Sa ika-23 ng Hulyo, 2012, ihahayag ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) sa isang joint session. Ito rin ang siyang magiging paglulunsad ng ika-15 Kongreso ng PIlipinas.

Sa kasalukuyan, nakakapitumpu’t dalawang SONA na ang Pilipinas. Ang susunod na SONA ni Pangulong Aquino ang siyang ika-73 mula 1936, at ika-26 naman mula nang manumbalik ang demokrasya sa ilalim ng Ikalimang Republika noong 1986.

Taunang tradisyon ang SONA. Dito inilalahad ng pangulo ang kasalukuyang kalagayan ng bansa. Ipinahahayag niya ang mga layunin at tunguhin ng pamahalaan para sa darating na taon, at nagmumungkahi sa Kongreso ng mga hakbang para sa lehislatura. Alinsunod sa Saligang Batas ang talumpating ito, ayon sa Artikulo VII, Seksyon 23 ng Saligang Batas ng 1987: “[d]apat magtalumpati ang Pangulo sa Kongreso sa pagbubukas ng regular na sesyon nito. Maaaring humarap din siya rito kahit sa iba pang pagkakatao.” Sinasabi rin sa Artikulo VI, Seksyon 15, “Ang Kongreso ay dapat magsimula ng pulong minsan isang taon sa ikaapat na Lunes ng Hulyo ukol sa regular na sesyon nito.”

Tradisyon at Pamamaraan

Session Hall ng BatasanPambansa noong SONA 2011 ni Pangulong Benigno S. Aquino III.

Ang Pangulo ng Pilipinas ay panauhin ng Kongreso, kung kaya’t ang Joint Session ng Kongreso ay idinadaos sa Session Hall ng House of Representatives. Namimigay ang Kongreso ng mga tiket sa mga kinauukulan, at bilang punong may-anyaya, ang Kongreso ang namamahala sa lahat ng paghahanda para sa okasyon.

Sa umaga ng Lunes, magkahiwalay na nagpupulong ang Kongreso at Senado upang ihalal ang kanilang mga pinuno. Matapos nito, ipinapasa ang isang resolusyong nagsasabi na kapwa handa nang makinig sa talumpati ng Pangulo ang Senado at Kongreso. Ititigil ang kanilang mga Session para rito.

Sa hapon, sasalubungin sa Batasang Pambansa ng Chief of Staff ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, kasama ng mga Sergeants-at-Arms ng Senado at Kongreso, ang Pangulo. Ihahatid ng Chief of Staff sa Honor Guard ang Pangulo. Sa puntong ito, hahalili ang Sergeant-at-Arms ng Kongreso bilang eskolta ng Pangulo; ang paghaliling ito ay sumasagisag ng kasarinlan ng lehislatura. Ihahatid ang Pangulo sa Presidential Legislative Liaison Office (PLLO), na siyang tanggapan ng pinuno ng ehekutibo sa Kongreso. Bilang paggalang, dadalaw sa PLLO ang mga pinuno ng Senado at Kongreso.

Ihahatid ang Pangulo sa Session Hall ng isang Welcoming Committee, na itinalaga ng mga kasapi ng Kongreso at Senado. Ipahahayag ng Speaker of the House ang pagdating ng Pangulo, na siya namang pupuwesto sa gitna ng Senate President at House Speaker. Pormal na sisimulan ang Joint Session, sa pamamagitan ng pag-awit ng Pambansang Awit at maikling panalingin. Bababa sa rostrum ang Pangulo upang ibigay ang kanyang talumpati.

Pagkatapos magtalumpati ng Pangulo, kapwa isinasara ng Senate President at House Speaker ang Joint Session ng Kongreso para sa kani-kanilang mga pinamumunuan.

Nagsisimula at nagwawakas ang bawat Kongreso sa paghalal ng mga bagong kasapi ng House of Representatives, na nanunungkulan ng tatlong taon. Ipinaghahati-hati rin ang bawat Kongreso sa tatlo, para sa bawat taon ng kalendaryo. Kung gayon, simula ang SONA ng bawat regular na sesyon ng Kongreso.

Binibilang ang bawat Kongreso – halimbawa ang kasalukuyang ika-15 – ayon sa bilang ng idinaos nang Kongreso mula kilalanin ng mga Amerikano ang kasarinlan ng Pilipinas noong ika-4 ng Hulyo, 1946. Samakatuwid, ang huling Kongreso ng Pamahalaang Commonwealth ng Pilipinas ang siyang naging Unang Kongreso ng Republika ng Pilipinas. Sinunod ang ganitong pagbilang hanggang sa pagpataw ng Batas Militar ni Pangulong Ferdinand Marcos noong 1972. Nang maitatag muli ang dalawang sangay ng lehislatura noong 1987, ipinagpasyang ipagpatuloy, tulad nang dati, ang pagbilang sa mga Kongreso, mula huli nitong bilang bago ipataw ang Batas Militar. Samakatuwid, ang huling Kongreso, alinsunod sa Saligang Batas ng 1935, ay siyang Pampitong Kongreso, at ang unang kongreso sa ilalim ng Saligang Batas ng 1987 ay Pangwalong Kongreso.

Ang kasalukuyang Pang-15 Kongreso ay magwawakas sa ika-30 ng Junyo, 2013.

Ang Kasaysayan ng SONA

Ibinibigay ni Pangulong Manuel L. Quezon ang kanyang talumpati noong 1940 sa National Assembly, sa harap ni Speaker Jose Yulo at United States High Commissioner Francis B. Sayre.

Nanghiram mula sa tradisyong parliyamentariyo ng Europa ang Unang Republika ng Pilipinas: kalakaran nito ang paglulunsad ng National Assembly sa pamamagitan ng isang talumpati mula sa pinakamataas na pinuno ng bansa. Ayon sa Saligang Batas ng 1899, tungkulin ng Pangulo ang pagbukas, pagsuspinde, at pagsara ng Kongreso. Ibinigay din ng Saligang Batas sa Pangulo ang kapangyarihang makipag-ugnayan sa Kongreso sa pamamagitan ng mga mensaheng binasa sa harap ng National Assembly ng mga Kalihim ng Pamahalaan.

Noong ika-15 ng Setyembre, 1898, nagtalumpati ang Pangulong Emilio Aguinaldo sa Kauna-unahang Pagtitipon ng Pulungan ng Kinatawan, na higit na kilala bilang Kongreso ng Malolos. Hindi kinikilala ang talumpating ito bilang SONA, dahil pagbati lamang ito sa tagumpay ng Pulungan, at hindi pormal na pagsalaysay sa lehislatura nang ayon sa Saligang Batas.

Unang naisabatas ang ganitong uri ng paglalahad sa Jones Law ng 1916. Iminungkahi nito sa Gobernador-Heneral ng Pilipinas na magsalaysay sa isang tanggapang ehekutibo ukol sa pamamahala ng teritoryo, at ang tanggapan ang siya namang maglalahad nitong salaysay sa Pangulo ng Estados Unidos. Ayon sa Jones Law, bahagi ng bawat salaysay ang mga transaksyon ng pamahalaan ng Pilipinas na ipinapasa taun-taon, o ayon sa pangangailangan.

Pamahalaang Komonwelt ng Pilipinas

Unang ginanap ang SONA sa anyong kilala natin noong Pamahalaang Komonwelt. Nakasaad ang sumusunod sa Ika-VII Artikulo, Ika-5 Seksyon ng Saligang Batas ng 1935:

The President shall from time to time give to the Congress information on the state of the Nation, and recommend to its consideration such measures as he shall judge necessary and expedient.

Sa ganitong paraan nakilala bilang SONA ang taunang talumpating ibinibigay ng Pangulo sa lehislatura.

(Itaas) Si Pangulong Macapagal, matapos ang kanyang SONA noong 1963, kasama sina Speaker Villareal at Senate President Marcos; (gitna) Pangulong Quirino noong 1949; (ibaba) SONA ni Pangulong Roxas noong 1946

Itinakda ang ika-16 ng Hunyo bilang simula ng National Assembly, alinsunod sa Commonwealth Act (CA) blg. 17. Inihayag ni Pangulong Manuel Quezon ang unang SONA sa Legislative Building noong ika-16 ng Hunyo, 1936.

Binago naman ng CA 49 ang CA 17, sa pagtatakda ng ika-16 ng Oktubre bilang sumula ng National Assembly. Dahil Sabado ang ika-16 ng Oktubre noong 1937, ang ikalawang SONA ni Pangulong Quezon ay ginanap ng Lunes, ika-18 ng Oktubre, 1937.

Nang maaprubahan ang CA 244 noong ika-10 ng Disyembre, 1937, muling ibinago ang petsa ng pagbukas ng National Assembly, sa ikaapat na Lunes ng Enero, magmula 1938. Ibinigay naman ni Pangulong Quezon ang kanyang huling SONA noong ika-31 ng Enero, 1941, dahil sa susunod na taon, madidistiyero na siya habang ang Pilipinas ay mapapasailalim sa kapangyarihan ng mga Hapon.

Pangalawang Republika

Si Jose P. Laurel, Pangulo ng Ikalawang Republika ng Pilipinas, ay nakapagbigay ng iisang talumpati sa harap ng isang espsesyal na pagtitipon ng National Assembly, sa pamumuno ni Benigno Aquino Sr., noong ika-18 ng Oktubre, 1943, apat na araw matapos ang pagkakatatag ng Republika. Subalit ipinahayag ni Laurel, na kasapi ng lupon na bumuo ng Saligang Batas ng 1935, na ang talumpati niya ay hindi isang SONA, gayong walang nakasaad sa Saligang Batas ng nakaraang taon ukol sa pagsalaysay ng kalagayan ng bansa sa lehislatura. Samakatuwid, hindi bahagi ng tinipong mga SONA ang kanyang talumpati.

Pagbalik ng Commonwealth

Matapos talunin ang hukbong Hapones at maitatag muli ang Pamahalaang Commonwealth ng Pilipinas, ang Kongreso ng Pilipinas – na hinalal noong 1941, at may dalawa nang sangay – ay nagtipon noong ika-9 ng Hunyo, 1945. Nagtalumpati noon si Pangulong Sergio Osmeña sa pansamantalang tanggapan ng Kongreso sa isang paaralan sa Maynila; isinalaysay niya ang mga naabot nang layunin ng Pamahalaan sa kanilang tatlong taong pamamalagi sa Washington DC. Dagdag nito, inilarawan niya ang kalagayan ng bansa noong panahon ng pananakop, at nagbigay-puri sa ambag ng mga gerilya sa hukbong Amerikano, alang-alang sa pagpapalaya ng bansa. Iisa lamang ang naibigay na SONA ni Pangulong Osmeña.

Ibinigay naman ni Pangulong Manuel Roxas ang huling SONA sa ilalim ng Pamahalaang Commonwealth noong ika-3 ng Hunyo, 1946. Matapos maitatag ang kasarinlan ng Republika ng Pilipinas noong ika-4 ng Hulyo, 1946, ipinagpasyang magaganap ang SONA sa ikaapat na Lunes ng Enero taun-taon, alinsunod sa CA 244, at naipatupad nang ibigay ni Pangulong Roxas ang kanyang SONA noong ika-27 ng Enero, 1947.

Pangatlong Republika

Si Pangulong Ramon Magsaysay, kasama sina Senate President Eulogio Rodriguez Sr. at Speaker Daniel Romualdez, sa kanyang SONA ng 1956, sa Legislative Building, Maynila.

Mula 1949, ginaganap ang SONA sa bagong tayong Legislative Building. Isang beses lamang nangyari na hindi nakapunta sa Legislative Building ang pangulo: Noong ika-23 ng Enero, 1950,  nang magtalumpati si Pangulong Elpidio Quirino habang nagpapagaling sa Johns Hopkins Hospital sa Baltimore, Maryland. Gumamit siya ng radio broadcast sa RCS sa Estados Unidos, na siya namang umabot sa mga himpilan ng radyo sa Pilipinas nang alas-diyes ng umaga. Umabot ito sa pagbubukas ng pagpupulong ng Kongreso.

Ang Batas Militar, at ang Pang-apat na Republika

Pangulong Ferdinand E. Marcos, sa kanyang SONA noong 1972 sa Legislative Building, Maynila.

Taun-taong ginanap ang SONA tuwing Enero, hanggang 1972. Mula 1973 hanggang 1977, ginanap ang SONA sa opisyal na anibersaryo ng pagpataw ng batas militar, ang ika-21 ng Setyembre (opisyal, sa kadahilanang ipinataw talaga ang batas militar noong ika-23 ng Setyembre, 1972). Dahil binuwag na ang Kongreso gawa ng Saligang Batas ng 1973, ang mga talumpating ito ay ibinigay sa Palasyo ng Malacañan, o sa Luneta, maliban lang  noong 1976, kung kailan ibinigay ang talumpati noong pagbukas ng Batasang Bayan sa Philippine International Convention Center.

Noong ika-12 ng Hunyo, 1978, unang inihayag ni Pangulong Marcos ang SONA sa Batasan Pambansa sa Quezon City, noong pagbukas ng pagpupulong ng Interim Batasan Pambansa. Mula 1979, ipinahahayag ang SONA tuwing ikaapat na Lunes ng Hulyo, alinsunod sa mga Saligang Batas ng 1973 at 1987. Dalawang beses lamang hindi nasunod ang tradisyong ito: ang una, noong 1983, noong ginanap ang SONA sa ika-17 ng Enero bilang paggunita sa anibersaryo ng pagpabago sa Saligang Batas, at kasabay nito, ang ikalawang anibersaryo ng pagpapawalang-bisa sa batas militar; at pangalawa, noong nagtatag si Pangulong Corazon C. Aquino ng pamahalaang rebolusyonaryo, at hindi ginanap ang SONA.

Inilathala sa itinigil nang Malacañang Journal ang 1987 SONA ni Pangulong Corazon C. Aquino. Ipinakikita siya sa litratong ito, samantalang nasa rostrum, kasama nina Speaker Ramon Mitra at Senate President Jovito Salonga.

Panlimang Republika

Nakapagbigay ng SONA si Pangulong Corazon C. Aquino ng SONA sa Session Hall ng House of Representatives sa BatasanPambansa Complex sa Quezon City nang maitatag muli ang Kongreso noong 1987. Siya, at ang lahat ng pangulong sumunod sa kanya – Fidel V. Ramos, Joseph Ejercito Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo, at Benigno S. Aquino III – ay pawang nagpahayag ng SONA sa lugar na ito.

Trivia: Ukol sa mga Pangulo at ang Kani-Kanilang mga SONA

Noong ika-26 ng Hulyo, 2010, ibinigay ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang una niyang SONA. Ito ang kauna-unahang SONA na nailahad nang buo sa wikang Filipino. Pawang Ingles ang mga SONA ng mga dating pangulo, o kaya’y gumagamit din sila ng ilang salita mula sa Filipino. Unang nangyari ito nang ginamit ni Manuel L. Quezon ang salitang Tagalog na “kasama” sa kanyang unang SONA noong 1936. Sa talumpati ding ito, iminungkahi niya ang pagbuo ng Filipino bilang pambansang wika.

Noong ika-25 ng Hulyo, 2011, inihayag ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang kanyang ikalawang SONA. Isinalin ito sa Ingles at binasa nang real time para sa pangkat diplomatiko. Samakatuwid, sa pangalawang taon ni Pangulong Benigno S. Aquino III, may dalawang bagong inobasyon ang SONA: ang pangkalahatang paggamit ng wikang Filipino sa talumpati, at ang real time na pagsasalin nito.

Si Pangulong Ferdinand E. Marcos ang may pinakamaraming SONA, na naghayag ng 20 SONA sa kahabaan ng kanyang rehimen mula ika-30 ng Disyembre, 1965 hanggang ika-26 ng Pebrero, 1986. Pumapangalawa naman sa dami ng SONA si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na nanatili sa puwesto nang siyam na taon, at nakapagbigay din ng siyam na SONA.

Dalawang pangulo ang hindi nakapagbigay ng SONA dahil walang nakasaad sa Saligang Batas ng panahon nila ukol dito: Aguinaldo at Laurel.

Si Sergio Osmeña ang pangulong pinakakaunti ang naibigay na SONA: Iisa lamang ang kanyang naibigay, matapos maibalik sa kapangyarihan ang Commonwealth ng 1945.

Tanging si Pangulong Ferdinand Marcos ang nagbigay ng SONA nang hindi kaharap ng Kongreso. Ginawa niya ito noong 1973, 1974, 1975, at 1977.

Si Pangulong Elpidio Quirino naman ang nag-iisang pangulong nagtalumpati gamit ang himpilan ng radyo, na siya namang pinatugtog samantalang nakatipon ang Kongreso . Nagpapagaling sa Johns Hopkins Hospital sa Estados Unidos noon ang pangulo.

Hindi nakapagbigay ng SONA noong taong 1986 si Pangulong Corazon C. Aquino. Ito ang kaisa-isang taon mula 1945 na walang SONA. Wala ring SONA  noong 1942 hanggang 1944, gawa ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at pananakop ng hukbong Hapon sa Pilipinas.

[callout align="center" width="600"]

YouTube Preview Image

Isang newsreel na may habang 32 secundo, tampok si Pangulong Quezon sa kanyang SONA noong 1938. (Mula sa: Thought Equity Motion)

[/callout]

[callout align="left" width="350"]

Listahan ng mga State of the Nation Address

Read this in English

[/callout]