagtataka ako, nang tinanong, “Ilan ang miyembro ng PhilHealth?” Parang iilan ang pumalakpak. Muntik ko nang tinawagan tuloy si Secretary Ike Ona ng DOH dahil ang commitment niya sa akin, sa ngayon po, ang dinatnan nating PhilHealth membership, 63 percent. Itong araw na ito dapat 86 percent na, pero noong kakaunti ang pumalakpak na miyembro ba kayo ng PhilHealth, nag-aalala ako. ‘Yung 14 percent ba dito lahat nakatira sa Cagayan de Oro? Kayo na lang ho ba ang hindi nae-enrol sa PhilHealth?

Ang pagkasabi ho sa akin, informal settler na lang hinahanap natin para mabuo ang universal health coverage ni Loren. So nasa sa inyo po ‘yan mga kapatid. Hindi na ho kami mangangako, may pruweba na kayong nakita. Kayo na ang magsabi, doon ba tayo sa dating kalakaran o sa kasalukuyang umiiral sa ating bansa?

Siyempre, bago po ako magtapos, banggitin ko lang po ‘yung ating lahat na mga kandidato—baka maligaw ho kayo e, masigurado lang natin. Sa Team PNoy po, pinangunguhan ni Sonny Angara. Si Sonny po ay wala rito, syempre, nandito po ang pinakamamahal niyang si Tootsie. Tinanong kanina ni Tootsie, lahat kayo dito’y may mga nobyo o nobya; ako ho’y nagtaas ng kamay, ako po’y wala pa. Pero sigurado ako sa pinakita ni Sonny noong magkasama kami sa Kongreso, at pinakita po niya sa kasalukuyan, at ang aking tinatayang gagawin niya sa hinaharap, palagay ko kaya kong sabihin sa inyo nang nakatingin sa mata n’yo talagang gagara ang inyong buhay kay Sonny Angara.

‘Yung pangalawa po ‘yong nakakatanda sa aming angkan, si Bam Aquino. Nakita naman po ninyo ‘yong mga poster niya, tingnan na lang ho ninyo. Ikumpara na lang ninyo sa buhok kung sino ang mas matanda sa amin. [Laughter] Pero pasensya na po kayo, kailangan ko namang ipagmalaki rin ‘yung nagawa ng aking pinsan. Siya po ay nag-graduate na mataas ang gradong nakuha, Summa Cum Laude po ‘yan, sa Ateneo, at ang kurso po niya hindi patakbuhing kurso: Management Engineering. ‘Yong Management Engineering po, ‘pag nag-graduate ka ng kursong ‘yan pinag-aagawan ka ng mga dambuhalang kumpanya.

Sa madaling salita po, Management Engineering ka na, Summa Cum Laude ka pa, mamili ka na kung saan mo gustong magtrabaho. Pero ang pinili po ni Bam, dahil nga namulat ang kaisipan niya noong pinaslang po ang aking Ama, kasama na naming nanggiging siya noong mga eight years old pa lang siya—e hindi yata sulit ang buhay niya kung sa korporasyon magtatrabaho. Pumasok po siya sa pagtutulong ng mga kapatid natin sa pagnenegosyo sa mga bagay tulad ng microfinance. Kaya naghahanap po tayo ng magpapatuloy lampas ng 2016, huwag po nating kalimutan si Bam Aquino.

Si Risa Hontiveros po kasama natin ngayon. Kilala po ninyo si Risa, nag-umpisa rin sa media, ‘di po ba? Matalino, maganda, mabait—lahat po ng M na kay Risa na. Pati ‘yong magaling magluto nandoon rin; ‘yong matinding makipaglaban sa karapatan ng babae, nandoon rin ho ‘yan. Pero, siguro tingnan natin—sa amin may kasabihan sa Tagalog e: Para makita ang paroroonan natin, tingnan ang pinanggalingan. Anong pinanggalingan niya? Puwede ho siyang namili ng komportableng buhay sa harap ng mga camera—sa kanya pong mga news programs, kung natatandaan ninyo. Pero hindi niya maatim na parang kulang ‘yung ginagawa niya noon. Kailangang mas diretsuhang makihalubilo doon sa mga naapi sa ating mga kababayan.

Namili siya: nawala ‘yung komportableng buhay doon, pumunta sa isang buhay na mas maraming pakikibaka at hindi nagsasawa. Kaya po kung mayroong taong may karapatan at dapat ihalal sa Senado, Risa Hontiveros po ang kanyang ngalan.

Si Loren Legarda. Alam ninyo ang problema ko kay Loren, kung anuman ang sasabihin ko alam na n’yo. Hindi naman ho nahalal nang paulit-ulit na number one si Loren kung walang pruweba at kung hindi dahil magaling, tama po ba? Ngayon po, baka naman isipin natin pagdating ng halalan, “Ihuli ko na si Loren, number one ‘yan e.” Baka ‘pag natapos kayo, lumabas kayo ng presinto, “Si Loren nakaligtaan ko!” Huwag naman po. Kung tumutoo si Loren sa inyo sa lahat ng termino niya sa Senado ay huwag nating kalimutan naman. Kailangan niya ang inyong mandato sa darating na halalan. Loren Legarda po, huwag nating kakaligtaan.

Kasama nating Jamby Madrigal, talagang diretso po sa salita, diretso po sa gawa. Hindi ho mapalabok magsalita; ‘pag mayroong ipinaglalaban, dire-diretso at saka buong sigasig niyang—kung kailangan sagasaan, sinasagaan. Kung kailangan natin ng tagapaglaban para sa ating mga karapatan, kung kailangan natin ng handang making sa ating mga daing, si Jamby Madrigal po ang atin pong ihalal.

Si Grace Poe-Llamanzares. Grace Poe, para simple, tandaan na lang ninyo: pinakamagalang na kandidato ng Team PNoy. Araw-araw nababanggit natin ‘pag may kausap tayong nakakatanda. “Salamat Poe. Magandang hapon Poe.” [Laughter] Pero importante ito: si Grace ho, inatasan nating maging hepe ng MRTRCB. Sa MTRCB po, siyempre kahalubilo niya doon puro mga artist. ‘Pag artist po, siyempre, puno ng damdamin parati ‘yan [sa] pakikipag-usap. Kung may natitira pa ho akong buhok sa aking bunbunan [ay] dahil hinarap at inasikaso nang maayos ni Grace Poe ang mabigat na larangan ng MTRCB. Masaya ang kanyang mga stakeholders at noong tinanong niya, gusto ko ba siyang tumakbo? Ang sagot ko sa kanya, “Grace, kung manatili ka sa puwesto mo, malaki ang pasasalamat ko. Kung pupunta ka sa Senado, sigurado ako malaki ang mako-contribute mo sa ating bansa.” Pero may kasabihan ang mga Amerikano: Kung gusto mong makabawi, engganyuhin mo ang isang tao na pumasok sa pulitika. Wala naman akong sama ng loob sa’yo. Pero kung palagay mo ‘yan ang tamang direksyon mo, asahan mong nasa likod mo ako. Kaya ako po, isa sa mga ilalagay ko sa balota ko: Grace Poe dahil naniniwala po akong totoo siyang taong magtatanggol sa atin.

Si Manong Jun Magsaysay. Ang dami ho nating masasabi sa kanya, pero siguro po isa na lang para makita natin ‘yung pagkatao. Siya po ang talagang nagbigay laman doon sa fertilizer scam. Noong inimbestigahan ang programang tutulong sa magsasaka, ginawang gatasan. Eh hindi naman po sila nangangalabaw at hindi sila nagbabaka, ginawang gatasan ‘yong proyektong ‘yon. Sino ho ang nagtiyagang bumusisi para malaman natin ‘yong katiwaliang ginawa  para mahinto at hindi na maulit? Jun Magsaysay po ang ngalan. Ibig sabihin po n’on, simpleng-simple lang, puwede siyang nanahimik, nagpapogi sa administrasyon. Pero maliwanag sa kanya ang boss niya ay ang taumbayan at hindi ‘yong nakaupo sa Malacañang. Pagtototoo sa kanyang panunumpang paglilingkuran ang sambayanan, sinugod niya at hinamon ang administrasyon para lang ipaglaban ang karapatan ng atin pong mga magsasaka. Kaya naman po hindi lang pangako, may pruweba, ipinakita na sa atin paulit-ulit, at maraming batas na kanya pong inumpisahan at naging—naisabatas, Jun Magsaysay po, talagang karapat-dapat sa Senado.

Si Sonny Trillanes. Siguro kasabay ko pong tumakbo, 2007. Nangampanya siya sa loob ng selda. Noong naging senador, nandoon pa rin sa piitan, naghi-hearing sa piitan. Maski anong beses po, puwede na siyang nagsabi, “Surrender.” Pinakawalan na lang siya. Pero ‘pag ginawa niya ‘yon, parang naglinlang siya sa mga taong nagbigay sa kanya ng mandato. Pinanindigan po niya, tiniis niya ang paghihirap. Siguro naman po wala na tayong dapat idagdag sa nagawa na ni Sonny Trillanes para makita niyong karapat-dapat din siya sa Senado.

Si Alan Cayetano. Alam naman po ninyo ‘yong Compañero natin. Kasamahan ko po nang tatlong termino sa Kongreso. Mamili na kayo ng pakikibaka sa nakaraang administrasyon, nandoon siya sa pangunguna. Siguro ho, tulad ni Loren, ‘pag nagdagdag pa ho tayo baka naman sobra na. Alam kong tandang-tanda n’yo si Alan Peter Cayetano para sa Senado.

Ang kumpare po nating Chiz Escudero. Tulad ni Alan, kasamahan ko rin nang tatlong termino sa Kongreso, tatlong taon sa Senado. Siya na rin po marami nang naipakita, marami nang beses ipinakita ang pagtototoo sa kanyang mga ipinangako sa sambayanan. Dapat pong ibalik natin sa Senado. Alam po ninyong may “Heart” siya para sa inyong lahat, si Chiz Escudero po, huwag nating kaligtaan.

Kay Cynthia Villar. Para maalala natin simpleng-simple: Hanep ang hanapbuhay, kasama si Ma’am Cynthia. Tumayong parang ina namin noong bago kaming mga kongresista. Alam ko pong aarugain niya tayong lahat tungo sa isang mas maunlad pang kabuhayan. Kaya po, Cynthia Villar, huwag natin rin pong kalimutan.

May kasabihan po sa bibliya, “He who is first shall be last and he who is last shall be first.” Baka naman akalain ninyo nakalimutan ko ang favorite son n’yo—hindi po. Si Koko Pimentel. Ang ipagdidiinan ko na lang po kay Koko—huwag na nating banggitin, tatay niya si Nene, nanay po niya si Bing. Mula pa noong Martial Law nagpakita na ng gilas. Ang importante na lang ho siguro, isang bagay: 2007 kasama naming tumakbo. Alam natin ngayon na siya ang nanalo. Hindi pinaupo nang pagkatagal-tagal. Sa anim na taong termino, ang inupo lang niya humigit-kumulang isang taon at tila sampung buwan. Wala man hong lang kalahati ng termino niya na ipinagkaloob n’yo ang nagamit niya.

Noong 2010, walang halalan, pwede siyang tumakbo bilang senador ulit, bilang ibang puwesto pa, at malamang nanalo siya. May tinatawag na “sympathy vote,” puwera pa doon sa kanyang kakayahan. Pero importante sa kanya: may mandatong ibinigay ang taumbayan sa kanya. Mayroong pagkaganda-gandang hinandog ang sambayanan sa kanyang dapat ipaglaban. Sakripisyo ang sarili para ipaglaban ‘yong katotohanan at ‘yong tama. Hindi na ho propaganda ito. Talagang ipinakita na natin si Koko na talagang kayo ang Boss niya at talaga naman pong susunod sa inyo pong utos. ‘Yan ang kailangan natin, siguradong makikibuhat ng bahay kubo at hindi sasakay sa loob ng bahay kubo habang binubuhat nating lahat. Koko Pimentel po.

Pagtatapos po—sorry napahaba po. Na-miss ko lang kayong lahat e. Huwag po nating kalimutan: Ang boto natin talaga importante. Ito, kumbaga po, report card ko. Kayo ang magsasabi sa akin, tama ba ‘yong nagawa natin sa loob ng dalawang taon at walong buwan o mas gusto ba ninyo ‘yong dating nangyayari? Makikita po natin ‘yan kung gaano po katindi ang suporta n’yo doon sa mga tutulong sa—‘yung sa pagsuporta ninyo doon sa tutulong sa aking magbuhat nitong bahay kubong ‘to tungo sa mas maayos at matiwasay na lugar.

Kayo lang po ang lakas ko, kayo ang boss ko, kayo po ang masusunod. Magandang hapon po sa inyong lahat.


Share on social media