Read in English

Kabilang sa pahinang ito ang mga sumusunod:

  • Panimula
  • Ang Prosesong Lehislatibo
  • Kasaysayan ng Lehislatura

 

Panimula

Ang Batasang Pambansa sa Lungsod Quezon ay ang kasalukuyang himpilan ng Kapulungan ng mga Kinatawan.

Ayon sa 1987 Konstitusyon, ang kapangyarihang lehislatibo o tagapagbatas ay ibinibigay sa Kongreso ng Pilipinas, na siyang kinabibilangan ng Senado at ng Kapulungan ng mga Kinatawan (House of Representatives).

Mayroong 24 na Senador sa Senado. Nakasaad sa batas na sila ay pawang mga inihalal ng mayoridad ng mga botante ng Pilipinas. Hindi naman hihigit sa 250 ang maaaring makabilang sa Kapulungan ng mga Kinatawan at 20% nito ay kinakailangang mga kinatawan ng mga Party-list.

Nakatakda sa konstitusyon na ang bawat Senador ay kinakailangang:

  1. mamamayang ipinanganak sa PIlipinas at may magulang na Pilipino;
  2. hindi babata sa edad na 35;
  3. marunong magbasa at magsulat;
  4. rehistrado bilang botante; at
  5. residente ng Pilipinas nang di-bababa sa 2 taon bago ang araw ng halalan.

Sa kabilang banda, upang maging kasapi ng Kapulungan ng mga Kinatawan, kailangang sundin ang mga sumusunod na kahingian:

  1. mamamayang ipinanganak sa PIlipinas at may magulang na Pilipino;
  2. hindi babata sa edad na 25;
  3. marunong magbasa at magsulat; at
  4. rehistradong botante at residente ng bansa sa loob ng 1 taon o higit pa sa distrito kung saan siya ay inihalal (liban sa mga kinatawan ng party-list).

Ang Prosesong Lehislatura

Kailangang siguruhin ng pamahalaan na ang bawat kilos nito ay higit na pinagtitibay ang diwa ng konstitusyon. Dahil dito, nariyan ang Kongreso na gumagawa ng mga naaayong batas. Minsan, ito rin ang nagsususog o nagbabago ng mismong konstitusyon kung kinakailangan. Upang makagawa ng batas, ang lehislatura o batasan ay lumilikha ng dalawang pangunahing dokumento: mga panukalang batas (bills) at mga kapasiyahan/resolusyon (resolutions).

Ang mga Resolusyon ay nagpapahayag ng mga prinsipyo at palagay ng Senado o ng Kapulungan ng mga Kinatawan. Masasabing mahahati sa tatlong elemento ang mga resolusyon:

  • Joint Resolutions o Magkasanib na Kapasiyahan (ng dalawang kamara) – Kinakailangan nito ang pagsang-ayon ng parehong panig ng kamara ng Kongreso at ang lagda ng Pangulo. Kung maaprubahan, may kapangyarihan ito at bisa ng isang batas.
  • Concurrent Resolutions o Magkapanabay na Resolusyon – Ginagamit ito para sa mga usaping nakaaapekto sa pagkilos ng parehong kamara ng Kongreso. Gayong dapat itong maaprubahan ng parehong kamara, hindi ito ipinadadala sa Pangulo para sa kaniyang pagsang-ayon at, samakatuwid, ay walang kapangyarihan at bisa ng isang batas.
  • Simple/Unilateral Resolutions o Kapasiyahan ng Isang Panig Lamang – Patungkol ang mga ito sa mga usaping napapaloob lamang sa natatanging karapatan ng isang kamara ng Kongreso. Hindi ito inilalapit sa Pangulo para sa kaniyang pag-aapruba, kaya wala itong kapangyarihan at bisa ng isang batas.

Ang mga Bill o Panukalang Batas ay mga batas na hinuhulma pa lamang. Nagiging ganap na batas ang mga ito kapag sinang-ayunan ito ng parehong kamara at ng Pangulo. Ang isang Panukalang Batas ay maaaring hindi sang-ayunan ng Pangulo sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihang mag-veto. Ngunit ang desisyong ito ay maaari pang mabaligtad sa pamamagitan ng 2/3 na boto ng Kapulungan ng mga Kinatawan. Sa pagkakataong walang maipahayag na pasya ang Pangulo sa isang panukalang batas na ipinasa ng Kongreso, awtomatiko itong magiging batas 30 araw matapos itong matanggap ng Tanggapan ng Pangulo.

Upang masulyapan ang prosesong pinagdaraanan ng mga batas bago pa man ito maging batas, narito ang isang ilustrasyon:

Mga mungkahi at suhestiyon mula sa Pangulo, ahensiya ng gobyerno, pribadong mga indibidwal, at mga mambabatas.
Kapulungan ng mga Kinatawan Pagkilos sa Panukalang Batas Senado
HB *Ipinapasa ang panukalang batas sa Pangkalahatang Kalihim*Ang bawat panukalang batas ay pinapangalanang “H.B.” kung inihain sa Kapulungan (House Bill) at “S.B.” kung nasa Senado (Senate Bill). Ang bawat panukalang batas ay minamarkahan ng numero. SB
Unang Pagbasa *Pagbasa ng Pamagat/(mga) May-akda*Pagpapasa ng mga ito sa (mga) naaayong Komite. Unang Pagbasa
KOMITENagsusuri at nagrerekomenda
*Kung ang pasya ay sinang-ayunan, nagpapasa ng isang ulat sa Komite ng mga Tuntunin.*Kung ang pasya ay hindi sinang-ayunan, ibinabasura ang panukalang batas at ipinagbibigay-alam sa (mga) may-akda nito.
KOMITE NG MGA TUNTUNINIsinasama ang panukalang batas sa Calendar of Business
Ikalawang Pagbasa *Sponsorship*Panahon ng pagdedebate*Panahon ng pagsususog/pagbabago Ikalawang Pagbasa
Pagboto
*Kung ang pasya ay pagsang-ayon, ihahain ito sa ikatlong pagbasa.*Kung ang pasya ay hindi pagsang-ayon, inilalagak ito sa artsibo o archive.
Ikatlong Pagbasa Pamamahagi ng panukalang batas sa huli nitong anyo. Ikatlong Pagbasa
Muling Pagboto / Roll Call Vote
*Kung aprubado, ipinapadala ito sa kabilang kamara upang bigyan ng pagpapasya.*Kung hindi aprubado, inilalagak ito sa artsibo.
*Kung sakaling magkaroon ng nagbabanggaang mga probisyon, nagsasagawa ng Bicameral Conference Committee upang pag-usapan at pagtugmain ang mga ito.
BICAMERAL CONFERENCE COMMITTEE
*Pagpapatibay ng ulat mula sa Bicameral Conference Committee. Sa oras na ito’y mapagtibay:*Ilalathala ang panukalang batas sa pinakahuli nitong anyo.*Pagpapasok ng panukalang batas.
Pagpapasya ng Pangulo
Pagsang-ayon Veto (hindi pagsang-ayon)
Kung walang pagpapasya sa panukalang batas 30 araw matapos itong matanggap ng Tanggapan ng Pangulo, ito ay awtomatikong magiging batas. Isinasauli ang panukalang batas sa pinagmulan nitong Kamara kasama ang paliwanag kung bakit ito hindi inaprubahan.
Ang batas ay magkakabisa 15 araw matapos itong ilathala sa Official Gazette o sa dalawa o higit pang nasyonal na pahayagan na malawakan ang sirkulasyon. Pagbaliktad sa veto gawa ng 2/3 na bahagdan ng boto mula sa parehong kamara. Pagtanggap sa Veto

Ang Kasaysayan ng Lehislaturang Sangay

Pagkatawan sa Spanish Cortes

Bago pa man ang paglikha sa lehislatura ng Pilipinas, may mga pagkakataong pinahintulutan ang ilang mga Pilipino upang katawanin ang bansa sa Spanish Cortes. Noong 1810, halos naging regular na ang mga kinatawan ng Pilipinas sa Cortes kasabay ng pagpayag ng Pamahalaang Espanyol na magawaran ang mga Pilipino ng pagkamamamayang Español. Sa pagpapatupad ng Konstitusyon ng Cadiz, tuluyan nang naging regular ang pagdalo ng mga kinatawang Pilipino sa Cortes. Subalit binawi rin ang desisyong ito noong 1837 ayon sa deklarasyon ng liberal na Cortes na naiibang mga batas ang patatakbuhin sa mga nasasakupan ng España sa ibayong dagat. Ang kawalan ng karapatang katawanin ang Pilipinas ay isa sa mga pinakamaigting na ipinaglaban sa mga repormang inilakad ni Jose Rizal at ng iba pang mga propagandista.

Ang Republika ng Malolos, 1899-1901

Ang unang lehislatura ng Pilipinas ay tinipon noong Setyembre 15, 1898 sa simbahan ng Barasoain, Malolos, Bulacan. Kinilala ito bilang ang Republika ng Malolos na siyang lumikha ng unang konstitusyon ng bansa—ang una ring demokratikong konstitusyon sa buong Asya. Kabilang sa Kongreso ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang probinsiya, ang ilan sa kanila’y inihalal habang ang iba’y itinakda. Naudlot ang pagpapaunlad ng lehislaturang ito dahil sa pagdating ng digmaang Pilipino-Amerikano. Napawalang-bisa ang Unang Republika ng Pilipinas noong Marso 23, 1901 nang madakip si Pangulong Emilio Aguinaldo sa Palanan, Isabela.

Ang Komisyon ng Pilipinas, 1899-1916

Noong 1899, bumuo ng komisyon si Pangulong William McKinley ng Estados Unidos na pinamunuan ni Dr. Jacob Schurman. Ang layunin ng komisyong ito ay ang pag-aralan at imbestigahan ang kalagayan ng kapuluan ng Pilipinas. Kinikilala ito bilang ang Unang Komisyon ng Pilipinas (First Philippine Commission). Sinundan pa ito ng isa pang komisyong ginawaran ng limitadong lehislatibo at ehekutibong kapangyarihan sa pamumuno ni William Howard Taft noong 1900. Mula 1901, itinatag ang pagiging regular ng Komisyon ng Pilipinas. Nagkaroon ito ng kapangyarihang lehislatibo at ehekutibo na mayroong tatlong Pilipinong kinatawan: sina Benito Legarda, Trinidad Pardo de Tavera, at Jose Luzuriaga. Matapos ang pagsasaayos ng Asemblea ng Pilipinas (Philippine Assembly; tingnan sa ibaba) noong 1907, nanatili ang Komisyon bilang ang mataas na kapulungan ng mga mambabatas.

Ang Asemblea ng Pilipinas, 1907-1916

Nagsimula ang paghahalal sa Pilipinas ng mga kinatawang Pilipino noong itinatag ng insular na Pamahalaang Amerika ang Asemblea ng Pilipinas. Sa pamamagitan nito, pinahintulutan ng Amerika ang mga Pilipinong magkaroon ng bahagi sa pamamahala sa Pilipinas. Tumayo ang Asemblea bilang ang mababang kapulungan sa lehislatura. Ang lehislatibong kapangyarihan nito ay nanggaling sa Komisyon ng Pilipinas—na pawang Amerikanong opisyales ang mga kasapi sapagkat kontrolado pa rin ito ng mga Amerikano. Noong 1907, sakop pa rin ng Amerika ang Pilipinas nang gawin ang pinakaunang pambansang halalan para sa Asemblea at mula rito ay nagkaroon ng 81 na kinatawang Filipino para sa kani-kanilang distrito. Sa pag-usad ng mga taon, lumobo ang bilang ng mga distrito mula 85 noong 1910 hanggang sa maging 91 noong 1912.

Resident Commissioners, 1907-1946

Mula 1907 hanggang 1946, nagpadala ang lehislatura ng Pilipinas ng resident commissioner bilang representatibo sa Kapulungan ng mga Kinatawan ng Estados Unidos. Tulad ng limitadong pagkatawan ng mga Pilipino sa Cortes, nagkaroon ang komisyoner ng karapatang magsalita sa kapulungan ngunit wala siyang karapatang bumoto. Sa pagbabalik ng kasarinlan ng Pilipinas noong 1946, itinigil ang pagpapadala ng representatibo sa Kongreso ng Estados Unidos. (Hanggang ngayon, ang Puerto Rico ay mayroon pa ring resident commissioner sa Kapulungan ng mga Kinatawan ng Estados Unidos.)

Ang Lehislatura ng Pilipinas, 1916-1935

Sa pagpapatupad ng Jones Law noong 1916, nabigyan ng oportunidad ang mga Pilipinong magkaroon ng katungkulan sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan. Nagkaroon ng mga bakanteng posisyon para sa mga Pilipino sa Senado: 12 na kakatawan sa mga senatoryal na distrito at 2 senador kada distrito. Ang unang Pangulo ng Senado noong 1916 ay si Manuel L. Quezon, na siyang kumatawan noon sa ikalimang distrito. Nanatili siya sa panunungkulang ito hanggang sa maitatag ang Commonwealth noong 1935. Labinsiyam na taon bago ang Commonwealth, ang pagkapangulo sa Senado lamang ang pinakamataas na posisyong maaaring makamit ng isang Pilipino.

Mula sa unang Komisyon ng Pilipinas hanggang sa Commonwealth, pampublikong mga batas ang ipinapapasa ng lehislatura. Ang ganitong anyo ng lehislasyon ay nagsimula sa Kongreso ayon sa pagsang-ayon ng gobernador-heneral ng Amerika sa kapuluan ng Pilipinas.

Ang Commonwealth ng Pilipinas, 1935-1946

Noong Nobyembre 15, 1935, nanumpa si Quezon bilang Unang Pangulo ng Commonwealth ng Pilipinas. Sa kaniyang pag-upo sa posisyong ito, ang pagkontrol sa ehekutibong sangay ng pamahalaan ay pormal na ibinigay sa mga Pilipino. Panahon din ng Commonwealth nang ang Korte Suprema ay tuluyan na ring pinamunuan at binuo ng mga Pilipinong opisyales. Sa bisa ng Konstitusyon ng 1935, ang bikameral na lehislatura ay pinagsanib upang mabuo ang unicameral na National Assembly.

Dalawang halalan ang ginawa sa ilalim ng Commonwealth. Ang una sa dalawang ito ay ginawa noong 1935 kung kailan hinalal ang Pangulo ng Pilipinas at ang mga kasapi ng National Assembly. Sumunod dito ang eleksiyon para lamang sa mga kasapi ng National Assembly noong 1939. Noong 1941, ipinawalang-bisa ang National Assembly ayon sa konstitusyonal na pagbabago ng estrukturang lehislatura.

Mula sa panahon ng Commonwealth hanggang sa inagurasyon ng Ikatlong Republika ng Pilipinas, ang lehislatura ay nagpapasa ng mga Commonwealth Act (CA). Ang ganitong anyo ng lehislasyon ay nagsimula sa National Assembly at may pagsang-ayon mula sa Pangulo ng Pilipinas.

Constitutional Amendments ng 1941

Pagkatapos ng anim na pagpapatakbo ng unikameral na lehislatura, nilapatan ng pagbabago ang Konstitusyon ng 1935. Hinati ang National Assembly sa dalawa: muling itinatag ang Senado at ang Kapulungan ng mga Kinatawan. Mayroong Pangulo ang Senado habang mayroong Tagapagsalita naman ang Kapulungan (Speaker of the House).

Nagkaroon ng eleksiyon para sa mga kapulungang ito noong 1941. Ngunit dahil sa pagsiklab ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, hindi nakapanungkulan ang mga inihalal at tuluyan nang nawala ang lehislatura ng Pilipinas noong lumikas sa labas ng bansa ang pamahalaan ng Pilipinas.

Ang Ikalawang Republika, 1943

Noong Oktubre 14, 1943, nagkaroon ng inagurasyon ang Ikalawang Republika ng Pilipinas sa panukala ng mga Hapones. Si Jose P. Laurel ang namuno sa republikang ito. Sinunod ng Ikalawang Republika ang bagong-likha na Konstitusyon ng 1943 at ibinalik nila ang lehislatura sa anyong unikameral na National Assembly. Nagtagal ang bersiyong ito ng National Assembly hanggang sa pagdating ng mga puwersang Allied noong 1944, kasabay ng paglaya ng Pilipinas mula sa mga mananakop na Hapones.

Restoration of the Philippine Commonwealth, 1945-1946

Sa oras na naitatag muli ang Commonwealth noong 1945, nagpatawag ng espesyal na sesyon sa Kongreso si Pangulong Sergio Osmeña. Hunyo 9 ng parehong taon, nagtipon ang unang Kongreso at ang tumayong Pangulo ng Senado ay si Manuel Roxas habang ang Tagapagsalita ng Kapulungan ay si Jose C. Zulueta. Ang mga kasapi ng Kongreso ay iyon ding mga inihalal noong 1941, maliban na lamang sa mga opisyal na ibinilanggo dahil sa kanilang pakikipagtulungan sa mga Hapones.

Winasak ng digmaan ang opisyal na gusali ng Lehislatura sa Maynila kaya idinaos ang unang sesyon ng Kongreso sa isang bahay na ginawang paaralan sa kalye ng Lepanto, Maynila.

Noong Abril 23, 1946, nagkaroon ng pambansang halalan upang magkaroon ng bagong Pangulo at Ikalawang Pangulo ang bansa, gayundin ng mga bagong kasapi sa Kongreso. Pagkatapos ng eleksyon, nagtipon ang Ikalawang Kongreso ng Commonwealth noong ika-25 ng Mayo 1946. Nagtagal lamang ang Kongresong ito hanggang Hulyo 4, 1946—ang araw ng inagurasyon ng Ikatlong Republika ng Pilipinas.

Ang Ikatlong Republika, 1946-1972

Hulyo 4, 1946 nang sa wakas ay naproklama ang independiyenteng Republika ng Pilipinas na pinamunuan ni Manuel Roxas. Ang Ikalawang Kongreso ng Commonwealth ay binigyan ng bagong bihis bilang ang Unang Kongreso ng Republika ng Pilipinas na binubuo ng Senado at ng Mababang Kapulungan ng mga Kinatawan. Dito nagsimula ang bilang ng lahat ng mga naging Kongreso ng Republika hanggang sa ito’y mapawalang-bisa bunsod ng Batas Militar noong 1972.

Sa panahong ito nagsimula ang lehislasyon ng mga Batas Republika (Republic Act) na nagpatuloy hanggang 1972. Nang maibalik ang demokrasya noong 1986 sa pagpapatibay ng Konstitusyon ng 1987, tinawag muling Batas Republika ang mga ipinapasang batas.

Ang Batas Militar at ang Ikaapat na Repubika, 1972-1986

Inihain ni Pangulong Ferdinand E. Marcos ang Pampanguluhang Proklamasyon Blg. 1081 noong Setyembre 23, 1972—ang proklamasyong naglagay sa buong bansa sa ilalim ng Batas Militar. Sumabay ang deklarasyong ito sa pagsasara ng sesyon ng dalawang kamara ng Kongreso. Ilang araw bago ang pagbubukas muli ng Senado at Kapulungan ng mga Kinatawan, isinulong ni Marcos ang Konstitusyon ng 1973 na isinasaad ang pagbasura sa bikameral na lehislatura kapalit ng unikameral na anyo nito. Pinuntahan pa ng ilang mga mambabatas na bahagi ng oposisyon ang opisyal na gusali ng Lehislatura, ngunit inabutan nila itong nakakandado at binabantayan ng isang armadong guwardiya.

Nilikha ni Marcos ang Batasang Bayan noong 1976 sa pagpapabisa ng Presidential Decree No. 995. Ito ang nagsilbing konseho ng lehislatibo—isang quasi-legislative na katawang ginamit upang maisakatuparan ang pagpapabisa sa Konstitusyon ng 1973. Inilagak ang tanggapan ng Batasang Bayan sa Philippine International Convention Center, isang modernistang estrukturang idinisenyo ni Leandro Locsin, Pambansang Alagad ng Sining para sa Arkitektura (nasa loob ito ng Cultural Center of the Philippines Complex—isa sa mga pangunahing proyekto ng Unang Ginang Imelda R. Marcos).

Nagtagal ang konsehong ito hanggang 1978. Hindi kalaunan ay ipinalit dito ang Interim Batasang Pambansa (IBP), isang lehislaturang katawan na unikameral—alinsunod sa Konstitusyon ng 1973. Noong Abril 7, 1978, nagkaroon ng eleksiyon ng mga kasapi nito ayon sa sistemang bloc-voting at ang bawat nanalo kada rehiyon ay tinawag na Mambabatas (Assemblymen). Sumunod dito ang paglulunsad ng IBP noong Araw ng Kasarinlan ng 1978 sa Batasang Pambansa ng Lungsod Quezon.

Noong 1984, isang mas malawak na halalan sa kada probinsiya ang isinagawa para sa pagboto ng mga miyembro ng Regular Batasang Pambansa (RBP). Ang kanilang inagurasyon ay ginawa noong Hulyo 23, 1984.

Hindi ipinagpatuloy ng IBP at RBP ang pagbibilang ng mga Batas Republika, sa halip ay tinawag nilang “Batas Pambansa” ang mga batas na kanilang ipinapasa.

Dala ng panggigipit mula sa ibang mga bansa, nagpatawag ng snap presidential election si Pangulong Marcos noong 1986. Gayong iprinoklama ng Batasang Pambansa na panalo si Marcos at ang kaniyang Bise Presidenteng si Arturo Tolentino (dating Senador at Mambabatas), nabalewala ito dahil sa matagumpay na rebolusyon ng oposisyong nagtatag kay Corazon C. Aquino bilang Pangulo ng bansa habang si Salvador H. Laurel naman ang Ikalawang Pangulo.

Ang Ikalimang Republika, 1987—hanggang sa ngayon

Noong Marso 25, 1986, idineklara ni Pangulong Cory Aquino ang isang rebolusyonaryong pamahalaan sa bisa ng Presidensiyal na Proklamasyon Blg. 3, s. 1986. Isinaad dito ang pagpapawalang-bisa sa ilang probisyon ng Konstitusyon ng 1973 at ang pagpapatupad ng isang konstitusyong magsisilbing gabay ng bansa pagbalik tungo sa demokrasya. Sa pamamagitan nito, ibinasura ang Batasang Pambasa. Isang konstitusyonal na komisyon ang nilikha sa bisa ng Proklamasyon Blg. 9 noong Abril 23, 1986 ang inatasang gumawa ng bagong konstitusyon.

Lubos na ipinatupad ang Konstitusyon ng 1987 noong Pebrero 2, 1987. Ibinalik nito ang bikameral na lehislatura na binubuo ng Senado at Kapulungan ng mga Kinatawan. Naging mas malaki ang bilang ng mga representatibo sa Kapulungan ng mga Kinatawan at inilagak sila sa Batasang Pambansa. Sa kabilang banda, 24 pa rin ang mga kasapi ng Senado at sila ay nasa opisyal na Gusali ng Lehislatibo. Noong 1997, inilipat ang Senado sa GSIS Building.

Ang mga batas na ipinapasa sa bikameral na lehislatura ay ginamit muli ang pamagat na Batas Republika (Republic Act), tulad na lamang ng pagpapangalang ginawa noong Ikatlong Republika (1946-1972). Napagkasunduan ding ipagpatuloy ang bilang ng mga Batas Republika kung saan ito tumigil bago ibasura ng Batas Militar ang Kongreso. Sa gayon, ang huling Kongreso sa ilalim ng Konstitusyon 1935 ay ang Ikapitong Kongreso. Ang unang Kongreso ng Konstitusyon ng 1987 ay ang Ikawalong Kongreso.