Read in English

Ang Ehekutibong Sangay ng Pamahalaan

Ang Pangulo

Ang Pangalawang Pangulo

Ang Gabinete

Ang Lokal na Pamahalaan

_______________________________

Ginagawaran ng Artikulo VII, Seksyon 1 ng 1987 Konstitusyon ng kapangyarihang ehekutibo ang Pangulo ng Pilipinas, na siyang magsisilbing puno ng estado, puno ng pamahalaan, at punong komandante ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Bilang punong tagapagpaganap, pamamahalaan ng Pangulo ng Pilipinas ang lahat ng ehekutibong kagawaran, kawanihan, at tanggapan.

Ang Pangulo ng Pilipinas

Inihahalal ang Pangulo ng Pilipinas sa pamamagitan ng boto ng mga mamamayan para terminong may habang anim na taon. Maaari lamang siyang manilbihan sa loob ng isang termino, at hindi pahihintulutang maihalal muli. Nagsisimula ang termino ng Pangulo ng hapon ng ika-30 araw ng Hunyo pagkatapos isagawa ang eleksyon.

Mga Kuwalipikasyon

Ang mga kuwalipikasyon para sa nagnanais maging Pangulo ng Pilipinas ay nakabalangkas sa Artikulo VII, Seksyon 2 ng 1987 Konstitusyon. Ayon sa konstitusyon, maaaring maging Pangulo ang isang tao kung maabot niya ang mga sumusunod na pamantayan:

  1. likas na ipinanganak na Pilipino;
  2. isang rehistradong botante;
  3. nakababasa at nakasusulat;
  4. 40 taong gulang sa araw ng halalan;
  5. kailangang nakapanirahan sa bansa nang sampung taon bago ang halalan.

Kasaysayan

Mayroon nang 15 Pangulo ng Pilipinas mula nang maitatag ang posisyon noong Enero 23, 1899 sa Republika ng Malolos. Si Pangulong Emilio Aguinaldo ang kauna-unahang humawak ng posisyong ito na tumagal hanggang Marso 23, 1901, nang madakip siya ng mga Amerikano sa kasagsagan ng Digmaang Pilipino-Amerikano.

Binuwag ang Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas pagkatapos madakip si Aguinaldo, at naibalik lamang noong itinatag ang Pamahalaang Komonwelt ng Pilipinas noong 1935.

Matapos ganapin ang kauna-unahang pambansang halalan noong Setyembre 16, 1935, naluklok si Manuel L. Quezon bilang ikalawang Pangulo ng Pilipinas at kauna-unahang Pangulo ng Komonwelt ng Pilipinas. Tatlong terminong nanatili sa posisyon si Pangulong Quezon sapagkat hindi nagsaad ng hangganan sa termino ang 1935 Konstitusyon: Una siyang naihalal noong 1935 para sa anim na taong termino, sa ilalim ng lumang 1935 Konstitusyon; muli siyang naihalal noong 1941 sa ilalim ng bagong amyendahang 1935 Konstitusyon, na pinaikli sa apat na taon ang termino ng Pangulo; at sunod noong 1943 kung kailan kinailangan niyang biglang manumpa sa panunungkulan dahil sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Noong napuwersa ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang Pamahalaang Komonwelt na umalis ng bansa, isang bagong pamahalaan ang itinatag—na kalauna’y kikilalanin bilang Ikalawang Republika ng Pilipinas. Pamumunuan ni Jose P. Laurel ang pamahalaang ito bilang ikatlong Pangulo ng Pilipinas at unang Pangulo ng Ikalawang Republika. Nanatili si Laurel sa panunungkulan mula 1943 hanggang 1944 noong binuwag ang Ikalawang Republika. Sa puntong ito, magsasanib ang Pangulo ng Ikalawang Republika at Pangulo ng Komonwelt.

Muling itinatag ang Pamahalaang Komonwelt noong 1945 kung saan si Pangulong Sergio Osmeña ang nagsilbing ikalawang Pangulo ng Komonwelt at ikaapat na Pangulo ng Pilipinas. Sa Estados Unidos nanumpa sa tungkulin si Osmeña pagkatapos pumanaw ni Pangulong Quezon. Tumakbo si Osmeña sa unang pampanguluhang halalan pagkatapos ng digmaan noong 1946, subalit natalo siya Pangulo ng Senadong si Manuel Roxas.

Naihalal si Pangulong Roxas noong 1946 bilang ikatlong Pangulo ng Komonwelt at ikalimang Pangulo ng Pilipinas. Inihatid niya sa pagwawakas ang Pamahalaang Komonwelt noong Hulyo 4, 1946, at ang pagsilang ng Ikatlong Republika. Nagpatuloy ang termino ni Roxas hanggang sa Ikatlong Republika. Kung kaya, siya ang naging unang Pangulo ng Ikatlong Republika. Susundan si Roxas nina Pangulong Elpidio Quirino, Ramon Magsaysay, Carlos P. Garcia, at Diosdado Macapagal bilang ikalawa, ikatlo, ikaapat, at ikalimang Pangulo ng Ikatlong Republika. Sila rin ang magiging ikaanim, ikapito, ikawalo, at ikasiyam na Pangulo ng Pilipinas, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Si Pangulong Ferdinand E. Marcos ang naging kahuli-hulihang Pangulo ng Ikatlong Republika nang nagdeklara siya ng batas militar noong 1972, at inumpisahan ang Ikaapat na Republika sa gamit ng 1973 Konstitusyon. Si Marcos ang naging kauna-unahang Pangulo ng Ikaapat na Republika at ikasampung Pangulo ng Pilipinas sa kalahatan. Nanatili siya sa posisyon nang 20 taon—ang pinakamatagal na nanungkulang Pangulo ng Pilipinas.

Noong 1986, matagumpay na nailuklok ng Rebolusyong EDSA si Corazon C. Aquino bilang bagong Pangulo ng Pilipinas—ang ika-11 sa kasaysayan ng bansa. Nagsilbi siyang ikalawa at huling Pangulo ng Ikaapat na Republika sa simula ng kanyang termino. Noong tuluyang naipatupad ang 1987 Konstitusyon, winakasan ang Ikaapat na Republika at pinasimulan ang Ikalimang Republika. Kung kaya, si Pangulong Aquino ang naging unang Pangulo ng Ikalimang Republika. Susundan siya nina Pangulong Fidel V. Ramos, Joseph Ejercito Estrada, at Gloria Macapagal-Arroyo bilang ikalawa, ikatlo, at ikaapat na Pangulo ng Ikalimang Republika. Sila rin ang ika-12, ika-13, at ika-14 na Pangulo ng Pilipinas, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Ang kasalukuyang Pangulong si Benigno S. Aquino III, ay ang ikalimang Pangulo ng Ikalimang Republika, at ang ika-15 Pangulo ng Pilipinas.

Mga Kapangyarihan ng Pangulo

Bukod sa konstitusyon, ang mga kapangyarihan ng Pangulo ng Pilipinas ay ispesipikong nakasaad sa Executive Order No. 292, s. 1987, na kilala rin bilang Administrative Code of 1987. Ang mga sumusunod na kapangyarihan ay:

  1. Kapangyarihang pamahalaan ang ehekutibong sangay

Ang Pangulo ay may atas na pamahalaan ang lahat ng ehekutibong kagawaran, kawanihan, at tanggapan. Kasali rito ang pagbabago ng estruktura at paghirang ng mga pinuno para sa mga nabanggit. Inaatasan din ng Administrative Code ang Pangulo na tiyaking mahigpit na ipinatutupad ng mga opisina ang kani-kanilang batas.

  1. Kapangyarihag gumawa ng mga ordinansa

Ang Pangulo ay may kapangyarihang maglabas ng mga lathalaing tagapagpaganap o executive issuances na kasangkapan sa upang maging mas epektibo ang mga patakaran at programa ng administrasyon. May anim na executive issuance na maaaring ilabas ng Pangulo. Ito ang mga sumusunod ayon sa pakahulugan ng Administrative Code of 1987:

Kautusang tagapagpaganap (executive order) — Isinusulong ng executive order ang mga kilos ng Pangulo kung saan nagtatakda siya ng tuntunin, pangkalahatan man o permanente, kung paano ipatutupad ang mga kapangyarihang itinakda ng batas.

Kautusang pampangasiwaan (administrative order) — Upang matupad ng Pangulo ang tungkulin bilang punong administrador, isinusulong ng administrative order ang mga kilos ng Pangulo ukol sa mga partikular na aspekto ng gawaing pampamahalaan.

Proklamasyon (proclamations) — Ang mga kilos ng Pangulong nagsasaayos ng petsa o nagdedeklara ng kalagayang pampubliko, kung saan nakadepende ang pagpapatupad ng isang ispesipikong batas o regulasyon, ay isusulong sa mga proklamasyon na may bisa ng executive order.

Kautusang memorandum (memorandum orders) — Kakatawanin ng mga memorandum order ang mga kilos ng Pangulo hinggil sa mga usaping pang-administratibo, pangnakabababa, o pansamantala lamang, na ukol sa isang partikular na opisyal o tanggapan lamang.

Memorandum sirkular (memorandum circular) — Kakatawanin ng mga memorandum circular ang mga kilos ng Pangulo hinggil sa mga usaping may kinalaman sa panloob na administrasyon, na nais ipabatid ng Pangulo sa lahat o ilang mga kagawaran, ahensya, kawanihan, o tanggapan bilang impormasyon o kautusan.

Panlahatan o tanging atas (general or special orders) — Ilalabas bilang general o special order ang mga kilos at kautusan ng Pangulo bilang punong komandante ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Mahalagang pagtuunan ng pansin na sa termino ni Pangulong Ferdinand E. Marcos, gumamit siya ng mga executive issuance na kilala bilang presidential decrees bilang isang anyo ng paglikha ng mga batas. May kapangyarihan at bisa ng batas ang mga dekretong ito dahil noong mga panahong iyon, walang umiiral na lehislatura, at noong tuluyang binigyang-bisa ang 1973 Konstitusyon, binigyan nito ng gayong kapangyarihan ang Pangulo. Nagpatuloy ito hanggang sa unang taon ng termino ni Pangulong Corazon C. Aquino. Gayumpaman, mayroon lamang bisa ng batas ang mga executive order ni Pangulong Aquino hanggang bago ipinagtibay ang 1987 Konstitusyon.

  1. Kapangyarihan sa mga dayuhan

Ang Pangulo ng Pilipinas ay may kapangyarihan sa mga dayuhang nasa Pilipinas. Ang mga kapangyarihang maaari niyang gamitin sa kanila habang nasa bansa ay ang sumusunod:

  • Maaaring magpaalis ng mga dayuhan mula sa bansa ang punong ehekutibo pagkatapos idaan sa wastong proseso.
  • Maaaring baguhin ng Pangulo ang estado ng isang dayuhan, ayon sa nakasaad sa batas, mula pagiging non-immigrant para maging permanenteng residente nang hindi nangangailangan ng visa.
  • Maaaring ipawalang-bisa ng Pangulo ang desisyon ng Lupon ng mga Komisyoner (Board of Commissioners) ng Kawanihan ng Imigrasyon (Bureau of Immigration) bago ito maging pinal at tuluyang maipatupad (30 araw matapos ang paglalabas ng desisyon). Hawak ng Board of Commissioners ang pasya sa lahat ng kaso ng deportasyon.
  • Inaatasan din ng Administrative Code of 1987 ang Pangulo na gamitin ang kanyang kapangyarihan sang-ayon sa mga prinsipyong katanggap-tanggap sa pandaigdigang batas.
  1. Kapangyarihan ng eminent domain, escheat, pagrereserba ng lupa at pagbawi ng yamang mula sa masama

May kapangyarihan ang Pangulo ng Pilipinas na ipatupad ang prinsipyo ng eminent domain. Sinasabi ng eminent domain na may kapangyarihan ang pamahalaang kunin nang may makatarungang bayad ang pribadong ari-arian para sa pambayang pangangailangan. Gayumpaman, may dalawang probisyon sa konstitusyon na nililimitahan ang paggamit ng naturang kapangyarihan: nakasaad sa Artikulo III, Seksyon 9 (1) ng Konstitusyon na walang sinuman ang pagkakaitan ng kanyang buhay, kalayaan, o ari-arian nang hindi dumaraan sa wastong kaparaanan ng batas. Bukod doon, nakasaad din sa Artikulo III, Seksyon 9 (2) na hindi maaaring kunin ang pribadong ari-arian nang walang makatarungang bayad.

Sa oras na matugunan ang mga nabanggit na kondisyon, maaaring gamitin ng Pangulo ang mga sumusunod na kapangyarihan ng eminent domain:

Kapangyarihan ng eminent doman — Tutukuyin ng Pangulo ang panahong kakailanganin o makabubuting gamitin ang kapangyarihan ng eminent domain sa ngalan ng pamahalaan, at atasan ang solisitor heneral, sa panahong tingin niya’y pinakamainam, na maghain ng pagdinig sa hukuman ukol sa legal na pagkuha ng mga ari-arian.

Kapangyarihang mag-atas ng escheat o pagbabalik ng lupa sa pamahalaan — Aatasan ng Pangulo ang solisitor heneral na magsagawa ng escheat, o pagdinig sa hukuman kung saan ibabalik sa pamahalaan ang pagmamay-ari ng lahat ng lupaing hawak ng mga taong diskuwalipikado sa ilalim ng  konstitusyon na magmay-ari ng lupa.

Kapangyarihang magreserba ng mga lupain mula pampubliko at pampribadong ari-arian

(1) May kapangyarihan ang Pangulong magreserba ng mga lupain mula sa ari-ariang pambayan para sa tirahan o kapakinabangan ng publiko at iba pang mga ispesipikong gamit, ayon sa pahintulot ng batas. Pagkatapos noon, mananatiling nasa ilalim ng mga ispesipikong gamit para sa publiko ang nireserbang lupain, hangga’t naaayon sa batas.

(2) May kapangyarihan din siyang magreserba ng mga ipinagbibiling lupain galing sa mga pribadong ari-arian, o lupain ng mga prayle, at gamitin para sa kapakanan ng publiko, ayon sa pahintulot ng batas.

Kapangyarihan sa mga yamang galing sa masama — Aatasan ng Pangulo ang solisitor heneral na kumilos upang mabawi mula sa mga opisyal o empleado ng pamahalaan ang mga ari-ariang iligal na inari nila, o mula sa mga pinagbigyan o pinagpasahan nila nito.

Sa panahong itinakda ng konstitusyon, o anumang palugit na isinaad doon, may kapangyarihan ang Pangulo na bawiin ang mga ari-ariang kinamkam ng mga pinuno at tagasuporta ng nakaraang rehimen, at pangalagaan ang interes ng mga mamamayan sa pagsamsam o paghawak sa mga ari-ariang ito.

  1. Kapangyarihang maghirang sa posisyon

Maaaring magtalaga ang Pangulo ng mga opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas ayon sa nakasaad sa konstitusyon at mga batas ng Pilipinas. Gayumpaman, maaaring kailanganin ng ilan sa mga paghirang na ito ang pagsang-ayon ng Committee on Appointment o Komisyon sa Paghirang (isang komiteng binubuo ng ilang mga kasapi ng Kamara de Representantes at ng Senado ng Pilipinas).

  1. Kapangyarihang pangasiwaan ang mga pamahalaang lokal

May atas ang Pangulo, bilang punong ehekutibo, na pangasiwaan ang mga pamahalaang lokal sa bansa, sa kabila ng kanilang awtonomong estado ayon sa nakasaad sa Republic Act No. 7160 na kilala rin bilang Local Government Code of 1991.

Nakagawian nang pangasiwaan ang mga ito ng Department of Interior and Local Government (Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal) na pinamumunuan ng isang kalihim ng gabinete—ang tumatayong kinatawan ng Pangulo.

  1. Iba pang mga kapangyarihan

Bukod sa mga nabanggit na kapangyarihan ng Pangulo ng Pilipinas, maaari din siyang magpatupad ng mga kapangyarihang nakasaad sa konstitusyon at batas.

Linya ng Paghalili

Isinasaad sa konstitusyon ang isang linya ng mga hahaliling opisyal sa pagkakataong hindi na magampanan ng inihalal na Pangulo ng Pilipinas ang kanyang tungkulin sa kadahilanang pagkamatay, pagkakaroon ng kapansanan, o pagbibitiw. Ang sumusunod ay ang linya ng mga hahalili sa kanya:

  1. Pangalawang Pangulo — sa mga pagkakataon ng pagkamatay, pagkakaroon ng kapansanan, o pagbibitiw ng Pangulo
  2. Pangulo ng Senado — sa mga pagkakataon ng pagkamatay, pagkakaroon ng kapansanan, o pagbibitiw ng Pangulo at Pangalawang Pangulo
  3. Ispiker ng Kapulungan — sa mga pagkakataon ng pagkamatay, pagkakaroon ng kapansanan, o pagbibitiw ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, at Pangulo ng Senado.

Kaiba sa alam ng marami, hindi isinasali ng konstitusyon ang Punong Mahistrado o Chief Justice ng Korte Suprema sa linya ng mga hahalili sa Pangulo.

Inaatasan ang Kongreso ng Pilipinas na magpasa ng batas na magsasagawa ng espesyal na halalan tatlong araw matapos mabakante ang Tanggapan ng Pangulo at Pangalawang Pangulo. Kailangang maganap ang espesyal na halalan 40 raw pagkatapos ipatupad ang batas, ngunit hindi lalampas nang 60 araw.

Pangalawang Pangulo ng Pilipinas

Ang Pangalawang Pangulo ng Pilipinas ay inihalal ng boto ng mga mamamayan para sa terminong may anim na taon, at maaaring ihalal muli nang isa pang pagkakataon. Magsisimula ang panunungkulan ng Pangalawang Pangulo ng Pilipinas sa hapon ng ika-30 araw ng Hunyo pagkatapos isagawa ng halalan.

Mga Kuwalipikasyon

Ang mga kuwalipikasyon para sa mga nagnanais maupo sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo ay nakalista sa Artikulo VII, Sekyon 3. Ayon sa konstitusyon, ang mga kuwalipikasyon ng Pangalawang Pangulo ay pareho rin ng sa Pangulo.

Kasaysayan

Inihahalal ang Pangalawang Pangulo ng Pilipinas sa pamamagitan ng boto ng mga mamamayan para sa terminong may anim na taon, at maaari pang maihalal muli. Ayon sa konstitusyon, maaari siyang magsilbi bilang Gabinete kasabay ng kanyang tungkulin bilang pangalawang pangulo

Kung babalikan ang kasaysayan, walang probisyon para sa Pangalawang Pangulo ng Pilipinas sa unang konstitusyon ng bansa, ang Konstitusyon ng Malolos. Mayroon lamang itong probisyon para sa isang pangulo at kataas-taasang ministro (prime minister). Nalikha lamang ang unang batayang legal ng pag-iral ng posisyon noong 1935, sa pagtatatag ng Pamahalaang Komonwelt.

Mayroon nang 12 taong naupo sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo mula nang maitatag ito noong 1935. Si Pangalawang Pangulo Sergio Osmeña ang kauna-unahang humawak ng posisyon, at nanilbihan nang tatlong termino. Una siyang sumumpa pagkatapos ng halalan noong 1935 sa ilalim ng Pamahalaang Komonwelt, at isa pa ulit noong 1941 bago umalis sa bansa ang pamahalaang Pilipinas. Naganap ang kanyang ikatlong panunumpa sa Estados Unidos noong natapos ang termino ng mga opisyal habang wala sa Pilipinas.

Inihalal ang ikalawang bise presidente ng Pilipinas noong 1946 sa ilalim ng Pamahalaang Komonwelt. Nahirang si Pangalawang Pangulo Elpidio Quirino sa ilalim ng pamahalaang ito subalit tumawid ang kanyang panunungkulan hanggang sa Ikatlong Republika noong Hulyo 4, 1946. Sinundan si Quirino nina Fernando Lopez, Carlos P. Garcia, at Emmanuel Pelaez. Muling inihalal si Fernando Lopez noong 1965 noong tumakbo siya kasama ni Ferdinand Marcos. Nahalal nang dalawang termino si Lopez hanggang sa buwagin ang Tanggapan ng Pangalawang Pangulo noong Setyembre 23, 1972, kung kailan idineklara ang batas militar.

Walang itinakdang Pangalawang Pangulo ng Pilipinas ang orihinal na 1973 Konstitusyon. Nanatiling hindi umiiral ang posisyon hanggang sa naganap ang mga amyenda sa konstitusyon noong 1978. Noong 1986 lamang nang napunan ang posisyong ito. Palihim na nanumpa si Arturo Tolentino sa Palasyo ng Malacañan. Kaya nga lang, ilang araw lamang ang itinagal ng kanyang termino nang nagluklok ang Rebolusyong EDSA ng bagong liderato sa bansa.

Noong pinagtibay ang 1987 Konstitusyon, nanatili ang posisyon ng Pangalawang Pangulo kay Salvador Laurel Jr. bilang unang may hawak nito. Simula nang itatag ang 1987 Konstitusyon, mayroon nang anim na pangalawang pangulo ang Ikalimang Republika; lima rito ang inihalal (Laurel, Joseph Ejercito Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo, Noli de Castro, at Jejomar Binay), at isa ang hinirang (Teofisto Guingona Jr.).

Mga Katungkulan ng Pangalawang Pangulo

Ayon sa konstitusyon, maaaring isabay ng pangalawang pangulo ang pagkuha ng posisyon sa gabinete kung ialok ito sa kanya ng Pangulo ng Pilipinas. Magiging kalihim ang pangalawang pangulo kasabay ng kanyang hawak nang posisyon.

Bukod pa sa puwesto sa gabinete, inaatasan ang pangalawang pangulo na manungkulan bilang pangulo sa oras ng pagkamatay, pagkakaroon ng kapansanan, o pagbibitiw ng kasalukuyang Pangulo.

Linya ng mga Kahalili

Kung sakaling mabakante ang posisyon ng Pangalawang Pangulo, inaatasan ng konstitusyon ang Pangulo ng Pilipinas na maghirang ng kapalit, nang may pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang.

Mga Kalihim ng Gabinete

Tungkulin ng Isang Kalihim ng Gabinete

Ang mga kalihim ay gumaganap bilang kinatawan ng Pangulo sa pagpapatupad, gamit ang basbas nito, ng mga kapangyarihan ng presidente sa kani-kanilang mga kagawaran.

Pabago-bago ang bilang ng mga kalihim depende sa pangangailangan ng isang administrasyon. Ayon sa Administrative Code of 1987, may kakayahang bumuo o bumuwag ng kahit anong kagawaran ang Pangulo kung sa tingin niyang nararapat.

Paghirang ng mga Kalihim ng Gabinete

Ayon sa Artikulo VII, Seksyon 16, may kakayahang maghirang ang Pangulo ng sinuman para sa mga kagawarang pang-ehekutibo, nang may pahintulot ng Komisyon sa Paghirang. Isusumite sa Komisyon sa Paghirang, para kanilang pagpilian, ang mga pangalang iminumungkahi para sa posisyon sa gabinete.

Hindi maaaring angkinin ng isang indibidwal ang kanyang puwesto sa kagawaran hangga’t hindi kinukumpirma ng Komisyon sa Paghirang. Gayumpaman, nakasaad sa konstitusyon na maaaring maging acting cabinet secretary ang isang indibidwal bago pa man siya mabigyan ng kumpirmasyon. Ayon sa Artikulo VII, Seksyon 16 ng konstitusyon, maaaring maghirang ang Pangulo ng sinuman para sa gabinete kahit na nakabakasyon ang Kongreso. Tanggap ang mga paghirang na ito hanggang ipawalang-bisa ng Komisyon sa Paghirang, o sa pagtatapos ng susunod na sesyon ng Kongreso.

Hindi lahat ng kasapi ng gabinete, gayumpaman, ay saklaw ng kumpirmasyon ng Komisyon sa Paghirang. Nakasaad sa website ng Komisyon sa Paghirang, kailangan ng mga sumusunod na kalihim ng kumpirmasyon upang tuluyang manungkulan sa kanilang posisyon:

  1. Kalihim Tagapagpaganap (Executive Secretary)
  2. Kalihim ng Repormang Pansakahan (Secretary of Agrarian Reform)
  3. Kalihim ng Agrikultura (Secretary of Agriculture)
  4. Kalihim ng Badyet at Pamamahala (Secretary of Budget and Management)
  5. Kalihim ng Edukasyon (Secretary of Education)
  6. Kalihim ng Enerhiya (Secretary of Energy)
  7. Kalihim ng Kapaligiran at Likas na Yaman (Secretary of Environment and Natural Resources)
  8. Kalihim ng Pananalapi (Secretary of Finance)
  9. Kalihim ng Ugnayang Panlabas (Secretary of Foreign Affairs)
  10. Kalihim ng Kalusugan (Secretary of Health)
  11. Kalihim ng Katarungan (Secretary of Justice)
  12. Kalihim ng Paggawa at Empleo (Secretary of Labor and Employment)
  13. Kalihim ng Tanggulang Bansa (Secretary of National Defense)
  14. Kalihim ng Pagawain at Lansangang Bayan (Secretary of Public Works and Highways)
  15. Kalihim ng Agham at Teknolohiya (Secretary of Science and Technology)
  16. Kalihim ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (Secretary of Social Welfare and Development)
  17. Kalihim ng Interyor at Pamahalaang Lokal (Secretary of Interior and Local Government)
  18. Kalihim ng Kalakalan at Industriya (Secretary of Trade and Industry)
  19. Kalihim ng Transportasyon at Komunikasyon (Secretary of Transportation and Communications)
  20. Kalihim ng Turismo (Secretary of Tourism)
  21. Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (Commission on Higher Education)
  22. Direktor Heneral ng Pambansang Pangasiwaan sa Kabuhayan at Pagpapaunlad (Director General of the National Economic and Development Authority)

Kapangyarihan ng Kalihim ng Gabinete

Gaya ng naunang banggit, ang kalihim ng gabinete ang kinatawan ng Pangulo sa kani-kanilang mga kagawaran. Kung kaya, taglay nila ang kapangyarihang maglabas ng mga kautusang ukol sa kanilang tanggapan, tulad ng mga kautusang pangkagawaran (department order). May bisa lamang ang mga kautusang ito sa mga ispesipikong departamentong sakop ng kalihim. Nagsisilbi ring tagapayo ng Pangulo ang mga kalihim para sa kani-kanilang larangan.

Mga Pamahalaang Lokal

Lampas pa sa pambansang pamahalaan ang abot ng ehekutibong sangay. Ayon sa Artikulo X, Seksyon 4 ng konstitusyon, inaatasan ang Pangulo ng Pilipinas na pangasiwaan ang mga pamahalaang lokal sa buong bansa. Gayumpaman, dahil sa Republic Act No. 7160, na kilala rin bilang Local Government Code of 1991, nagtatamasa ang mga pamahalaang lokal ng isang antas ng pagsasarili mula sa pambansang pamahalaan.

Ang mga serbisyo-publiko at pasilidad na dapat ihatid ng pamahalaang lokal, ayon sa nakasaad sa Sekyon 17 ng Local Government Code, ay ang sumusunod:

  • mga pasilidad at serbisyong pananaliksik para sa mga gawaing pang-agrikultura at pangingisda, kabilang ang mga taniman ng punla, mga bukid pandemonstrasyon, at sistema ng irigasyon;
  • serbisyong pangkalusugan, kabilang ang pagbibigay ng mga pangunahing arugang pangkalusugan, pangangalaga sa mga ina at anak, mga kagamitan at suplay panggamot;
  • mga serbisyong pangkagalingan ng lipunan, kabilang ang mga programa at proyektong pangkababaihan, kabataan, nakatatanda, at may kapansanan; pati na rin mga palaboy, pulubi, batang-kalye, pariwarang binata’t dalaga, at biktima ng bawal na gamot;
  • mga serbisyong naghahatid ng impormasyon, kasama ang mga sistemang nagpapatalastas ukol sa mga bakanteng trabaho, at isang pampublikong silid-aklatan;
  • isang sistema sa pagtatapon ng basura, o sistemang nangangasiwa at nangangalaga sa kalikasan;
  • mga gusaling pangmunisipalidad/lungsod/probinsya, sentrong pangkultura, pampublikong liwasan o parke, palaruan, at pasilidad at kagamitang pang-isport;
  • mga imprastruktura gaya ng kalsada, tulay, gusaling pampaaralan, klinika, palaisdaan, sistemang nagsusuplay ng tubig, pader pandagat, dike, kanal at imburnal, at karatula at senyas pantrapiko;
  • mga pampublikong pamilihan, katayan, at iba pang lokal na negosyo;
  • pampublikong sementeryo;
  • mga pasilidad at atraksyong panturista; at
  • mga lugar para sa himpilan ng pulisya at bumbero, at mga kulungan.

May kapangyarihan din ang mga lokal na pamahalaan na lumikha ng sarili nilang pagkukuhaan ng kita at magpataw ng buwis, multa, at mga singil na sa kanila lamang mapupunta.

May punong tagapagpaganap ang bawat lokal na pamahalaan. Ang sumusunod ang listahan ng kanilang mga lokal na pinuno:

  1. barangay — punong barangay (barangay chairman)
  2. munisipalidad — alkalde ng munisipalidad
  3. lungsod — alkalde ng lungsod
  4. lalawigan — gobernador

May kapangyarihan ang mga lokal na pinunong aprubahan o tanggihan ang mga lokal na ordinansang inirerekomenda ng mga lokal na mambabatas.

Punong Barangay

Bilang punong tagapagpaganap sa pamahalaang barangay, ipatutupad ng punong barangay ang sumusunod na mga kapangyarihan at tungkulin:

  1. magpatupad ng mga batas at ordinansang angkop para sa barangay;
  2. makipagnegosasyon, makipagkontrata, at makipagpirmahan para at sa ngalan ng barangay, matapos pahintulutan ng Sangguniang Barangay;
  3. panatilihin ang kaayusang pangmadla sa barangay;
  4. magpatawag at pamunuan ang mga sesyon ng Sangguniang Barangay at Barangay Assembly;
  5. magtalaga o magpalit ng ingat-yaman, sekretarya, at iba pang hinihirang na opisyal ng barangay;
  6. mag-organisa at mamuno ng isang pangkat pangkagipitan para sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan o sa mga panahon ng matinding pangangailangan o kalamidad sa barangay;
  7. maghanda ng taunang ehekutibo at dagdag na badyet para sa barangay, sa pakikipagtulungan ng Barangay Development Council.
  8. mag-apruba ng mga garantiya at resibong may kinalaman sa paglalabas ng mga pondo ng barangay.
  9. magpatupad ng mga batas ukol sa pagbabawas ng polusyon at pagtatanggol ng kalikasan;
  10. pangasiwaan ang mga gawain ng Katarungang Pambarangay;
  11. pamahalaan ang mga aktibidad ng Sangguniang Kabataan sa pangkalahatan;
  12. tiyakin ang paghahatid ng mga pasilidad at pangunahing serbisyong panlipunan;
  13. magsagawa ng taunang palarong barangay na magtatampok ng mga tradisyunal na laro at disiplinang kasama sa mga palarong pambansa at pandaigdig; at
  14. isulong ang pangkalahatang katiwasayan ng barangay.

Mga Alkade ng Munisipalidad at Lungsod

Ang mga alkade ng munisipalidad at lungsod, bilang mga punong tagapagpaganap sa kani-kanilang lokal na pamahalaan, ay ipatutupad ang sumusunod na mga kapangyarihan at tungkulin:

  1. isagawa ang pangkahalatang pangangasiwa at kontrol sa lahat ng programa, proyekto, serbisyo, at gawain ng pamahalaang munisipal o lungsod:
    1. unawain ang mga batas pangmunisipalidad at managot sa mga Sangguniang Bayan o Panlungsod para sa programa ng pamahalaan;
    2. pangunahan ang pagbuo ng planong pangkaunlaran ng munisipyo o lungsod;
    3. ihain ang mga programa ng pamahalaan at magmungkahi ng mga batas at proyekto para pag-aralan, sa tuwing pagsisimula ng regular na sesyon ng Sangguniang Bayan o Panlungsod;
    4. magpasimula at maghain ng mga hakbang panglehislatura sa Sangguniang Bayan o Panlungsod;
    5. katawanin ang munisipalidad o lungsod sa lahat ng transaksyong pangkalakalan at pumirma sa ngalan nito sa lahat ng garantiya, kontrata at obligasyon, sa pagpapahintulot ng Sangguniang Bayan;
    6. magsagawa ng mga agarang hakbang na kakailanganin habang at pagkatapos ng mga kalamidad na gawa ng tao at kalikasan;
    7. suriin ang mga talaan at iba pang dokumento ng lahat ng tanggapan, opisyal, at empleado ng munisipalidad o lungsod;
    8. bisitahin ang mga barangay na bumubo sa munisipalidad o lungsod nang di-kukulangin sa isang beses sa kalahating taon;
    9. magdaos ng mga kasalan;
    10. magdaos ng palarong bayan o panlungsod; at
    11. magsumite sa gobernador pamprobinsya ng taunang ulat tungkol sa pangangasiwa ng munisipalidad o lungsod, at mga karagdagang ulat kapag may nangyaring di-inaasahang pangyayari at sitwasyon.
  2. Ipatupad ang lahat ng mga aprobadong batas at ordinansa, programa, proyekto, serbisyo, at gawain ng munisipalidad o lungsod:
    1. magpalabas ng mga kakailanganing kautusang tagapagpaganap (executive order) para sa maayos na pagsasagawa ng mga batas at ordinansa;
    2. magpatawag ng mga pagtitipon, seminar, o pulong ng kahit anong halal o hinirang na mga opisyal ng munisipyo o lungsod;
    3. lumikha at magsagawa ng planong pangkapayapaan at kaayusan para sa munisipalidad o lungsod; at
    4. tawagin ang mga angkop na tagapagpatupad ng batas upang sawatahin ang kaguluhan, karahasan, rebelyon o sedisyon, o hulihin ang mga lumalabag sa batas.
  3. Pasimulan at sagarin ang paglikha ng yaman at kita na gagamitin sa pagsasagawa ng mga planong pangkaunlaran, layunin ng programa, at prayoridad:
    1. maghanda at magsumite ng taunang ehekutibo at dagdag na badyet ng nasasakupan sa Sangguniang Bayan o Panlungsod, para sa kanilang pag-aaproba;
    2. tiyaking nakokoleta ang lahat ng buwis at iba pang pinagkakakitaan ng munisipalidad o lungsod;
    3. magpalabas, magsuspinde, o magpawalang-bisa ng mga lisensya at permit;
    4. gumawa ng mga hakbang upang protektahan at tipirin ang mga yamang-lupa, mineral, dagat, gubat, at iba pang yaman ng munisipalidad o lungsod;
    5. magbigay ng mahusay at mabisang pangangasiwa ng ari-arian at suplay sa munisipalidad o lungsod; at protektahan ang mga pondo, utang, karapatan, at iba pang pagmamay-ari ng munisipalidad o lungsod; at
    6. magtatag ng mga administratibo o panghukumang pagdinig para sa mga paglabag sa ordinansa patungkol sa pangongolekta ng buwis, singil, at pagbawi ng mga pondo at ari-arian.
  4. Tiyaking maihahatid ang mga pangunahing serbisyo at pagbibigay ng sapat na mga pasilidad, ayon sa nakasaad sa Seksyon 17 ng Local Government Code.

Gobernador ng Lalawigan

Bilang punong tagapagpaganap ng pamahalaang pamprobinsya, isasakatuparan ng gobernador ang sumusunod na mga kapangyarihan at tungkulin:

  1. isagawa ang pangkalahatang pangangasiwaan at kontrol sa lahat ng programa, proyekto, serbisyo, at gawain ng pamahalaang pamprobinsya;
    1. unawain ang mga batas pangmunisipalidad at managot sa Sangguniang Panlalawigan para sa programa ng pamahalaan;
    2. pangunahan ang paglikha ng planong pangkaunlaran ng probinsya;
    3. ihain ang mga programa ng pamahalaan at magmungkahi ng mga batas at proyekto para pag-aralan, sa tuwing pagsisimula ng regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan;
    4. magpasimula at maghain ng mga hakbang panglehislatura sa Sangguniang Panlalawigan;
    5. katawanin ang lalawigan sa lahat ng transaksyong pangkalakalan at pumirma sa ngalan nito sa lahat ng garantiya, kontrata at obligasyon, sa pagpapahintulot ng Sangguniang Panlalawigan;
    6. magsagawa ng mga agarang hakbang na kakailanganin habang at pagkatapos ng mga kalamidad na gawa ng tao at kalikasan;
    7. suriin ang mga talaan at iba pang dokumento ng lahat ng tanggapan, opisyal, at empleado ng munisipalidad o lungsod;
    8. bigyan ang Tanggapan ng Pangulo ng kopya ng mga ipinalabas niyang kautusang tagapagpaganap sa loob ng 72 oras pagkatapos lumabas;
    9. bisitahin ang mga bumubuong lungsod at munisipalidad nang di-kukulang sa isang beses sa kalahating taon;
    10. katawanin ang probinsya sa mga panlalawigan o pangrehiyong konseho sa palakasan, at pagtugmain ang pagsisikap ng lungsod o munisipalidad sa pangrehiyon o pambansang palaro.
    11. magsagawa ng taunang palarong panlalawigan; at
    12. magsumite sa Tanggapan ng Pangulo ng taunang ulat tungkol sa pangangasiwa ng lalawigan, at mga karagdagang ulat kapag may nangyaring di-inaasahang pangyayari at sitwasyon.
  2. Ipatupad ang lahat ng mga aprobadong batas at ordinansa, programa, proyekto, serbisyo, at gawain ng lalawigan:
    1. magpalabas ng mga kakailanganing kautusang tagapagpaganap (executive order) para sa maayos na pagsasagawa ng mga batas at ordinansa.
    2. magpatawag ng mga pagtitipon, seminar, o pulong ng kahit anong halal o hinirang na mga opisyal ng munisipyo o lungsod;
    3. lumikha at magsagawa ng planong pangkapayapaan at kaayusan para sa munisipalidad o lungsod, sa pakikipagtulungan ng mga bumubuong lungsod at munisipalidad, at ng National Police Commission; at
    4. tawagin ang mga angkop na tagapagpatupad ng batas upang sawatahin ang kaguluhan, karahasan, rebelyon o sedisyon, o hulihin ang mga lumalabag sa batas.
  3. Pasimulan at sagarin ang paglikha ng mga yaman at kita na gagamitin sa pagsasagawa ng mga planong pangkaunlaran, layunin ng programa, at prayoridad:
    1. maghanda at magsumite ng taunang ehekutibo at dagdag na badyet ng nasasakupan sa Sangguniang Panlalawigan, para sa kanilang pag-aaproba;
    2. tiyaking nakokoleta ang lahat ng buwis at iba pang pinagkakakitaan ng lalawigan;
    3. magpalabas, magsuspinde, o magpawalang-bisa ng mga lisensya at permit;
    4. gumawa ng mga hakbang upang protektahan at tipirin ang mga yamang-lupa, mineral, dagat, gubat, at iba pang yaman ng lalawigan;
    5. magbigay ng mahusay at mabisang pangangasiwa ng ari-arian at suplay sa lalawigan; at protektahan ang mga pondo, utang, karapatan, at iba pang pagmamay-ari ng lalawigan; at
    6. magtatag ng mga administratibo o panghukumang pagdinig para sa mga paglabag sa ordinansa patungkol sa pangongolekta ng buwis, singil, at pagbawi ng mga pondo at ari-arian.
  4. Tiyaking maihahatid ang mga pangunahing serbisyo at pagbibigay ng sapat na mga pasilidad, ayon sa nakasaad sa Seksyon 17 ng Local Government Code.

Hangganan ng Termino

Ang posisyon ng mga nabanggit na lokal na pinuno ay limitado sa tatlong magkakasunod na terminong may tigtatatlong taon. Sa pagwawakas ng kanilang ikatlong termino, hindi na sila maaari pang tumakbo para sa reeleksyon, subalit maaari silang tumakbong muli kung palilipasin ang isang termino.

 

Read in English